***originally published in the May issue of Pinoy Gazette
Also published on Pinoy Gazette's official blog: pinoygazetteofficial.blogspot.jp
Patriarch's Pond sa Moscow, Russia |
Isang bansang napakayaman sa
kasaysayan ang Russia. Makikita ito sa kanilang naglalakihang mga palasyo,
nagkalat na mga museum at teatro, mga estatwa ng mga kilalang tao sa bawat
kanto at sulok ng siyudad, mga gusaling kulay pastel na gawa sa solid na bato,
mga cobbled streets at maging sa pananaw ng mga taong nakatira rito.
Marahil ang Red Square, kung saan
matatagpuan ang St. Basil’s Cathedral, at Kremlin, kung saan nakalagak ang labi
ng makapangyarihang soviet leader na si Lenin, ang pinakakilalang mga lugar sa
Moscow na dinadagsa ng milyun-milyong turista bawat taon. Pero bukod sa mga
ito, marami pang ibang lugar na dapat bisitahin sa Moscow. Isa na rito ang
Patriarch’s Pond o Patriyarshiya Prudy. Isa itong malaking pond sa gitna ng
isang high-end residential area kung saan maraming mga kilalang tao ang
nanirahan. Sa kasalukuyan, mayroon na lamang isang malaking pond na natira rito
pero sinasabing may iba pang pond sa lugar na ito mahigit na 200 taon na ang
nakakalipas.
Mainam puntahan ito ng mga taong
mahilig mag-relax at maglakad-lakad sa mga parke, mga taong mahilig sa
kasaysayan at pati na rin ng mga taong mahilig kumain!
Ang Patriarch's Pond ay matatagpuan
sa Malaya Bronnaya Utilisa at maaaring marating gamit ang Mayakovsky o
Tverskaya Metro station. Mayroong isang malaking pond na napapaligiran ng mga
puno at mga kahoy na bangko kung saan maaaring magpahinga at masdan ang ganda
ng kalikasan. May malapit din na playground dito kung saan maaaring maglaro ang
mga kasamang bata. Tuwing winter naman ay ginagawa itong ice skating rink. Sa
lugar na ito naka-set ang unang kabanata ng nobelang “Master and Margarita” na
isinulat ng kilalang manunulat na si Mikhail Bulgakov.
Sa
paligid ng Patriarch's Pond
Sa isang gilid ng pond matatagpuan
ang Cafe Margarita. Maaaring magbasa ng libro sa mga upuan sa labas ng cafe o ‘di
kaya naman ay makinig sa live jazz, folk at acoustic music sa gabi.
Ang bahay ni Anton Chekhov ay matatagpuan
sa ‘di kalayuan. Ginawa ng museum ang bahay na ito na nagbukas sa publiko noong
Abril 25, 1912. Nagkakahalaga ng 250 rubles ang entrance rito at maaaring
kumuha ng litrato sa loob ng bahay kung magdaragdag ng 100 rubles.
Si Chekhov ang isa sa pinakakilalang
kwentisya at mandudula sa Russia. Nabuhay siya mula 1860-1904. Ilan sa kanyang
mga kilalang likha ay ang “The Cherry Orchard,” “Uncle Vanya,” “The Seagull” at
“The Three Sisters.” Tumira si Chekhov sa bahay na ito mula 1886 hanggang
1890 kasama ang kanyang ina na si Yevgenya Yakolevna at mga kapatid na sina
Maria at Mikhail. Sa study room ng bahay na ito siya tumatanggap ng mga bisita
kabilang na ang kilalang kompositor na si Pyotr Tchaikovaky.
Marami rin na ibang mga manunulat
at pintor ang tumira sa lugar na ito. Sa ‘di kalayuan ay matatagpuan ang
apartment unit na tinirhan ni Mikhail Bulgakov, isang nobelista at mandudula na
nagpasikat sa mga akdang “Master and Margarita” at “Heart of a Dog.” Nabuhay
siya noong 1891-1940. Tumira si Bulgakov dito noong 1921-1924 kasama ang
kanyang unang asawa na si Tatyana Nikolaevna Lappa.
Binuksan sa publiko ang bahay na
ito noong 2007. Katabi lamang nito ang isa pang museum ni Bulgakov kung
saan naka-display ang ilan sa kanyang mga personal na kagamitan. Libre ang
museum at may bayad naman ang pagbisita sa bahay ni Bulgakov. Nasa ikaapat na
palapag ng gusali ang apartment ni Bulgakov pero bago makarating dito ay
madadaanan muna ang makukulay na graffiti na iginuhit ng mga tagahanga ni
Bulgakov sa dingding ng gusali.
Food
trip
Kung magutom dahil sa pag-iikot sa
lugar, maaaring mananghalian sa Mari Vanna. Napaka-homey ng ambience ng
restaurant na ito. Mukha itong tipikal na bahay noong 18th century.
May mga puting bookshelves sa paligid nito, mga lumang libro at picture frames
na inaayos upang magmukhang nasa bahay talaga ang mga kumakain dito. Mayroon
din cute na cute na gray na pusa na palakad-lakad sa loob ng restaurant na minsan
ay nakikipaglaro sa mga kumakain dito. Russian food ang specialty ng lugar na
ito. Huwag palagpasing hindi matikman ang Pirozhki at kompote. Nagkakahaga ng 400-700
rubles ang isang putahe rito.
Para naman sa dessert, subukan ang
malahiganteng serving ng Brownie Chocolate Cafe na walking-distance lang din
mula sa pond. Maraming iba't ibang flavor ng cake rito tulad ng Brownie Love,
cake na gawa sa pinagpatung-patong na brownies at binudburan ng berries sa
ibabaw; Titan Berry, chocolate cake na mayroong ding mga strawberries at
blueberries sa ibabaw; Titan Nuts, chocolate cake na pinalibutan ng pecan nuts;
pistachio, matingkad na kulay green ang kulay nito at malalasahan talaga ang
maliliit na piraso ng pistachio sa bawat kagat, at siyempre ang Franklin
cheesecake na mayroong mga brownies na nakapatong sa ibabaw nito na nilagyan ng
white chocolate at caramel. Nagkakahalaga ng 450 rubles ang isang slice ng
cake. Maaari itong ternohan ng double espresso o earl gray tea.
Kung napagod sa pag-iikot, sulit na
maghapunan sa Cafe Pushkin, isang high-end restaurant na parang mansyon noong
20th century ang pagkakaayos ng loob. Nagkakahalaga ng 890-8,500 rubles ang
bawat putahe. Kilala itong puntahan ng mga businessman, diplomats, expats at
siyempre mga turista. Ang unang palapag nito ay parang 19th century drugstore,
sa ikalawang palapag naman matatagpuan ang library room at ang ikatlong palapag
naman ay ang entresol. Mayroon din itong summer terrace sa may bubong ng
restaurant.
Malaki ang Russia, maraming lugar ang masarap tuklasin, makulay ang kanilang pinagdaanan bilang isang bansa. Hindi dapat palagpasin ang pagkakataong masilip ang kasaysayang ito sa bahaging ito ng Moscow.