Kilala ang Kawagoe sa tawag na “Little Edo” dahil sa mga lumang gusali dito na nagpapaalala sa buhay noong Edo Period (1603-1868). Kabilang sa mga lumang gusaling naipreserba sa loob ng maraming taon ang mga ryotei o “caretaker tearooms.” Noong Edo Period, dito nagpupulong ang mga pinuno ng mga makakapangyarihang angkan at mga opsiyal ng gobyerno. Sinsabing napakaekslusibo noon ng paggamit ng mga lugar na ito. By referral lamang tinatanggap ang mga taong nais kumain dito. Bagamat mayroon pa ring mga ekslusibong ryotei sa kasalukuyan, marami na rin ang tumatanggap ng mga walk-in.
Kasama ng mahal na pagkain at pribadong mga silid noon ang serbisyo ng mga geisha. Subalit sa paglipas ng panahon, nawala na ang mga geisha at naging simpleng kainan na lamang ang mga ryotei. Gayun pa man, hindi nagbago ang mataas na kalidad ng mga pagkaing inihahain dito at ang metikulosong serbisyong ibinibigay ng mga nakai o mga babeng tagasilbi dito. Ang mga nakai ay nasa ilalim ng pamumuno ng okami na noon ay karaniwang asawa ng may-ari ng ryotei at siyang naninigurado na maayos ang pagsisilbi sa lahat ng mga kumakain dito.
Mga magagaling na chef na may maraming taon ng karanasan sa pagluluto ang naghahanda ng mga pagkain sa ryotei. Dahil din deka-dekada na ang tagal ng mga ryotei na ito, nakabuo na ito ng mahabang kasaysayan at ekspertong paraan sa paghahanda ng kanilang mga specialty. Ang mga pagkain sa ryotei ay kaiseki o tradisyonal na Japanese multi-course meal na nangangailangan ng matinding kasanayan ng mga taong naghahanda nito.
Ang mga sumusunod ang ilan sa mga kilalang ryotei sa Kawagoe:
Subukan ang traditional hand-rolled sushi sa Kousushi Kawagoe. Unang nagbukas noong 1901, ang ryotei na ito ay mayroon nang mahigit sa 100 taon ng kasaysayaan sa paggawa ng sushi na nilalahukan nila ng pinakasariwang isda at seafood na nababagay sa bawat season. Mayroon silang 10 counter seats na nagpapaalala ng mga sinaunang araw ng pagbubukas ng lugar na ito. Maliit man ang silid na ito, gawa naman sa matibay na cypress ang mga upuan at lamesa na tiyak na magpapakomportable sa pagkain ng mga bibisita dito. Mayroon din silang mga pribadong silid na may magandang tanawin ng hardin kung saan maaaring magtipon ang mga pamilya, magkakaibigan o magkakatrabaho sa espesyal na mga okasyon. Mayroon din silang tatami mat room na mayroong mga upuan at lamesa na nakaharap sa hardin. Nagkakahalaga lamang ng halos Y2000 ang kanilang mga lunch meals. Mayroon din silang mga espesyal na menu para sa mga magrereserba ng pribadong mga silid na nagkakahalaga ng Y5000-Y15,000.
Subukan ang seasonal Kaiseki ng Yamaya. Nagsimula ang Yamaya bilang isang catering business na unang itinayo sa tabi ng tirahan ni Yokoto Gorobei, isang mayamang mangangalakal noong Edo Period. Noong 1868, binili ni Hambei, ang unang nagmay-ari ng Yamaya, ang isa sa mga magagandang guesthouses ni Yokota na siyang naging lugar ng kasalukuyang Yamaya. Ipinagmamalaki ng ryotei na ito ang kanilang seasonal kaiseki ryori na maaaring kainin habang pinagmamsdan ang magandang hardin. Nagkakahalaga ng Y1,500-Y3,000 ang lunch menu nila sa non-reserved rooms at Y4,500 pataas naman sa reserved rooms.
Subukan ang inihaw na unagi sa Azumaya. Kilala ang Azumaya sa natatanging sarap ng unagi nila na maingat na inihaw sa uling at nilagyan ng espesyal na sauce. Unang binuksan ang lugar na ito noong 1868. Sa loob ng mahigit 100, napagbuti ng Azumaya ang pagluluto ng kanilang mga unagi na sinasabing malutong ang labas ngunit malambot at malinamnam ang loob. Bukod sa pagkain, huwag din kalimutang silipin ang magandang pond sa labas ng ryotei. Ang tubig mula sa bukal nito ay dating dumdaloy sa may Kitain Temple. Nagkakahalaga ng Y1700 ang unagi set nila.
No comments:
Post a Comment