***originally published in the July Issue of Pinoy Gazette
Also published on Pinoy Gazette's official blog: pinoygazetteofficial.blogspot.jp
“Life is a box of chocolates, you never know
what you’re gonna get.” Sino nga ba ang hindi nakakatanda ng linyang ito na
pinasikat ng pelikulang “Forrest Gump” na ipinalabas noong 1994 at pinagbidahan
ni Tom Hanks? Base ito sa isang nobela na isinulat ni Winston Groom at
inilathala noong 1986.
Sa
kauna-unahang pagkakataon ay itinanghal bilang isang dula ang “Forrest Gump” na
ginanap dito sa Japan. Ipinalabas ito sa Globe Tokyo noong Mayo 30 hanggang Hunyo
22. Ang Globe Tokyo, kilala rin bilang Panasonic Globe Theater, ay isang
replika ng orihinal na Globe Theater sa England kung saan ipinapalabas ang mga
dula ni William Shakespeare.
Ang
dulang “Forrest Gump” ay pinagbidahan ni Junnosuke Taguchi, isang kilalang idolo
mula sa Johnny’s Entertainment at miyembro ng bandang KAT-TUN. Kasama rin
niyang nagtanghal ang iba pang respetadong aktor tulad nina Masahiro Takashima
(na gumanap bilang pitong iba’t-ibang tauhan kabilang na si Lieutenant Dan),
Hitomi Takahashi (bilang ina ni Forrest) at Aki Maeda (bilang Jenny).
Ang Kwento ni Forrest
Ang dula
ay umikot sa kwento ng buhay ni Forrest mula pagkabata hanggang sa kanyang
pagtanda. Kakaiba si Forrest dahil mas mababa ang kanyang IQ kumpara sa ibang mga
bata at dahil dito kadalasan siyang tinutukso at kinukutya ng kanyang mga
kaklase. Hindi naman naging hadlang kay Forrest ang kundisyong ito para hindi
siya magtagumpay sa buhay.
Nakapasok
siya sa kolehiyo at naging star player ng kanilang rugby team, nagtrabaho siya
bilang sundalo at nakaharap niya sa White House ang dalawang pangulo ng Estados
Unidos, naipadala siya sa Vietnam War at ginawaran ng Medal of Honor pagbalik
niya, naging austronaut din siya, runner, table tennis player at kung anu-ano
pa.
Bumili
rin siya ng bangka at nagtayo ng isang fishing company tulad ng ipinangako niya
sa matalik niyang kaibigan na si Bubba. Mababa man ang IQ ni Forrest, may
busilak naman siyang kalooban at tapat na pagmamahal sa mga taong nasa paligid
niya.
Ang Pagtatanghal
Tumagal
ng dalawang oras at kalahati ang dula. Tuluy-tuloy ito kaya halos walang pahinga
ang mga nagsiganap dito, lalo na si Taguchi na gumanap kay Forrest, dahil bahagi
siya ng halos lahat ng eksena at dire-diretso ang kanyang mahahabang linya.
Para
sa isang dulang may mahabang timeline at malawak na setting, napagkasya ng dula
sa limitasyon ng teatro ang epektibong pagsasaganap ng iba’t ibang mahahalagang
kaganapan sa kasaysayan tulad ng Vietnam War at pagpatay kay Pangulong Kennedy.
Tuluy-tuloy ang pag-usad ng kwento at may madalas na pagpapalit ng mga eksena kasabay
ng paglilipat ng maliliit na props na mayroon sa entablado.
Hindi
kinailangan ng dula na gumamit ng magarbong props o stage design para
ma-establish ang lugar at kapanahunan ng dula. Nadaan nila ito sa paggamit ng
mga simple at maliliit na props na madaling ipasok at ilabas sa entablado tulad
ng mga kahoy na upuan, pinto, bakod, malalaking
kumot, magagaang dingding at iba pa. Nagbukas ang dula na mayroon lamang isang
wooden bench sa gitna ng entablado at malaking net na nakabitin sa ibabaw nito.
Tumataas at bumababa ang net na ito depende sa eksena sa dula.
Dahil
minimal ang props at stage design, mas nakatutuok ang mga manunuod sa galing ng
pagbato ng linya at paghugot ng emosyon ng mga aktor at hindi lamang
basta-basta sa ganda ng entablado. Kapansin-pansin rin ang stage chemistry ng
mga nagsiganap lalo na sa pagitan ni Forrest at ni Lieutenant Dan. Masasabing
isa sa pinakamalakas na eksena sa dula ang bahagi kung saan nagpasalamat si
Lieutenant Dan kay Forrest sa pagligtas sa buhay niya noong sila ay nasa
Vietnam.
Higit
na pinasigla ang dula ng live music mula sa violin, gitara, keyboard, at iba
pang instrumentong tinugtog ng live ng mga aktor. Kung hindi tumutugtog ang mga
aktor ay nagbibitaw naman sila ng linya sa entablado. Kahit si Taguchi mismo ay
nag-aral pa ng harmonica para sa pagtugtog niya sa dulang ito. Sa kwento,
nagmula kay Bubba ang harmonica na naging paboritong pang-aliw ni Forrest lalo
na sa mga panahong malungkot siya.
Ang Sorpresa ng Dula
Kagaya
ng isang kahon ng tsokolate, maraming mga hindi inaasahang bagay sa dulang ito
ang gumulat, nagpasaya, nagpaiyak at nagpatawa sa mga manunuod. Isa na rito ang
natatanging pagganap ni Taguchi. Hindi man siya ang pinakamagaling na aktor na
gumanap kay Forrest, pero binigyan naman niya ng kanyang sariling
interpretasyon ang tauhang ito. Isang Forrest Gump na hindi mo lang katutuwaan,
kung hindi mamahalin rin ng lubusan.
No comments:
Post a Comment