***Published in the November Issue of Pinoy Gazette
Naniniwala ang
mga Hapon na sa loob ng mga tao ay mayroong reikon,
isang makapangyarihang espirito na napapakawalan pagkatapos mamatay. Kung namatay
ang isang tao sa di inaasahang dahilan tulad ng pagpatay o pagpapakamatay, sinasabing
nanantili ang reikon sa mundo ng mga
tao bilang yurei o multo. Kailangan
nilang matapos ang kanilang mga naiwang responsibilidad o kaya naman ay
mabigyan ng maayos na ritwal o libing upang matahimik.
Sinasabing ang
Golden Age ng mga Yurei ay noong Edo Period (1604-1868). Nagpapalitan ng mga
nakakatakot na mga kwento ang mga tao noon sa isang storytelling game na
tinatawag na hyakumonogatari kaidankai. Ilang
sa mga kilalang nakakatakot na kwento sa Japan na nagpasalin-salin na sa
paglipas ng panahon ay ang mga sumusunod:
Ang Multo ni Oyuki. Mayroong isang kilalang
larawan na iginuhit ni Maruyama Okyo na kung tawagin sa Ingles ay “Ghost of
Oyuki”. Ayon sa kwento, nagising mula sa pagkakahimbing isang gabi si Maruyama
at nakita ang isang magandang babae sa paanan ng kanyang tulugan. Maputla siya,
walang kulay ang mukha, nakasuot ng kanyang panlibing na kimono at wala siyang
paa. Nang sumunod na umaga, iginuhit ni Maruyama ang eksaktong itsura ng babaeng
kanyang nakita. Ayon sa kwento ni Shimizu, minsang nagmayari sa larawan,
nagkaroon ng relasyon si Maruyama sa isang geisha na ang pangalan ay Oyuki
ngunit maaga siyang namatay. Labis na dinamdam ni Maruyama ang pagkamatay nito.
(Hango sa Ghost of Oyuki ni Zack Davisson).
Ang Bulag na Mangaawit. Papunta sa Edo
ang samurai na si Hotsumi Kanji para sa kanyang taunang pagbisita sa kabisera. Isang
gabi, habang siya ay nagpapahinga sa tinutuluyan ay nakarinig siya ng isang
magandang umaawit na boses. Nagmumula
ito sa isa sa mga kwarto sa kanyang tinutuluyan. Napagalaman niyang ang
nagmamay-ari ng magandnag tinig ay isang goze
– isang bulag na naglalakbay sa iba’t-ibang bahagi ng bansa at nagtatanghal gamit
ang kanyang shamisen. Inisip ng
samurai na kasing ganda rin ng mukha ng babae ang kanyang boses kaya isang gabi
ay pinagsamantalahan niya ito. Nang sumunod na araw, nagulat si Hotsumi nang
makita niya ang napakapangit na mukha ng goze.
Upang ayusin ang sitwasyon, niyaya ni Hotsumi ang babae na sumama sa kanya
sa Edo. Inisip ng babae na nakatagpo na siya ng pag-ibig sa katauhan ng samurai
kaya pumayag ito. Pero sa gitna ng paglalakbay, itinulak ni Hotsumi ang babae
sa gilid ng bundok. Nang sumunod na taon, muling pupunta si Hotsumi sa Edo para
sa kanyang taunang pagbisita. Sa pagkakataong ito, nanuluyan siya sa isang
templo sa gilid ng bundok. Habang natutulog siya, nagpakita sa kanya ang multo
ng goze at hindi na nakita pa ang
samurai nang sumunod na umaga. Sa ibang kwento, sinasabing pagkatapos magpakita
ng goze ay hinila niya si Hotsumi at
inihulog sa isang hukay sa labas ng templo kung saan nakalibing ang goze. Dito pala inilagak ang kanyang
labi matapos siyang matagpuang patay sa gilid ng bundok (Hango sa Mujyara ni
Mizuki Shigeru).
Ang mga Hidarugami: Kamatayan sa Pagkagutom. Nagdadala
raw ng matinding pagkagutom ang mga hidarugumi sa mga naglalakbay sa kabundukan
at kagubatan na nagiging sanhi ng kanilang pagkamatay. Dahil mag-isa silang namamatay,
walang nakakakita ng kanilang mg bangkay at hindi man lang nalalagyan ng tanda
ang lugar ng kanilang mga kinamatayan kaya nagiging masama at mapaghiganti ang
kanilang mga espirito at nagiging mga hidarugami na rin sila na nambibiktima ng
iba. Upang labanan ang mga hidarugami, maiging magbaon ng pagkain sa
paglalakbay. Kung makaramdam daw ng gutom ay agad kumain kahit
paonti-onti. May iba’t-iba ring bersyon
ng kwento sa iba’t-ibang prefecture. Sa Shiga, sinasabing lumulobo ang tiyan ng
biktima kung sila ay nagugutom. Kung may makitang tao ay manghihingi sila ng
pagkain sa kanila. Kung sinabi ng kausap na mayroon silang dala ngunit nakain
na nila ito, aatakihin sila ng taong gutom at bubuksan ang kanilang tiyan upang
maghanap ng hindi pa natutunaw na pagkain sa kanilang tiyan. Sa Mie naman,
sinasabing inaatake ng mga hidarugami kahit ang mga hayop na dumadaan sa
kagubatan dito. (Hango sa “Mujyara” ni Mizuki Shigeru).
Ang mga Naghihiganting Multo ng Angkan ng
Heike. Si Morimoto no Yoshitsune ay isang kilalang heneral sa kasaysayan ng
Japan. Nabuhay siya noong 1159-1189. Noong 1185,
pumalaot si Yoshitsune kasama ang kanyang grupo sa Daimotsu Bay sa Hyogo upang
tumakas sa kanyang kapatid na si Yorimoto. Inisip ni Yorimoto na isang banta sa
kanyang kapangyarihan bilang shogun si Yoshitsune kaya gusto niya itong
patayin. Masama ang panahon nang pumalaot sina Yoshitsune – malakas ang mga
alon at nabalot ng makapal na hamog ang paligid. Mayamaya pa ay umahon mula sa
tubig ang kalansay ng mga taong mula sa angkan ng Heike na nakalaban at
pinaslang ni Yoshitsune. Habang sinusubukang labanan ni Yoshitsune at ng
kanyang mga alagad ang mga kalansay, nananalangin si Musashibo Benkei, kanang
kamay ni Yoshitsune at isang debotong monghe sa isang sulok ng barko. Matapos
ang ilang sandali, naglaho ang mga kalansay, tumigil ang malalakas na alon at
nawala ng tuluyan ang unos. (Hango sa “Mujyara” ni Mizuki Shigeru).
No comments:
Post a Comment