Monday, September 7, 2015

Ang Catherine Palace sa St. Petersburg: Yaman at Kasaysayan ng Russia

***Originally published in the August Issue of Pinoy Gazette
Also published on Pinoy Gazette's official website: pinoygazetteofficial.blogspot.jp
 
catherine palace in spring

Sa labas pa lamang ng Catherine Palace ay makikita na ang mga poste at estatwang tubog sa ginto at ang malalawak na hardin na mayroong magagandang damo at puno na alagang-alaga sa dilig at tabas. Dinadayo pa ito sa Russia ng napakaraming turista taun-taon mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Ano nga ba ang gandang taglay ng Catherine Palace?

Kasaysayan ng Catherine Palace
Ang Catherine Palace ay matatagpuan sa Tsarkoye Selo (Pushkin) na may layong 25 kilometro mula sa sentro ng St. Petersburg. Ipinangalan ang palasyo kay Catherine I, ang maybahay ni Peter the Great. Namuno ng bansa sa loob ng dalawang taon si Catherine I matapos pumanaw ang kanyang asawa. Ipinatayo ni Peter para kay Catherine I ang palasyo noong 1717 upang gawing tirahan tuwing panahon ng tag-init. Higit na pinaganda at pinatingkad ng kanilang anak na si Elizabeth I ang arkitektura at disenyo ng palasyo nang muli niya itong ipagawa sa apat na iba’t ibang arkitekto mula 1743.
           
Natapos ang palasyo noong 1756 sa pangunguna ni Bartholomeo Rastrelli, Chief Architect of the Imperial Court, na siyang inutusan para gawing kasing glamoroso ng Versailles ng Pransiya ang disensyo nito. Mayroong halos 100 kilogram ng ginto ang ginamit para itubog ang mga estatwa at poste sa labas pa lamang ng palasyo.

Ang Amber Room
Ang Amber Room ay isa sa pinakaglamorosong silid sa buong palasyo. Gawa ito sa 450 kilogram na Amber na nagmula pa sa Germany. Bukod sa Amber, mayroon din na magagarbong Ural at Caucasus gemstones ang mga dingding sa silid, mga salamin at mga inukit na estatwa ng bata at anghel na tubog sa ginto. Bago ang digmaan, ang Amber Room ay kilala sa tawag na “Eighth Wonder of the World.”
           
Nang makuha ng Germany ang Tsarkoye Selo noong 1941 sa gitna ng  Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binaklas ng mga Germans ang Amber Room sa loob lamang ng 36 oras at agad na dinala sa Konigsberg Castle sa Germany. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay hindi na malaman ang kinahitnan ng Amber Room. Sinasabing nasira ito noong atakihin ang Konigsberg Castle noong 1945.

Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig
Malaki ang naging sira ng Catherine Palace noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Halos walang natira sa magagandang silid nito. Naiwan na lamang na nakatayo ang façade ng palasyo. Hindi na rin makita ang mga labi ng Amber Room na tinangay sa Germany.
           
Isa sa mga major reconstruction na ginawa sa palasyo ay ang muling pagbuo ng Amber Room. Nagsimula itong gawin noong 1979 na tumagal ng mahigit 20 taon. May halos 40 Russian at German na mga eksperto sa paglilok at paghawak ng amber ang kinomisyon para sa sensitibong trabahong ito.
Gamit lamang ang mga lumang ginuhit at kinuhanan na larawan, sinikap ng mga eksperto na gayahin ng eksakto ang orihinal na Amber Room at ibalik ito sa dati nitong karangalan. Tinatayang mayroong 350 shades ng amber sa mga dingding nito ang sinikap na muling gawin.
           
Noong 2003 ay muling binuksan ang bagong Amber Room. Pinangunahan ito ni Russian President Vladimir Putin kasabay ng ika-300 selebrasyon ng pagkakatatag ng St. Petersburg. Ang reconstruction ng Amber Room ay tinatayang umabot sa 12 milyong dolyar.

Para sa mga Nais Pumunta
Bukas ang Catherine Palace araw-araw mula alas-10 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi. Siguraduhin lamang na darating doon bago mag-alas-5 dahil hindi na sila nagpapapasok pagkatapos nito. Sarado ito tuwing Martes at tuwing huling Lunes ng bawat buwan. Nagkakahalaga ang tiket nito ng humigit-kumulang ¥700 para sa mga matatanda at ¥400 para sa mga estudyante. Maaari rin na manghiram ng audio-guide sa Ingles na nagkakahalaga ng ¥300.
           
Mula sa St. Petersburg, maaaring magtren mula sa Vitebsky Railway Terminal o Kupchino Railway Station hanggang Tsarkoye Selo (Pushkin) Railway Station. Pagbaba dito ay maaari nang sumakay ng Bus 371, 372 o Minibus Taxi 371, 377, 382 papuntang Catherine Palace.
           
Ang palasyong ito ay nagpapakita hindi lamang ng pinansyal na yaman ng Russia kundi pati na rin ang yaman sa talento ng kanilang mga arkitekto at manggagawa na may kakayahang bumuo ng ganitong obra maestra. Ipinakita rin nito ang mayamang kasaysayan ng Russia ilang daang taon na ang nakararaan hanggang sa mga pakikipagsapalaran nito noong Ikalawang Digmaang dasigdig.