***Originally published in the August Issue of Pinoy Gazette
Also published on Pinoy Gazette's official website: pinoygazetteofficial.blogspot.jp
Sa
labas pa lamang ng Catherine Palace ay makikita na ang mga poste at estatwang
tubog sa ginto at ang malalawak na hardin na mayroong magagandang damo at puno
na alagang-alaga sa dilig at tabas. Dinadayo pa ito sa Russia ng napakaraming turista
taun-taon mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Ano nga ba ang gandang taglay ng
Catherine Palace?
Kasaysayan ng Catherine Palace
Ang
Catherine Palace ay matatagpuan sa Tsarkoye Selo (Pushkin) na may layong 25
kilometro mula sa sentro ng St. Petersburg. Ipinangalan ang palasyo kay
Catherine I, ang maybahay ni Peter the Great. Namuno ng bansa sa loob ng
dalawang taon si Catherine I matapos pumanaw ang kanyang asawa. Ipinatayo ni Peter
para kay Catherine I ang palasyo noong 1717 upang gawing tirahan tuwing panahon
ng tag-init. Higit na pinaganda at pinatingkad ng kanilang anak na si Elizabeth
I ang arkitektura at disenyo ng palasyo nang muli niya itong ipagawa sa apat na
iba’t ibang arkitekto mula 1743.
Natapos
ang palasyo noong 1756 sa pangunguna ni Bartholomeo Rastrelli, Chief Architect
of the Imperial Court, na siyang inutusan para gawing kasing glamoroso ng
Versailles ng Pransiya ang disensyo nito. Mayroong halos 100 kilogram ng ginto
ang ginamit para itubog ang mga estatwa at poste sa labas pa lamang ng palasyo.
Ang Amber Room
Ang
Amber Room ay isa sa pinakaglamorosong silid sa buong palasyo. Gawa ito sa 450 kilogram na Amber na nagmula pa sa Germany. Bukod sa Amber,
mayroon din na magagarbong Ural at Caucasus gemstones ang mga dingding sa
silid, mga salamin at mga inukit na estatwa ng bata at anghel na tubog sa
ginto. Bago
ang digmaan, ang Amber Room ay kilala sa tawag na “Eighth Wonder of the World.”
Nang
makuha ng Germany ang Tsarkoye Selo noong 1941 sa gitna ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binaklas ng
mga Germans ang Amber Room sa loob lamang ng 36 oras at agad na dinala sa
Konigsberg Castle sa Germany. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay
hindi na malaman ang kinahitnan ng Amber Room. Sinasabing nasira ito noong
atakihin ang Konigsberg Castle noong 1945.
Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig
Malaki
ang naging sira ng Catherine Palace noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Halos
walang natira sa magagandang silid nito. Naiwan na lamang na nakatayo ang
façade ng palasyo. Hindi na rin makita ang mga labi ng Amber Room na tinangay
sa Germany.
Isa
sa mga major reconstruction na ginawa sa palasyo ay ang muling pagbuo ng Amber
Room. Nagsimula itong gawin noong 1979 na tumagal ng mahigit 20 taon. May halos
40 Russian at German na mga eksperto sa paglilok at paghawak ng amber ang
kinomisyon para sa sensitibong trabahong ito.
Gamit
lamang ang mga lumang ginuhit at kinuhanan na larawan, sinikap ng mga eksperto
na gayahin ng eksakto ang orihinal na Amber Room at ibalik ito sa dati nitong
karangalan. Tinatayang mayroong 350 shades ng amber sa mga dingding nito ang
sinikap na muling gawin.
Noong
2003 ay muling binuksan ang bagong Amber Room. Pinangunahan ito ni Russian
President Vladimir Putin kasabay ng ika-300 selebrasyon ng pagkakatatag ng St.
Petersburg. Ang reconstruction ng Amber Room ay tinatayang umabot sa 12 milyong
dolyar.
Para sa mga Nais Pumunta
Bukas
ang Catherine Palace araw-araw mula alas-10 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi.
Siguraduhin lamang na darating doon bago mag-alas-5 dahil hindi na sila
nagpapapasok pagkatapos nito. Sarado ito tuwing Martes at tuwing huling Lunes
ng bawat buwan. Nagkakahalaga ang tiket nito ng humigit-kumulang ¥700 para sa mga
matatanda at ¥400 para sa mga estudyante. Maaari rin na manghiram ng
audio-guide sa Ingles na nagkakahalaga ng ¥300.
Mula
sa St. Petersburg, maaaring magtren mula sa Vitebsky Railway Terminal o
Kupchino Railway Station hanggang Tsarkoye Selo (Pushkin) Railway Station.
Pagbaba dito ay maaari nang sumakay ng Bus 371, 372 o Minibus Taxi 371, 377,
382 papuntang Catherine Palace.
No comments:
Post a Comment