***Published in the October Issue of Pinoy Gazette
Malayo pa lang ay
matatanaw mo na ang matataas at matutulis na mga tore ng Moscow Kremlin, mas
kilala sa tawag na Kremlin. Hindi ka magkakamali dahil agaw sa pansin ang mga
ito, idagdag mo pa ang matingkad na pulang pader na nakapaligid dito na gawa sa
maliliit na bricks na marahang pinagdikit-dikit. Ito ang pinakakilala sa lahat
ng mga Kremlin sa Russia – “fortress in a city” kung ilarawan ang mga ito. Ano
nga ba ang mayroon sa loob ng makakapal na pader ng Kremlin? Bakit ito sobrang
kilala sa buong mundo?
Ang Moscow Kremlin
Ito ang sentro
ng politika, kultura at relihiyon sa Russia. Matatagpuan ito sa gitna ng Moscow
at napapaligiran ng iba pang makasaysayan at magagandang tanawin. Ang Moskva
River ay matatanaw sa Timog nito, Saint Basil’s Cathedral at Red Square naman sa
Silangan, at sa Kanluran naman ang Alexander Garden. Sa loob nito matatagpuan
ang ilang cathedral na itinayo mahigit sa 500 taon na ang nakakalipas. Mayroon
ding mga museo na nagtataglay ng pinakamahalagang mga kayamanan ng bansa. Mula
1991, sa loob na rin ng Kremlin itinalaga ang opisyal na tirahan ng pangulo ng
Russian Federation. Noong 2013, nagpagawa si President Vladimir Putin ng
helipad sa loob ng Kremlin upang mas madali siyang makalabas-masok sa kanyang
tahanan at magampanan ang kanyang mga tungkulin.
Maikling Kasaysayan
Unang itinatag ang Kremlin noong 1150s.
Hindi pa ito gaanong kamukha ng Kremlin na nakikita natin ngayon. Sa paglipas
ng panahon at pagpapalit ng mga pinuno ng bansa, unti-unting itong lumaki at
lumawak. Ang pinakamagarbong pagpapagawa dito ay naganap noong 1475-1516 sa
ilalim ng pamumuno ni Ivan the Great. Ang kasalukuyang mga pader at tore ng
Kremlin ay binuo noong 1485-1495 ng magagaling na mga artisan mula sa Italia. Mayroong
lawak na 275,000 square meters ang buong area sa loob ng Kremlin at may kapal
na 3.5 hanggang 6.5 meters ang pader nito. Noong una, mayroon lamang 17 tore ang
Kremlin ngunit noong 16th century, nagpagawa pa ng tatlong dagdag na
tore kaya naging 20 ito sa kasalukuyan. Isinara ang Kremlin sa publiko noong
1930s at muli lamang binuksan noong 1955, marami na rin kasing mga gusali dito
ang giniba dahil sa sobrang luma na ng mga ito at malaking sira na ang natamo
nito sa mahabang panahon. Ilan dito ay ang Ascension Nunnery at Chudov
Monastery. Noong December 1990, isinama ng UNESCO ang Kremlin at Red Square sa
listahan ng mga World Heritage Sites.
Mga Mahahalagang Gusali sa Loob ng Kremlin
·
Cathedral of the Annunciation. Natapos ito noong 1489 matapos magdesisyon
si Prince Ivan III na ipagawa ito nang mapansin niya na malaki na ang naging
sira nito mula nang una itong itayo. Dahil malapit ito sa palasyo, ginawa itong
personal na chapel ni Ivan III (r. 14620-1505) kaya gumawa ng lagusan mula sa
palasyo papunta sa cathedral. Sa kasamaang palad, nagtamo na naman ito ng
malaking pinsala matapos itong masunog noong 1547. Noong
una ay tatlo lamang ang dome ng cathedral, nang muli itong ipagawa nagdagdag pa
ng ilan kaya naging siyam na ito sa kasalukuyan. Sa panahon naman ng pamumuno
ni Ivan the Terrible (r. 1547-1584), dito nagsisimba, nagpapakasal at
binibinyagan ang mga miyembro ng kanyang pamilya.
·
The Archangel’s Cathedral. Ayon sa
popular na kwento, isang cathedral na gawa sa kahoy ang nakatayo dito noong 12th
century bilang alay kay Archangel Michael. Nooong 1333, sa utos ni Ivan Kalita,
giniba ang lumang cathedral at nagtayo ng bago bilang alaala sa lumipas na taggutom.
Nabuo ang bagong cathedral noong 1508. Dito nakalagak ang mga labi ng ilang mga
pinuno at dugong bughaw mula kay Ivan Kalita (r. 1325-41) hanggang kay Ivan V (r.
1682-96). Dito rin ginanap ang mga koronasyon, kasalan at libing ng mga dugong
bughaw bago inilipat ni Peter the Great (r. 1721-1725) ang kabisera sa St.
Petersburg.
·
Assumption Cathedral. Hindi lamang ito mahalagang gusali kung saan
ginaganap ang pangkaraniwang mga misa. Dito rin ginaganap ang mga inagurasyon
at iba pang mahalagang ritual ng bansa. Ang mga mahahalagang dokumento ng bansa
ay nakatago sa may altar. Ang disensyo ng cathedral ay ginawa ng pamosong
Italian architect na si Aristotile Fioravanti. Ayon sa mga kwento, sobrang
natuwa si Ivan the Great sa kinalabasang likha ni Fioravanti kaya noong
nagpaalam siyang babalik na ng Italya ay ipinakulong siya sa halip na pauuwiin
upang hindi na siya makagawa pa ng ibang obra maestra na kasing ganda ng
cathedral na ito.
·
The Armoury. Isa sa mga di dapat palagpasin ang pagbisita sa
museong ito. Mayroon itong kamangha-manghang koleksyon ng mga kayamana ng
Russia tulad ng mga gintong kagamitan, mga plato at kubyertos, mga regalo ng
mga pinuno ng ibang bansa, mga tronong puno ng mga mamahaling bato, mga
magagarbong karwahe at mga sandatang pandigma.
Sa loob ng
Kremlin, hindi ka lamang mamamangha sa yaman at garbo ng lumang Russia. Marami
ka ring matututunan tungkol sa kanilang kasaysayan tulad ng kung ano ang estilo
ng pamumuhay nila noon, paano sila sumasamba, at anong klaseng mga pinuno mayroon
sila noon. Sa likod pala ng makakapal na pader ng
Kremlin, hindi lang kayamanan at garbo ang matatagpuan, mayroon ding mayamang
kasaysayan at kaalaman na hindi basta matututunan kung hindi mo mararanasan.