Wednesday, October 21, 2015

Behind the Walls: Tuklasin ang Loob ng Kremlin


***Published in the October Issue of Pinoy Gazette
 
              Malayo pa lang ay matatanaw mo na ang matataas at matutulis na mga tore ng Moscow Kremlin, mas kilala sa tawag na Kremlin. Hindi ka magkakamali dahil agaw sa pansin ang mga ito, idagdag mo pa ang matingkad na pulang pader na nakapaligid dito na gawa sa maliliit na bricks na marahang pinagdikit-dikit. Ito ang pinakakilala sa lahat ng mga Kremlin sa Russia – “fortress in a city” kung ilarawan ang mga ito. Ano nga ba ang mayroon sa loob ng makakapal na pader ng Kremlin? Bakit ito sobrang kilala sa buong mundo?

Ang Moscow Kremlin
Ito ang sentro ng politika, kultura at relihiyon sa Russia. Matatagpuan ito sa gitna ng Moscow at napapaligiran ng iba pang makasaysayan at magagandang tanawin. Ang Moskva River ay matatanaw sa Timog nito, Saint Basil’s Cathedral at Red Square naman sa Silangan, at sa Kanluran naman ang Alexander Garden. Sa loob nito matatagpuan ang ilang cathedral na itinayo mahigit sa 500 taon na ang nakakalipas. Mayroon ding mga museo na nagtataglay ng pinakamahalagang mga kayamanan ng bansa. Mula 1991, sa loob na rin ng Kremlin itinalaga ang opisyal na tirahan ng pangulo ng Russian Federation. Noong 2013, nagpagawa si President Vladimir Putin ng helipad sa loob ng Kremlin upang mas madali siyang makalabas-masok sa kanyang tahanan at magampanan ang kanyang mga tungkulin.

Maikling Kasaysayan
              Unang itinatag ang Kremlin noong 1150s. Hindi pa ito gaanong kamukha ng Kremlin na nakikita natin ngayon. Sa paglipas ng panahon at pagpapalit ng mga pinuno ng bansa, unti-unting itong lumaki at lumawak. Ang pinakamagarbong pagpapagawa dito ay naganap noong 1475-1516 sa ilalim ng pamumuno ni Ivan the Great. Ang kasalukuyang mga pader at tore ng Kremlin ay binuo noong 1485-1495 ng magagaling na mga artisan mula sa Italia. Mayroong lawak na 275,000 square meters ang buong area sa loob ng Kremlin at may kapal na 3.5 hanggang 6.5 meters ang pader nito. Noong una, mayroon lamang 17 tore ang Kremlin ngunit noong 16th century, nagpagawa pa ng tatlong dagdag na tore kaya naging 20 ito sa kasalukuyan. Isinara ang Kremlin sa publiko noong 1930s at muli lamang binuksan noong 1955, marami na rin kasing mga gusali dito ang giniba dahil sa sobrang luma na ng mga ito at malaking sira na ang natamo nito sa mahabang panahon. Ilan dito ay ang Ascension Nunnery at Chudov Monastery. Noong December 1990, isinama ng UNESCO ang Kremlin at Red Square sa listahan ng mga World Heritage Sites.

Mga Mahahalagang Gusali sa Loob ng Kremlin
·        Cathedral of the Annunciation. Natapos ito noong 1489 matapos magdesisyon si Prince Ivan III na ipagawa ito nang mapansin niya na malaki na ang naging sira nito mula nang una itong itayo. Dahil malapit ito sa palasyo, ginawa itong personal na chapel ni Ivan III (r. 14620-1505) kaya gumawa ng lagusan mula sa palasyo papunta sa cathedral. Sa kasamaang palad, nagtamo na naman ito ng malaking pinsala matapos itong masunog noong 1547. Noong una ay tatlo lamang ang dome ng cathedral, nang muli itong ipagawa nagdagdag pa ng ilan kaya naging siyam na ito sa kasalukuyan. Sa panahon naman ng pamumuno ni Ivan the Terrible (r. 1547-1584), dito nagsisimba, nagpapakasal at binibinyagan ang mga miyembro ng kanyang pamilya.
·        The Archangel’s Cathedral. Ayon sa popular na kwento, isang cathedral na gawa sa kahoy ang nakatayo dito noong 12th century bilang alay kay Archangel Michael. Nooong 1333, sa utos ni Ivan Kalita, giniba ang lumang cathedral at nagtayo ng bago bilang alaala sa lumipas na taggutom. Nabuo ang bagong cathedral noong 1508. Dito nakalagak ang mga labi ng ilang mga pinuno at dugong bughaw mula kay Ivan Kalita (r. 1325-41) hanggang kay Ivan V (r. 1682-96). Dito rin ginanap ang mga koronasyon, kasalan at libing ng mga dugong bughaw bago inilipat ni Peter the Great (r. 1721-1725) ang kabisera sa St. Petersburg.
·        Assumption Cathedral.  Hindi lamang ito mahalagang gusali kung saan ginaganap ang pangkaraniwang mga misa. Dito rin ginaganap ang mga inagurasyon at iba pang mahalagang ritual ng bansa. Ang mga mahahalagang dokumento ng bansa ay nakatago sa may altar. Ang disensyo ng cathedral ay ginawa ng pamosong Italian architect na si Aristotile Fioravanti. Ayon sa mga kwento, sobrang natuwa si Ivan the Great sa kinalabasang likha ni Fioravanti kaya noong nagpaalam siyang babalik na ng Italya ay ipinakulong siya sa halip na pauuwiin upang hindi na siya makagawa pa ng ibang obra maestra na kasing ganda ng cathedral na ito. 
·        The Armoury. Isa sa mga di dapat palagpasin ang pagbisita sa museong ito. Mayroon itong kamangha-manghang koleksyon ng mga kayamana ng Russia tulad ng mga gintong kagamitan, mga plato at kubyertos, mga regalo ng mga pinuno ng ibang bansa, mga tronong puno ng mga mamahaling bato, mga magagarbong karwahe at mga sandatang pandigma.

Sa loob ng Kremlin, hindi ka lamang mamamangha sa yaman at garbo ng lumang Russia. Marami ka ring matututunan tungkol sa kanilang kasaysayan tulad ng kung ano ang estilo ng pamumuhay nila noon, paano sila sumasamba, at anong klaseng mga pinuno mayroon sila noon. Sa likod pala ng makakapal na pader ng Kremlin, hindi lang kayamanan at garbo ang matatagpuan, mayroon ding mayamang kasaysayan at kaalaman na hindi basta matututunan kung hindi mo mararanasan.

No comments:

Post a Comment