Orihinal na inilathala sa April 2016 issue ng Pinoy Gazette |
Simula 2004, nangunguna ang Kichijoji sa mga taunang poll ng
mga lugar na pinakamainam tirahan sa Tokyo – hindi kamahalan, maganda ang
lokasyon at maraming maaaring puntahan at pasyalan. Kilala rin ito sa mga jazz
bars, street musicians, at mga hiphop dancers na matatagpuan sa iba’t ibang
sulok.
Hanami sa Inokashira
Park
Kilala ang Inokashira Park na isa sa mga paboritong puntahan
ng mga tao sa Kichijoji lalo na kung spring season. Makikita ang magagandang cherry
blossoms na nakapaligid sa isang maliit na lawa kung saan mayroong mga
pinaparentahang mga bangka. Mainam itong pasyalan para sa buong pamilya sa
kahit na anong panahon sa buong taon. Kung autumn season naman, napupuno ng
naglalabang kulay dilaw at pula ang mga puno sa paligid ng parke.
Sa halagang ¥400 ay maaari nang bisitahin ang dalawang zoo
na nasa loob ng parke. Kasama sa koleksyon ng Inokashira Zoo ang ilang species
ng mga hayop na matatagpuan lamang sa Japan. Sa isang bahagi ng zoo makikita ang
duck sanctuary at sa isang bahagi naman ang iba pang hayop kabilang na ang
kinagigiliwan ng mga bata na si Hanako, isang Thai Elephant. Huwag rin
kalimutang bisitahin ang Benzaiten Shrine na itinayo para sa Japanese Buddhist
goddess na si Benzaiten. Dahil napapaligiran ng tubig at cherry blossoms, litaw
na litaw ang ganda ng matingkad na pulang kulay ng shrine.
Sa hindi kalayuan, makikita ang Ghibli Museum na nagpapakita
ng mga likha ng isa sa mga pinakapopular na animation studios sa Japan, ang
Ghibli. Kung fan ka ni Totoro o ni Princess Mononoke, mga karakter na pinasikat
ni Hayao Miyazaki, tiyak na ikatutuwa mong makita ang malaking estatwa ni
Totoro sa labas palang ng museo at ang replica ng cat bus na matatagpuan naman
pagpasok.
Shopping galore
Matatagpuan sa paligid ng istasyon ang magkahalong
malalaking malls tulad ng Marui at Isetan at maliliit na mga independent
boutiques at vintage shops tulad ng Ragtag. Katabi ng train station makikita
ang dalawang mall, Atre ant Kirarina, na may kanya-kanyang floors para sa mga
damit, gamit pambahay, sapatos, at mga specialty stores.
Pero higit sa mga karaniwang tinda sa mga malls na ito, mas
magandang tuklasin ang mga maliliit na tindahan sa paligid ng istasyon na
nagbebenta ng mga kakaibang bagay tulad ng mga gamit para sa mga alagang aso,
stationery shops at iba pang hobby shops na doon lamang makikita sa Kichijoji.
Kung maswerte, makakabili ka ng mga branded second hand items sa napakamurang
halaga.
Murang kainin
Ang Harmonica Yokocho ay unang nakilala bilang isang flea
market matapos ang WWII pero ngayon ay mas kilala na ito sa mahabang linya ng
mga yakitori restaurants na nagsulputan noong 90s. Mayroon din itong mga
specialty shops na nagbebenta lamang ng mga Japanese delicacies tulad ng yokan
at taiyaki. Makakakain din ng masarap na pizza sa Kichijoji sa halagang ¥500.
Bagamat nakatago sa isang maliit na iskinita, puntahan ng
mga tao ang Garage 50 dahil sa Roman-styled thin crust pizza nito. Maganda rin
ang ambience ng restaurant kahit maliit dahil sa VW camper na ginawang kitchen ng
may-ari kung saan inihahanda niya ang order ng mga customers. Ang Village
Vanguard naman, mas kilala bilang American goods shop, ay mayroong restaurant
sa Kichijoji na naghahain ng burger at beer.
Masarap na kapihan
Kung miss mo na ang mga duyan sa Pilipinas, isa sa mga
relaxing café na pwede mong puntahan ay ang Mahika Mano Hammock Café. Sa halip
na mga ordinaryong upuan, mga duyan ang nasa loob ng restaurant. Hindi nga lang
maaaring magtagal masyado rito kahit mapasarap na sa pagkakaupo dahil may time
limit lamang na dalawang oras ang bawat stay dito. Hindi rin maaaring magsama
ng maliliit na bata dito.
Dahil showroom din ang café na ito ng Hammocks2000, isang kumpanya
na nagbebenta ng mga duyan, maaaring bumili mismo sa café na ito ng kaparehas
na mga duyan kung gugustuhin mo. Ang Deva Deva Café ay patok naman para sa mga
mahilig sa healthy food. Naghahain sila ng vegetarian at vegan dishes. Hindi rin mawawala ang cat café sa Kichijoji.
Mayroong 15 pusa sa Cat Café Calico na
maaaring mong laruin habang nagkakape. Bawat oras ay nagkakahalaga ng ¥1000 at ¥150
naman ang mga inumin.
Makinig sa jazz