Monday, April 25, 2016

Kichijoji: Hanami at iba pa

Orihinal na inilathala sa April 2016 issue ng Pinoy Gazette
Simula 2004, nangunguna ang Kichijoji sa mga taunang poll ng mga lugar na pinakamainam tirahan sa Tokyo – hindi kamahalan, maganda ang lokasyon at maraming maaaring puntahan at pasyalan. Kilala rin ito sa mga jazz bars, street musicians, at mga hiphop dancers na matatagpuan sa iba’t ibang sulok.
Hanami sa Inokashira Park
           
Kilala ang Inokashira Park na isa sa mga paboritong puntahan ng mga tao sa Kichijoji lalo na kung spring season. Makikita ang magagandang cherry blossoms na nakapaligid sa isang maliit na lawa kung saan mayroong mga pinaparentahang mga bangka. Mainam itong pasyalan para sa buong pamilya sa kahit na anong panahon sa buong taon. Kung autumn season naman, napupuno ng naglalabang kulay dilaw at pula ang mga puno sa paligid ng parke.
Sa halagang ¥400 ay maaari nang bisitahin ang dalawang zoo na nasa loob ng parke. Kasama sa koleksyon ng Inokashira Zoo ang ilang species ng mga hayop na matatagpuan lamang sa Japan. Sa isang bahagi ng zoo makikita ang duck sanctuary at sa isang bahagi naman ang iba pang hayop kabilang na ang kinagigiliwan ng mga bata na si Hanako, isang Thai Elephant. Huwag rin kalimutang bisitahin ang Benzaiten Shrine na itinayo para sa Japanese Buddhist goddess na si Benzaiten. Dahil napapaligiran ng tubig at cherry blossoms, litaw na litaw ang ganda ng matingkad na pulang kulay ng shrine.
Sa hindi kalayuan, makikita ang Ghibli Museum na nagpapakita ng mga likha ng isa sa mga pinakapopular na animation studios sa Japan, ang Ghibli. Kung fan ka ni Totoro o ni Princess Mononoke, mga karakter na pinasikat ni Hayao Miyazaki, tiyak na ikatutuwa mong makita ang malaking estatwa ni Totoro sa labas palang ng museo at ang replica ng cat bus na matatagpuan naman pagpasok.
Shopping galore
Matatagpuan sa paligid ng istasyon ang magkahalong malalaking malls tulad ng Marui at Isetan at maliliit na mga independent boutiques at vintage shops tulad ng Ragtag. Katabi ng train station makikita ang dalawang mall, Atre ant Kirarina, na may kanya-kanyang floors para sa mga damit, gamit pambahay, sapatos, at mga specialty stores.
Pero higit sa mga karaniwang tinda sa mga malls na ito, mas magandang tuklasin ang mga maliliit na tindahan sa paligid ng istasyon na nagbebenta ng mga kakaibang bagay tulad ng mga gamit para sa mga alagang aso, stationery shops at iba pang hobby shops na doon lamang makikita sa Kichijoji. Kung maswerte, makakabili ka ng mga branded second hand items sa napakamurang halaga.
Murang kainin
Ang Harmonica Yokocho ay unang nakilala bilang isang flea market matapos ang WWII pero ngayon ay mas kilala na ito sa mahabang linya ng mga yakitori restaurants na nagsulputan noong 90s. Mayroon din itong mga specialty shops na nagbebenta lamang ng mga Japanese delicacies tulad ng yokan at taiyaki. Makakakain din ng masarap na pizza sa Kichijoji sa halagang ¥500.
Bagamat nakatago sa isang maliit na iskinita, puntahan ng mga tao ang Garage 50 dahil sa Roman-styled thin crust pizza nito. Maganda rin ang ambience ng restaurant kahit maliit dahil sa VW camper na ginawang kitchen ng may-ari kung saan inihahanda niya ang order ng mga customers. Ang Village Vanguard naman, mas kilala bilang American goods shop, ay mayroong restaurant sa Kichijoji na naghahain ng burger at beer.
Masarap na kapihan
Kung miss mo na ang mga duyan sa Pilipinas, isa sa mga relaxing café na pwede mong puntahan ay ang Mahika Mano Hammock Café. Sa halip na mga ordinaryong upuan, mga duyan ang nasa loob ng restaurant. Hindi nga lang maaaring magtagal masyado rito kahit mapasarap na sa pagkakaupo dahil may time limit lamang na dalawang oras ang bawat stay dito. Hindi rin maaaring magsama ng maliliit na bata dito.
Dahil showroom din ang café na ito ng Hammocks2000, isang kumpanya na nagbebenta ng mga duyan, maaaring bumili mismo sa café na ito ng kaparehas na mga duyan kung gugustuhin mo. Ang Deva Deva Café ay patok naman para sa mga mahilig sa healthy food. Naghahain sila ng vegetarian at vegan dishes.  Hindi rin mawawala ang cat café sa Kichijoji. Mayroong 15 pusa sa Cat Café Calico na maaaring mong laruin habang nagkakape. Bawat oras ay nagkakahalaga ng ¥1000 at ¥150 naman ang mga inumin.
Makinig sa jazz
Ang SOMETIME ay unang binuksan noong 1975 at hanggang ngayon ay paborito pa rin itong puntahan ng mga jazz enthusiasts. Kilala ang Kichijoji na jazz town noong 60s-70s pero sa paglipas ng panahon ay marami na rin nagsarang mga jazz bars sa paligid nito. Isa ang SOMETIME sa mga matatag na naiwan sa mga ito. Halos bawat gabi ay mayroong live music dito. Ang pinakahighlight ng lugar ay ang malaking grand piano sa gitna ng bar.

No comments:

Post a Comment