Ang taunang Short Shorts Film Festival and Asia (SSFF & ASIA) na nasa ika-18 taon na ng kanyang pamamayagpag ngayong 2016 ay ginanap mula June 2 – June 26 sa iba’t-ibang lokasyon tulad ng Shibuya, Omotesando, Futako Tamagawa at Yokohama. Ipinalabas ang halos 200 short films mula sa iba’t-ibang panig ng mundo na sinala at maingat na pinili mula sa halos 6,000 entries.
Ang Pagsisimula
Ang SSFF & ASIA ay pinasimulan ng aktor na si Tetsuya Bessho noong 1999 sa Harajuku kung saan ipinalabas ang 6 na short films ni George Lucas, ang gumawa at nagpasikat ng pelikulang Star Wars. Layunin ni Bessho na ipakilala ang short film bilang isang yumayamang porma ng pagkukuwento at pagpapalabas na noon ay hindi pa gaanong kilala ng mga manunuod sa Japan.
Simula 2004, kinilala ang SSFF & ASIA ng Academy Awards bilang accredited festival. Dahil sa pagkilalang ito, maaaring maging nominado ang nanalo ng Grand Prix Award sa isa sa mga short film categories ng Academy Awards. Ang SSFF & ASIA lamang ang tanging festival sa Japan na nakatanggap ng ganitong prestihiyosong pagkilala at pakikipagkolaborasyon. Sa taong ito, naiuwi ni Reza Fahimi ang Grand Prix Award para sa pelikulang “Clound Children.”
Ang mga Nagwagi
Ang competition ay binubuo ng iba’t-ibang kategorya tulad ng Official Competition na nahahati sa International, Asia International at Japan; Save the Earth! Competition; CG Animation; Music Shorts; at Music Video.
Sa International Competition, nanalo si Lotfi Achour ng Best Short Award para sa pelikulang “Father” at Audience Award naman ang napunta sa “Catching Fireflies” na ginawa ni Lee Whittaker. Si Mailesan Rangaswamy na gumawa ng “Bicycle” ang nagwagi ng Audience Award sa Asia International Competition at Best Short Award naman ang naiuwi ni Reza Fahimi para sa “Cloud Children.” Sa Japan Competition, nanalo si Tsukasa Kishimoto ng Japan Competition Best Short Award/ Governor of Tokyo Award para sa “Kerama Blue.” Nanalo naman ng Audience Award si Yuki Sato para sa “Gotham Jumble Parfait.”
Nagsimula noong 2008 ang Save the Earth! Competition sa ilalim ng titulong “STOP! Global Warming Competition” sa pakikipagtulungan ng SSFF & ASIA sa Team-6%, isang programa na inilunsad ng Japanese Ministry of Environment upang higit na palaganapin ang impormasyon tungkol sa pagtitipid ng enerhiya. Noong 2013, pinalitan ang dating pangalan ng kategorya at mas pinalawak ang mga isyung sakop ng paligsahan. Hindi na lamang ito nakasentro sa Global Warming kung hindi pati na rin sa ibang isyung pangkalikasan na napapanahon at marapat talakayin. Sa loob ng nakalipas na 8 taon, nakapagpalabas na ng 84 na shorts sa ilalim ng kategoryang ito. Sa taong ito, nanalo si Marlene Van der Werf na gumawa ng “Once Upon a Tree” ng Save the Earth! Competition Best Short Award samantalang J-Wave Award naman ang naiuwi ni Emily Driscoll para sa pelikulang “Brilliant Darkness: Hotaru in the Night.”
Ang CG Animation Competition naman ay unang inilunsand noong 2012 sa pakikipagutlungan ng SSFF & Asia sa Digital Hollywood, isang kilalang IT university sa US sa larangan ng CG animation. Sa taong ito, napanalunan ni Jossie Malis ng “Bendito Machine V – Pull the Trigger” ang CG Animation Competition Best Short Award.
Para sa Music Shorts, nanalo ng UULA Award ang video ni Iori Fujiwara na pinamagatang “Shiori” kung saan inawit ni Tomoko Tane ang “Waratte te.”Cinematic Award naman ang naiuwi ni Santa Yamagishi na gumawa ng “Ikite Yuku Full Ver.” na kinatatampukan ng KANA-BOON na umawit ng Ikite Yuku.
Mga Natatanging Pelikula
Ilang sa mga natatanging pelkikula ay ang “The Audition” ni Martin Scorsese na kitatampukan nina Leonardo DiCaprio, Brad Pitt at Robert Deniro na nagkukuwento ng pagbubukas ng isang magarbong casino sa Macau. Ang “Ellis” naman na ginawa ni JR at kinatatampukan ni Robert De Niro ay nagkukuwento ng malulungkot na alaala ng isang migrante sa US. Isa rin sa mga naging highlight ng festival ay ang pagpapalabas ng mga pelikulang ginawa ni Takumi Saito, isang sikat na artista na ngayon ay sumabak na rin sa directing. Nagsimula siyang mag-direk ng pelikula noong 2012. Isa sa mga natatangi nyang gawa ay ang “Half & Half” na na-nominate sa International Emmy Awards noong nakaraang taon sa ilalim ng Digital Program: Fiction Category.
Iba pang Pakulo
Simula ngayong taon, pumili rin ang jury ng limang filmmakers sa Short Film & Tokyo Project upang gumawa ng shorts tungkol sa Tokyo bilang promotion para sa nalalapit na 2020 Tokyo Olympics and Paralympics.
***Published in the July 2016 issue of Pinoy Gazette
No comments:
Post a Comment