Wednesday, June 4, 2014

Art Overdose: Art Fair Tokyo 2014

***originally published in the May Issue of Pinoy Gazette
Also published on Pinoy Gazette`s official blog: pinoygazetteofficial.blogspot.jp

art exhibits in tokyo
Kuha ni Munetoshi Iwashita
Noong nakaraang buwan ay ginanap ang pinakamalaking art event sa Tokyo na pinakaaabangan hindi lamang ng art collectors at professional artists, kundi pati na rin ng mga nag-aasam gumuhit at mga gusto lamang makakita at mamangha sa iba't ibang klase ng malikhaing gawa. 
Ang Art Fair Tokyo 2014 na ginanap sa Tokyo International Forum ay nilahukan ng mahigit-kumulang 180 galleries, organizations at sponsors mula sa 28 siyudad sa Japan at iba pang bahagi ng mundo. Kabilang ang Embahada ng Pilipinas sa mga sumuporta sa event na ito. Sa nakaraang walong taon ng Art Fair, ito ang unang pagkakataon na mayroong lumahok na gallery mula sa Pilipinas. 
Dumalo ang ilang mahahalagang tao tulad ni Unang Ginang Akie Abe, maybahay ni Prime Minister Shinzo Abe, sa Kagami-biraki sake cask ceremony, na opisyal na nagbukas sa Art Fair. Sa loob ng apat na magkakasunod na araw ay itinampok sa Art Fair ang iba't ibang klase ng gawa, nasa linya man ng fine arts o applied arts kabilang dito ang Nihongo o Japanese-style painting, Yoga o Japanese oil painting, contemporary art, media art, pop art, mga litrato, at ilang antique at handicraft. Nagkaroon din ng mga panayam tungkol sa woodblock prints at media art. Nagsagawa rin ng guided tours para sa ilang mga bisita. 
Bukod sa indibidwal na mga gallery na nagpakita ng gawa ng kanilang mga sariling artists, ilan sa mga highlights ng Art Fair ay ang sumusunod:
Discovering Asia. Sa section na ito nakibahagi ang ilang mga gallery mula sa Korea, Taiwan, Hong Kong, Indonesia at Pilipinas upang ipakita ang mga gawa mula sa kanilang mga bansa kabilang dito ang 1335 Mabini na mula sa Pilipinas. Sila ang kauna-unahang Filipino gallery na nakilahok sa Art Fair.
Artistic Practice. Ang section na ito ay may temang “Modernity, Created by Japan” na siyang kinabibilangan ng mga modern painting na nagpapakita ng pagbabago sa tema at technique sa pagguhit ng isang bagong henerasyon ng Japanese artists. Kabilang ang ilan sa mga gawa nina Kaoru Yamaguchi, Soutaro Yasui, at Ryuzaburo Umezawa sa ipinakita sa Art Fair.
Tokyo Unlimited. Sa bahaging ito ipinakita ang iba't ibang applied art tulad ng handicrafts, pottery, ceramics at alahas. Ilan sa mga gallery na nakibahagi ay ang Toyama Glass Studio, gallery deux poissons, O-Jewel at Kanazawa Utatsuyama Kogei Kubo.
Art, Media and I, Tokyo. Kapansin-pansin kamakailan ang pagiging popular ng media art kung saan gumagamit ang mga artists ng kanilang sariling sistema, device at medium ng paggawa ng painting na iba kaysa sa pangkaraniwang ginagamit. Ang section na ito ay may layuning ipakita kung paano ang mga media art na gawang Hapon ay higit na maipapakilala sa global art market. Tampok sa exhibit na ito ang mga gawa ng ShimuraBros at nina Yuko Mohri, at Lyota Yagi.
Total Recall - Works of Mitsutoshi Hanaga (1959-1999). Itinatampok sa bahaging ito ang mga larawang kinuhanan ni Mitsutoshi Hanaga mula 1959-1999 na nagtatampok ng mga aktibidades ng mga avante-gard Japanese artists tulad ng grupong Hi-Red Center at nina Tetsumi Kudo, Akaji Maro at kanji Ito.
Pap-Aki Cafe Project. Gamit sa munting cafe na ito ang mga upuan at lamesa na gawa sa makakapal na karton na ginuhitan ng matitingkad na larawan ni Aki Kondo. 

Dinaluhan ang Art Fair ng halos 50,000 bisita mula sa iba't ibang panig ng Japan at ng mundo. Umabot rin ng halos isang bilyong yen ang halaga ng mga art pieces na naibenta sa loob ng apat na araw ng Art Fair. Patunay lamang ang ika-siyam na taon ng Art Fair Tokyo sa patuloy na pagiging globally competitive ng bansa at higit na nagkakaroon ng mataas na value ang mga malikhaing gawa mula sa Asya.

No comments:

Post a Comment