***originally published in the January Issue of Pinoy Gazette
Also published on Pinoy Gazette's official blog: pinoygazetteofficial.blogspot.jp
Kilala
ang Fukuoka bilang “Gateway to Asia” dahil sa lokasyon nito sa hilagang bahagi
ng isla ng Kyushu na nagbubukas sa Japan sa mga bansa sa South East Asia tulad
ng Pilipinas at North Asia tulad ng South Korea at China. Dahil dito, maraming
turista ang dumadagsa kada taon upang makita ang magagandang tanawin dito at
matikman ang masasarap na pagkaing dito orihinal na nagmula.
Ang kasaysayan ng Fukuoka
Ang makabagong lungsod ng Fukuoka,
na nabuo mula sa pinagsamang bayan ng Fukuoka at Hakata, ay itinatag ni Kuroda
Kanbei noong Abril 1, 1889. Ang Fukuoka noon ay kilala na tahanan ng mga
samurai samantalang ang Hakata naman ang sa mga mangangalakal. Dahil malapit sa
daungan ang Hakata, dito lumago ang komersyo. Ang mga detalye ng kasaysayan ng
Fukuoka ay matatagpuan sa Fukuoka City Museum kung saan makikita ang halos 3,350
historical items tulad ng mga espada, pananggalang, golden seals, paintings at
mga dokumento patungkol sa martial arts na pagmamay-ari ng mga sinaunang feudal
lords. Samantalang sa Fukuoka Art Museum naman matatagpuan ang 440 kagamitan at
262 dokumento. Mayroon din na mabibili na iba’t ibang souvenir sa Fukuoka tulad
ng mga Hakata dolls na isang lokal na produkto. Mayroon din na mga cookies na
may mukha ni Kanbei o mga postcard na may picture ng anime version ni Kanbei.
Mga bisita ng Fukuoka
Dahil highly accessible ang Fukuoka
sa maraming bansa sa Asya, marami nang turista ang dumarayo rito mula sa ibang
bansa. Kahit noong sinaunang panahon ay nagsilbi na itong daan upang magkaroon
ng pagpapalitan ng kultura at kalakal ang mga magkakalapit-bansa. Taun-taon,
ang Fukuoka ay dinarayo ng dalawang milyong turista, karamihan sa kanila ay
mula sa South Korea at China.
Ayon sa Jalan Research Center na
nagsagawa ng survey sa mga Taiwanese, Chinese at Korean na turista sa Japan,
Fukuoka ang nagkatanggap ng pinakamataas na satisfaction rating. Nagtamo ito ng
3.74 points habang pumangatlo lamang ang Chiba kung saan matatagpuan ang
Disneyland na may 3.53 points. Pagdating naman sa pagkain, nakatanggap ito ng ng
3.84 satisfaction rating.
Daungan ng cruise ship
Popular rin ang Fukuoka sa mga
turista na mahilig mag-cruise. Isa itong kilalang daungan ng mga Cruise Ship.
Noong 2012, pumangalawa ang Fukuoka sa lahat ng mga daungan sa Japan na may
pinakamaraming dumadaong na cruise ship na pagmamay-ari ng lokal at
international shipping companies. May 112 cruise ships na dumaong sa Hakata
Port noong 2012 samantalang may 142 naman sa Yokohama na nanguna sa listahan.
Seafood galore
Ilan
sa kilalang pagkain sa Fukuoka ay ang Hakata Ramen at motsunabe pero marami
pang katakamtakam na putahe ang pwedeng subukan sa Fukuoka. Hindi dapat
palagpasing matikman ang sariwang seafood sa Fukuoka. Pangalawa ang Fukuoka sa buong
Japan na may pinakamaraming kinakalakal na isda na umabot sa 17,064t.
Pumangalawa ang Fukuoka sa Hyogo na may 29,713t.
Pangalawa rin ang Fukuoka na may pinakamaraming seafood
restaurants sa buong bansa. Ayon sa website ng Fukuoka, mayroong 36 na seafood restaurant
kada 100,000 tao sa Fukuoka. Noong 2012 unang ginanap ang Oyster Competition of
Japan na inorganisa ng Japan Oyster Association. Kinikilala sa kumpetisyong ito
ang prefecture na may pinakasariwa at pinakamasarap na oyster. Sa kasalukuyan, pangalawa
ang Fukuoka sa buong bansa na may pinakamasarap na oyster. Nanguna naman ito sa
Design Category at Texture Category sa kumpetisyon.
Hindi lamang sa ramen at seafood nangunguna ang Fukuoka,
kinilala rin ito ng CNN travel website na may pinakamasarap na street food sa
Asya habang pangatlo naman ang Maynila. Magandang pumasyal sa mga yatai stalls
sa tabi ng ilog sa Nakasu District na nagbebenta ng iba’t ibang streetfood
tulad ng yakitori.
Child-Friendly Fukuoka
Hindi
rin problema ang pamamasyal sa Fukuoka kung may kasamang bata dahil maituturing
na child-friendly ang buong lungsod. May halos 279 establishments sa Fukuoka ang
may baby station tulad ng feeding station, diaper changing station at hot water
for milk. Noong 2009, 188 lamang ito, pero kada taon ay mas maraming
establishments ang nagiging prayoridad ang pangangailangan ng mga residente at
turistang namamsyal na may kasamang bata. Kaya noong 2013 ay naging 279 establishments
na ang mayroong baby stations, isang patunay na sensitibo sa pangangailangan ng
mga byahero ang lungsod ng Fukuoka.
Transportasyon
Dahil “Gateway to Asia” ang Fukuoka,
napaka-accessible nito sa maraming lugar sa Japan at Asya. May 10 direct
flights araw-araw na nagbabyahe ng Fukuoka-Manila. May haba lamang na tatlong
oras at kalahati ang byaheng ito. Kung nasa Japan naman, maaaring mag-shinkansen
o ‘di kaya naman ay kumuha ng murang ticket sa eroplano gamit ang mga low cost
domestic airlines. Kunektado ang Fukuoka sa 22 lungsod sa Japan. Halos isang
oras at kalahati lamang ang tagal ng biyahe mula Tokyo papuntang Fukuoka kung
nakaeroplano. May ferry din na maaaring sakyan papuntang Busan, South Korea.
“Imbisibol” sa Japan
Dahil sa scenic views ng Fukuoka at mga magigiliw na mga taong
nakatira dito, napili itong lokasyon para sa ilang bahagi ng isang independent
film na pinamagatang “Imbisibol” na idinirek ni Lawrence Fajardo, isang
kilalang filmmaker mula sa Bacolod City. Bahagi ang pelikulang ito ng Sinag
Maynila, isang bagong independent film festival na nabuo sa pagtutulungan ng
award-winning director na si Brillante Mendoza at ng Solar Entrainment
Corporation. Nakatakdang ipalabas ang “Imbisibol” sa mga SM Cinemas ngayong Marso.
Ang “Imbisibol” ay hango sa isang one-act play na may parehas
na titulo at isinulat ng inyong lingkod. Una itong ipinalabas sa Cultural
Center of the Philippines bilang bahagi ng Virgin Labfest 9 noong 2013 at muling
ipinalabas sa Virgin Labfest 10 noong 2014. Sinusundan ng “Imbisibol” ang buhay
ng apat na Pilipinong nagtatrabaho sa Japan. Pinangungunahan ng mga batikang
mga aktor na sina JM de Guzman, Ces Quesada, Bernardo Bernardo at Allen Dizon
ang pelikulang ito.
Naging posible ang produksyon na ito sa tulong at suporta ng
Fukuoka Film Commission at Fukuoka Independent Film Festival. Itinatampok sa
pelikula ang ilan sa mga magagandang lugar sa Fukuoka tulad ng Ohori Park, Fukuoka
Tower at iba pang magagandang lugar sa Fukuoka.