Tuesday, August 25, 2015

Anong Meron sa Nagoya?

“Anong mayroon sa Nagoya?”
Ito ang pinakamadalas kong naririnig na tanong mula sa ibang tao kapag napag-uusapan ang Nagoya. Hindi raw gaanong nalalayo ang Nagoya sa Tokyo dahil parehas silang malalaking siyudad na maraming tao at matataas na gusali. Ang Nagoya, kapital ng Aichi, ang pinakamalaking siyudad sa rehiyon ng Chubu at nagtataglay ng isa sa pinakaabalang pier sa buong bansa.
Mayroong mahigit dalawang milyong tao ang naninirahan dito. Laban sa karaniwang impresyon ng mga tao na isang pangkaraniwang siyudad lamang ang Nagoya, malaki pala ang naging bahagi nito sa kasaysayan ng Japan at maraming lugar dito ang sulit bisitahin.
Bahagi ng Kasaysayan
           
Malaki ang naging bahagi ng Nagoya sa kasaysayan ng Japan lalo na noong panahon ng Tokugawa. Naging isa ito sa sentro ng kapangyarihan noong panahon na yun dahil dito nanirahan ang mga miyembro ng Owari Tokugawa, ang pinakamalaki at kilalang pamilya na nagmula sa angkan ng Tokugawa. Noong 1616, inilapat ni Tokugawa Ieyasu ang kapital mula sa probinsya ng Owari sa Nagoya. Iniutos niya ang pagtatag ng Nagoya Castle kasabay ang paglipat ng mahigit 60,000 tao mula sa lumang kapital.  
Mga Pasyalan
Nagoya Castle. Ipinagawa ang palasyong ito sa utos ni Tokugawa Ieyasu at natapos noong 1616. Itinatag ito upang pakasin ang kanilang puwersa sa bahaging ito ng bansa – isang magandang lokasyon na malapit sa Tokdaido Road na nagdurugtong sa Tokyo at Kyoto.
Sa loob ng mahabang panahon ay tinirahan ang palasyo ng mga miyembro ng pamilya ng Owari Tokugawa, isa sa tatlong pinakaprominenteng pamilya na nagmula sa angkan ng Tokugawa. Ang pinakakilalang simbolo ng palasyo ay ang “kinshachi,” isang ginintuang isda na may katawan ng karpa at ulo na tigre na isang kilalang imahe sa mitolohiyang Hapon. Sa tuktok ng palasyo ay makikita ang ilang kinshashi na simbolo ng kapangyarihan ng kanilang pinuno.
           
Nagoya Port Area. Isa ito sa pinakamalalaking pier sa buong Japan. Hindi lamang magandang tanawin ng dagat at mga naglalakihang barko ang matatagpuan dito. Narito rin ang Port of Nagoya Public Aquarium kung saan makikita ang iba`t ibang uri ng hayop pantubig.
Mayroon din na nagaganap na tatlong dolphin shows bawat araw at feeding at training shows na tiyak na kagigiliwan ng buong pamilya lalo na ng mga bata. Makikita rin na nakadaong sa pier ang “Icebreaker Fuji,” isang malaking kahel na barko na ginamit ng Japan sa pag-aaral at pagtuklas sa Karagatang Antartiko mula 1960s hanggang 1980s.
Sa kasalukuyan ay isa na itong museo na bukas para sa mga nais makita ang loob nito. Sa tabi ng barko ay matatagpuan ang Nagoya Port Building kung saan maaaaring umakyat ang mga nais makakaita ng 360 view ng paligid ng pier.
           
Toyota Factory and Museum. Sa Toyota, isang siyudad sa silangan ng Nagoya, matatagpuan ang headquarters ng pinakamalaking kumpanya ng kotse sa Japan na mayroong parehong pangalan. Ang Toyota Kaikan Museum kung saan makikita ang mga lumang modelo ng kotse na kanilang nagawa at mga bagong teknolohiya na kanilang natuklsan.
Paminsan-minsan ay nagkakaroon din sila ng mga robot shows na maaaring panoorin ng mga bisita. Isa sa mga karaniwang dinarayo rito ay ang libreng tour sa loob ng planta ng Toyota. Libre ang tour ngunit kailangang magpareserve online para masigurado ang slot.
Bukod dito, mayroon din silang Toyota Techno Museum na siya namang nagpapakita ng mahabang kasaysayan ng kumpanya ng Toyota at ang kanilang paraan ng paggawa ng sasakyan. Sa Toyoto Automobile Museum naman makikita ang iba’t ibang uri ng  kotse mula Japan, Amerika at Europe mula 1800s hangang 1960s.
Mga Kaganapan
Nagoya Castle Summer Night Festival. Nagaganap ito tuwing summer sa loob ng 13 araw. Sa labas ng palasyo ay mayroong iba’t ibang mga stalls ng pagkain at mga tradisyonal na laro tulad ng archery. Mayroon din na mga musical performances at “bon odori.” Kadalasang ginaganap ito tuwing kalagitnaan ng Agosto. Nagsisimula ito ng alas-5 ng hapon at natatapos ng alas-9.
Fireworks Festivals. Kilala rin ang Nagoya sa bonggang mga fireworks display tuwing summer. Ilan sa mga kilalang festival na ‘di dapat palampasin ay ang Okazaki Fireworks Festival na nagaganap malaait sa Okazaki Castle sa unang linggo ng Agosto sa loob ng tatlong araw. Sa unang araw ay mayroong bon odori kung saan pwedeng makilahok ang kahit na sinong may nais, ang pangalawanag araw naman ay para sa pagpaparada ng “mikoshi” at ang huling araw naman ay nakalaaan para sa fireworks display.
Korakei Momiji Matsuri. Tuwing Autumn naman, isang magandang lugar kung saan maaaring makita ang “koyo” ay sa Korankei Valley sa may Toyota City. Kilala ang Taigetsukyo Bridge na puntahan ng mga taong nais makita ang mga dahong nagpapalit ng kulay.
Maaaring maglakad sa may tabi ng ilog papuntang Mt. Iimori kung saan makikita ang Kojakuji Temple. Sa panahon ng “matsuri,” mayroong iba’t ibang kaganapan tulad ng tea ceremony, musical performances at mga exhibitions. Tuwing Nobyembre pinakamagandang pumunta sa lugar na ito.
           
Mga Pagkain
Hindi rin magpapahuli ang Nagoya sa masasarap na pagkain na popular hindi lamang sa mga taga-roon kung hindi pati na rin sa mga turista.
Hitsumabushi. Isa sa mga pinakakilalang pagkain sa Nagoya ang “unagi” o eel. May kamahalan ito ngunit sulit naman ang sariwang unagi na ihahain sa ibabaw ng mainit na kanin kasama ang iba’t ibang pampalasa at sabaw na maaaring ihalo rito.  
Tebasaki. Gawa ito sa pakpak ng manok na ibinabad sa matamis na sauce na mayroong sesame seeds.
Kishimen. Isa itong uri ng “udon” na maaari itong kainin ng mainit o malamig at isinasawsaw sa sabaw na timplado ng iba`t ibang pampalasa.
Toriwasa. Sashimi na gawa sa Nagoya Kochin, isang cross-bred na manok mula sa Nagoya Chicken at Cochin.
Uiro. Isang uri ng dumpling na gawa sa pinaghalong harina at asukal.

Sa susunod na may marinig akong magtanong ng “Anong mayroon sa Nagoya?” Alam ko na ang isasagot ko, marami palang itong magagandang pasyalan at masasarap na pagkain na sosorpresea sa mga bibisita rito.

No comments:

Post a Comment