Thursday, December 24, 2015

Sand Dune Bashing at Sand Boarding sa Ilocos Norte

*Published in the December Issue of Pinoy Gazette

              Kilala ang Pilipinas sa magagandang karagatan at mapuputing mga buhangin na dinadayo pa ng maraming turista. Pero hindi lamang iyon ang likas na yaman na matatagpuan sa Pilipinas. Isa sa mga natatagong ganda ng bansa ay ang nagtataasang mga bundok ng buhangin sa Ilocos Norte na ginamit na rin na shooting location ng mga local at international na pelikula. Hindi lamang isa kung hindi dalawa ang kilalang lugar sa Ilocos Norte na maaaring puntahan upang hindi lamang makita ang magagandang tanawin mula dito kung hindi ang “maexperience” mismo ang paglalakbay sa mga ito.

Ang mga sand dunes o mga bundok ng buhangin ay nabubuo dahil sa malakas na hampas ng hangin at tubig mula sa ilog at dagat na nagiging dahilan ng erosion at deposition ng lupa na humuhulma sa mga ito. Sa probinsya ng Ilocos Norte matagpuan ang isang mahabang disyerto na nagsisimula sa Currimao (nasa North ng Laoag) hanggang Pasuquin (nasa South naman) kung saan matatagpuan ang La Paz at Paoay Sand Dunes.

Ang La Paz at Paoay Sand Dunes
              Matatagpuan sa Laoag City, capital ng Ilocos Norte, ang La Paz Sand Dunes na may lawak na 85 square kilometers. May layo lamang ito na 15 minuto mula sa sentro ng lawag gamit ang jeep o tricycle. Kilala rin ito sa tawag ng mga lokal na “Bantay Bimmaboy” dahil sinasabing hugis baboy ang mga bundok dito. Kinilala din ito na isa sa mga National Geological Monuments in the Philippines ng National Committee on Geological Sciences (NCGS) noong November 26, 1993. Maraming mga pelikula na rin ang kinuhanan sa lugar na ito tulad ng Born on the Fourth of July kung saan gumulong gulong si Tom Cruise sa mga sand dunes sa isang fight scene at Mad Max ni Mel Gibson na kihunan malapit sa tabing dagat.

           Ang Paoay Sand Dunes naman na matatapuan sa Paoay, Ilocos Norte at malapit sa Suba Beach ay may lawak na 88 square kilometers. Matatagpuan rin ito malapit sa Malacanang of the North. Sinasabing dito kinuhanan ang mga pelikulang Himala, Panday at Temptation Island.

Sand Dune Bashing and Sand Boarding
              Ilan sa mga activities na maaaring subukan sa sand dunes ay ang dune bashing at sand boarding. Nagkakahalaga ng P2,500 ang renta ng isang 4x4 sa maaaring magsakay ng 5 tao sa loob ng isang oras. Maaaring sumakay nang nakatayo ang limang tao sa likod ng 4x4 o kaya naman ay 4 sa likod at isang nakaupo sa loob ng sasakyan katabi ng driver. Mas masaya nga lang kung nakatayo dahil damang dama ang pagratsyada ng 4x4 sa mga sand dunes na may taas na 10-30 meters. Bukod sa mala-rollercoaster ride na karanasan, isa sa mga di malilimutang bahagi ng pag du-dune bashing ay ang makita ang magagandang tanawin na hindi mo inaakalang mayroon pala sa Pilipinas. Mula sa La Paz Sand Dunes ay matatanaw ang Laoag River na karugtong ng dagat at dumadaloy hanggang Cordillera. Kung pupunta ng maaga ay maabutan pang balot ng makapal na fog ang kapatagan sa ibaba na nagbibigay ng kakaibang ganda sa tanawin. Daig pa ng tanawing ito ang mga larawan na nakikita nating nakalathala sa mga kalendaryo.

              Maaari ring subukan ang sand boarding kung saan maaaring magpadulas pababa ng sand dunes gamit ang isang kahoy na board na parang nagiiskate-board or nag susurf. Maaaring gawin ito ng nakaupo o nakatayo, maaari ring isahan o dalawahan. Kasama na ang sand boarding sa bayad sa 4x4.

Mga Mungkahi
           Maiging pumunta sa sand dunes nang maaga upang makita ang sunrise o di kaya naman ay sa bandang hapon para sa sunset. Hindi rin masyadong mainit ang sikat ng araw kung pupunta ng ganitong oras. Huwag ring magdala ng masyadong maraming gamit dahil aalog-alog lamang ang mga ito sa loob ng 4x4 habang tumatakbo. Magdala ng maliit na tubig dahil tiyak na nakakauhaw hindi lamang ang init ng disyerto kung hindi pati na rin ang kakasigaw sa bawat taas-baba ng 4x4 sa mataas at madudulas na sand dunes.
             

No comments:

Post a Comment