Next
Previous
Showing posts with label pinoy gazette. Show all posts
Showing posts with label pinoy gazette. Show all posts

Saturday, August 6, 2016

Best Hiking Spots in Japan

*Published in Pinoy Gazette June 2016 issue


Bukod sa pagpunta sa mangilan-ngilang magagandang dalampasigan sa Japan, isa sa mga pinakakinagigiliwang gawin ng mga Hapon tuwing summer ay ang pag-akyat ng mga bundok. Hindi lamang mainam sa katawan ang pagha-hike, masaya rin itong bonding activity ng pamilya at barkada. 

Maraming mga bundok kung saan maaaring umakyat all year-round, mayroon din naman mga seasonal lamang tulad ng Mt. Fuji na maaari lamang akyatin tuwing July-August. Ang Mt. Fuji ay inaakyat ng halos 20,000 tao, kapwa turista at residente, bawat taon. Nakakamanghang makita na magkasamang umaakyat ang mga maliliit na bata at mga retiradong matatanda sa Mt. Fuji. Ang tatlo sa pinakamatataas na bundok sa Japan ay ang Mt. Fuji na may taas na 3776m at matatagpuan sa Shizuoka at Yamanashi, ang Kita-Dake (Minami Alps), may taas na 3192m, ay kilala sa tawag na “Shirane-san” na ang ibig sabihin ay three peaks (binubuo ng Kita-Dake, Aino-Dake at Notori-dake) at matatagpuan sa Nagano, Shizuoka at Yamanashi; at ang Hodaka-dake (Kita Alps) na may taas na 3190m at matatagpuan sa Gifu at Nagano. Kung hindi ka man ganoon kahanda para umakyat sa tatlong nabanggit na bundok, marami pa ring ibang bundok na maaaring akyatin ngayong summer. 

Mga Kilalang Hiking Spots bawat Rehiyon

Ang Daisetsuzan National Park ay tinatawag ring “Roof of Hokkaido” dahil matatagpuan dito ang pinakamatataas na bundok sa Hokkaido na binubuo ng Asahidake, Tokachidake, Shikaribetsu at Ishikari. Noong 1993, kinilala ito bilang pinakamalaking national park sa Japan na may lawak na 230,000 hectares. Hindi lamang magagandang tanawin ang makikita mula dito, matatagpuan ding naninirahan sa bundok ang iba’t-ibang uri ng hayop tulad ng ezo deer, blakiston’s fish owl at black woodpecker. Mag-ingat lamang dahil mayroon ding mga brown bear na nakatira dito.

Ang Shirakami Sanchi ay binubuo ng mahahabang bulubundukin sa pagitan ng Aomori at Akita. Naging UNESCO World Heritage Site ito noong 1993, isa sa mga pinakaunang nabigyan ng ganitong karangalan sa Japan. Isa sa mga pangunahing atraksyon nito ang three-tiered Anmon Falls. Bukod dito, naninirahan din sa makapal nitong kagubatan ang black bear, serow, golden eagle at 87 pang uri ng mga ibon. 

Kung sawa na sa pag-akyat sa Mt. Takao na isa sa pinakasikat na hiking site malapit sa Tokyo, maaaring alternatibo ang Mt. Mitake. May layo lamang na dalawang oras mula sa sentro ng Tokyo, mainam ito para sa mga gustong mag-unwind at makapiling ang kalikasan. Mula sa cable car station sa bundok, aabutin ng 20 minuto pa papaakat sa pinakatuktok kung saan naroon ang Musashi Mitake Shrine. Kung gusto mo namang higit pang i-challenge ang sarili, maaaring ituloy ang hike papuntang Mt. Hinode bago bumaba. 

Ang Kamikochi sa Nagano ay isa sa pinakakilalang hiking spots sa rehiyon. Tinatawag din itong “gateway to the alps.” Sinasabing isang Buddhist priest na nagngangalang Banryu ang unang umakyat dito noong sinaunang panahon kung saan ang pag-akyat sa mga bundok ay ginagawa bilang pagsamba sa kalikasan. Noong Meiji Period, mas naging katanggap-tanggap ang pag-akyat ng bundok bilang leisure activity dahil na rin sa impluwensiya ng mga banyaga. Higit na pinasikat ni Reverend Walter Weston, isang Ingles, ang Kamikochi nang ikwento niya sa kanyang librong “Mountaineering and Exploration in the Japanese Alp” ang mga karanasan nya sa pag-akyat dito. 

Ang Mt. Koya sa Wakayama ay hindi lamang kilala bilang isang ordinaryong hiking site kung hindi isang iginagalang na pilgrimage site. Dito nakabase ang Shingon School of Buddhism kasama ang 100 pang ibang templo at monastery. Maaari ring manuluyan at magpalipas ng gabi sa mga Buddhist temples dito na tinatawag na shukubo. Huwag ding palagpasing bisitahin ang Okunoin Cemetery kung saan nakahimlay si Kobo Daishi, kilala rin sa tawag na Kukai, na siyang nagtatag sa Shingon School of Buddhism.

Ang Kankakei Gorge ay tinatayang isa sa pinakamagagandang gorge sa buong Japan. Matatagpuan ito sa Shodoshima Island, pangalawa sa pinakamalaking isla sa Seto Inland Sea, sa Shikoku. Mayroong dalawang trail na maaaring pagpilian paakyat ng bundok pero mayroon ding ropeway na magdadala sayo direkta sa tuktok. Bukod sa Kankakei Gorge marami pang ibang lugar sa isla ang maaaring bisitahin tulad ng Twenty-Four Eyes Village, lokasyon ng nobela ni Sakae Tsuboi na ginawang pelikula noong 1954 at 1987, at ang Sakate Port, isa lamang sa 7 ports sa paligid ng isla, kung saan maaaring kumain ng fresh seafood habang pinagmamasdan ang ganda ng dagat.

Ang Yakushima sa Kagoshima sa isla ng Kyushu ay kinilala noong 1993 bilang UNESCO World Heritage Site. Kilala ito sa mga puno ng yakusugi, mga ancient cedar trees na sinasabing naging inspirasyon sa anime na Princess Mononoke na ginawa ni Hayao Miyazaki. Isa sa pangunahing atraksyon dito ang Jumonsugi, tinatayang pinakamatandang puno ng cedar sa buong mundo, na may edad na 7,000 taon!

Iba-iba man ang dahilan ng pagha-hike, mapa-leisure man kasama ang pamilya, pilgrimage man o self-searching, maraming trail na pagpipilian sa iba’t-ibang kabundukan sa Japan. Tandaan lamang: pag-aralan ng maigi ang mapa, basahing mabuti ang mga trail signs, magsuot ng angkop na sapatos at damit at magdala ng hiking gadgets na makakatulong sa pag-akyat!

Thursday, December 24, 2015

Sand Dune Bashing at Sand Boarding sa Ilocos Norte

*Published in the December Issue of Pinoy Gazette

              Kilala ang Pilipinas sa magagandang karagatan at mapuputing mga buhangin na dinadayo pa ng maraming turista. Pero hindi lamang iyon ang likas na yaman na matatagpuan sa Pilipinas. Isa sa mga natatagong ganda ng bansa ay ang nagtataasang mga bundok ng buhangin sa Ilocos Norte na ginamit na rin na shooting location ng mga local at international na pelikula. Hindi lamang isa kung hindi dalawa ang kilalang lugar sa Ilocos Norte na maaaring puntahan upang hindi lamang makita ang magagandang tanawin mula dito kung hindi ang “maexperience” mismo ang paglalakbay sa mga ito.

Ang mga sand dunes o mga bundok ng buhangin ay nabubuo dahil sa malakas na hampas ng hangin at tubig mula sa ilog at dagat na nagiging dahilan ng erosion at deposition ng lupa na humuhulma sa mga ito. Sa probinsya ng Ilocos Norte matagpuan ang isang mahabang disyerto na nagsisimula sa Currimao (nasa North ng Laoag) hanggang Pasuquin (nasa South naman) kung saan matatagpuan ang La Paz at Paoay Sand Dunes.

Ang La Paz at Paoay Sand Dunes
              Matatagpuan sa Laoag City, capital ng Ilocos Norte, ang La Paz Sand Dunes na may lawak na 85 square kilometers. May layo lamang ito na 15 minuto mula sa sentro ng lawag gamit ang jeep o tricycle. Kilala rin ito sa tawag ng mga lokal na “Bantay Bimmaboy” dahil sinasabing hugis baboy ang mga bundok dito. Kinilala din ito na isa sa mga National Geological Monuments in the Philippines ng National Committee on Geological Sciences (NCGS) noong November 26, 1993. Maraming mga pelikula na rin ang kinuhanan sa lugar na ito tulad ng Born on the Fourth of July kung saan gumulong gulong si Tom Cruise sa mga sand dunes sa isang fight scene at Mad Max ni Mel Gibson na kihunan malapit sa tabing dagat.

           Ang Paoay Sand Dunes naman na matatapuan sa Paoay, Ilocos Norte at malapit sa Suba Beach ay may lawak na 88 square kilometers. Matatagpuan rin ito malapit sa Malacanang of the North. Sinasabing dito kinuhanan ang mga pelikulang Himala, Panday at Temptation Island.

Sand Dune Bashing and Sand Boarding
              Ilan sa mga activities na maaaring subukan sa sand dunes ay ang dune bashing at sand boarding. Nagkakahalaga ng P2,500 ang renta ng isang 4x4 sa maaaring magsakay ng 5 tao sa loob ng isang oras. Maaaring sumakay nang nakatayo ang limang tao sa likod ng 4x4 o kaya naman ay 4 sa likod at isang nakaupo sa loob ng sasakyan katabi ng driver. Mas masaya nga lang kung nakatayo dahil damang dama ang pagratsyada ng 4x4 sa mga sand dunes na may taas na 10-30 meters. Bukod sa mala-rollercoaster ride na karanasan, isa sa mga di malilimutang bahagi ng pag du-dune bashing ay ang makita ang magagandang tanawin na hindi mo inaakalang mayroon pala sa Pilipinas. Mula sa La Paz Sand Dunes ay matatanaw ang Laoag River na karugtong ng dagat at dumadaloy hanggang Cordillera. Kung pupunta ng maaga ay maabutan pang balot ng makapal na fog ang kapatagan sa ibaba na nagbibigay ng kakaibang ganda sa tanawin. Daig pa ng tanawing ito ang mga larawan na nakikita nating nakalathala sa mga kalendaryo.

              Maaari ring subukan ang sand boarding kung saan maaaring magpadulas pababa ng sand dunes gamit ang isang kahoy na board na parang nagiiskate-board or nag susurf. Maaaring gawin ito ng nakaupo o nakatayo, maaari ring isahan o dalawahan. Kasama na ang sand boarding sa bayad sa 4x4.

Mga Mungkahi
           Maiging pumunta sa sand dunes nang maaga upang makita ang sunrise o di kaya naman ay sa bandang hapon para sa sunset. Hindi rin masyadong mainit ang sikat ng araw kung pupunta ng ganitong oras. Huwag ring magdala ng masyadong maraming gamit dahil aalog-alog lamang ang mga ito sa loob ng 4x4 habang tumatakbo. Magdala ng maliit na tubig dahil tiyak na nakakauhaw hindi lamang ang init ng disyerto kung hindi pati na rin ang kakasigaw sa bawat taas-baba ng 4x4 sa mataas at madudulas na sand dunes.
             

Wednesday, November 25, 2015

Mga Kwentong Katatakutan sa Japan



***Published in the November Issue of Pinoy Gazette

              Naniniwala ang mga Hapon na sa loob ng mga tao ay mayroong reikon, isang makapangyarihang espirito na napapakawalan pagkatapos mamatay. Kung namatay ang isang tao sa di inaasahang dahilan tulad ng pagpatay o pagpapakamatay, sinasabing nanantili ang reikon sa mundo ng mga tao bilang yurei o multo. Kailangan nilang matapos ang kanilang mga naiwang responsibilidad o kaya naman ay mabigyan ng maayos na ritwal o libing upang matahimik.

              Sinasabing ang Golden Age ng mga Yurei ay noong Edo Period (1604-1868). Nagpapalitan ng mga nakakatakot na mga kwento ang mga tao noon sa isang storytelling game na tinatawag na hyakumonogatari kaidankai. Ilang sa mga kilalang nakakatakot na kwento sa Japan na nagpasalin-salin na sa paglipas ng panahon ay ang mga sumusunod:

              Ang Multo ni Oyuki. Mayroong isang kilalang larawan na iginuhit ni Maruyama Okyo na kung tawagin sa Ingles ay “Ghost of Oyuki”. Ayon sa kwento, nagising mula sa pagkakahimbing isang gabi si Maruyama at nakita ang isang magandang babae sa paanan ng kanyang tulugan. Maputla siya, walang kulay ang mukha, nakasuot ng kanyang panlibing na kimono at wala siyang paa. Nang sumunod na umaga, iginuhit ni Maruyama ang eksaktong itsura ng babaeng kanyang nakita. Ayon sa kwento ni Shimizu, minsang nagmayari sa larawan, nagkaroon ng relasyon si Maruyama sa isang geisha na ang pangalan ay Oyuki ngunit maaga siyang namatay. Labis na dinamdam ni Maruyama ang pagkamatay nito. (Hango sa Ghost of Oyuki ni Zack Davisson).  

              Ang Bulag na Mangaawit. Papunta sa Edo ang samurai na si Hotsumi Kanji para sa kanyang taunang pagbisita sa kabisera. Isang gabi, habang siya ay nagpapahinga sa tinutuluyan ay nakarinig siya ng isang magandang umaawit na boses. Nagmumula ito sa isa sa mga kwarto sa kanyang tinutuluyan. Napagalaman niyang ang nagmamay-ari ng magandnag tinig ay isang goze – isang bulag na naglalakbay sa iba’t-ibang bahagi ng bansa at nagtatanghal gamit ang kanyang shamisen. Inisip ng samurai na kasing ganda rin ng mukha ng babae ang kanyang boses kaya isang gabi ay pinagsamantalahan niya ito. Nang sumunod na araw, nagulat si Hotsumi nang makita niya ang napakapangit na mukha ng goze. Upang ayusin ang sitwasyon, niyaya ni Hotsumi ang babae na sumama sa kanya sa Edo. Inisip ng babae na nakatagpo na siya ng pag-ibig sa katauhan ng samurai kaya pumayag ito. Pero sa gitna ng paglalakbay, itinulak ni Hotsumi ang babae sa gilid ng bundok. Nang sumunod na taon, muling pupunta si Hotsumi sa Edo para sa kanyang taunang pagbisita. Sa pagkakataong ito, nanuluyan siya sa isang templo sa gilid ng bundok. Habang natutulog siya, nagpakita sa kanya ang multo ng goze at hindi na nakita pa ang samurai nang sumunod na umaga. Sa ibang kwento, sinasabing pagkatapos magpakita ng goze ay hinila niya si Hotsumi at inihulog sa isang hukay sa labas ng templo kung saan nakalibing ang goze. Dito pala inilagak ang kanyang labi matapos siyang matagpuang patay sa gilid ng bundok (Hango sa Mujyara ni Mizuki Shigeru).

              Ang mga Hidarugami: Kamatayan sa Pagkagutom.   Nagdadala raw ng matinding pagkagutom ang mga hidarugumi sa mga naglalakbay sa kabundukan at kagubatan na nagiging sanhi ng kanilang pagkamatay. Dahil mag-isa silang namamatay, walang nakakakita ng kanilang mg bangkay at hindi man lang nalalagyan ng tanda ang lugar ng kanilang mga kinamatayan kaya nagiging masama at mapaghiganti ang kanilang mga espirito at nagiging mga hidarugami na rin sila na nambibiktima ng iba. Upang labanan ang mga hidarugami, maiging magbaon ng pagkain sa paglalakbay. Kung makaramdam daw ng gutom ay agad kumain kahit paonti-onti.  May iba’t-iba ring bersyon ng kwento sa iba’t-ibang prefecture. Sa Shiga, sinasabing lumulobo ang tiyan ng biktima kung sila ay nagugutom. Kung may makitang tao ay manghihingi sila ng pagkain sa kanila. Kung sinabi ng kausap na mayroon silang dala ngunit nakain na nila ito, aatakihin sila ng taong gutom at bubuksan ang kanilang tiyan upang maghanap ng hindi pa natutunaw na pagkain sa kanilang tiyan. Sa Mie naman, sinasabing inaatake ng mga hidarugami kahit ang mga hayop na dumadaan sa kagubatan dito. (Hango sa “Mujyara” ni Mizuki Shigeru).

              Ang mga Naghihiganting Multo ng Angkan ng Heike. Si Morimoto no Yoshitsune ay isang kilalang heneral sa kasaysayan ng Japan. Nabuhay siya noong 1159-1189. Noong 1185, pumalaot si Yoshitsune kasama ang kanyang grupo sa Daimotsu Bay sa Hyogo upang tumakas sa kanyang kapatid na si Yorimoto. Inisip ni Yorimoto na isang banta sa kanyang kapangyarihan bilang shogun si Yoshitsune kaya gusto niya itong patayin. Masama ang panahon nang pumalaot sina Yoshitsune – malakas ang mga alon at nabalot ng makapal na hamog ang paligid. Mayamaya pa ay umahon mula sa tubig ang kalansay ng mga taong mula sa angkan ng Heike na nakalaban at pinaslang ni Yoshitsune. Habang sinusubukang labanan ni Yoshitsune at ng kanyang mga alagad ang mga kalansay, nananalangin si Musashibo Benkei, kanang kamay ni Yoshitsune at isang debotong monghe sa isang sulok ng barko. Matapos ang ilang sandali, naglaho ang mga kalansay, tumigil ang malalakas na alon at nawala ng tuluyan ang unos. (Hango sa “Mujyara” ni Mizuki Shigeru).


Tuesday, November 11, 2014

TOKYO GAME SHOW 2014: Isang Makabagong Mundo ng Laro

***originally published in the October Issue of Pinoy Gazette
Also published on Pinoy Gazette`s official blog: pinoygazetteofficial.blogspot.jp

tokyo game show

Para akong pumasok sa isang kakaibang mundo noong una akong dumating sa Makuhari Messe para sa pagbubukas ng Tokyo Game Show 2014 (TGS 2014). May mahigit 300 game developers, hindi lang mula sa Japan kung hindi pati na rin sa iba pang panig ng mundo tulad ng Asya, Amerika at Europa, ang nagsama-sama para sa pinakamalaking taunang pagtitipon ng mga game creators at game enthusiasts.

Mayroong cosplayers, malalaking posters ng anime, matataas na gundam models at dragon sculptures, at samu’t saring laro na maaaring subukan ng libre! Sa taong ito, ginanap ang TGS noong Setyembre 18-21, kung saan ang unang dalawang araw ay inilaan para sa mga press at businessmen at ang huling dalawang araw ay para naman sa publiko. Sa loob ng apat na araw ay dinaluhan ito ng mahigit sa 250,000 tao.

Sa TGS makikita ang iba’t ibang games mula sa mga pambatang laro tulad ng Doraemon at Cooking Mama, mga Role-Playing Games (RPG) tulad ng Final Fantasy, arcade games tulad ng Dragon Ball Z, virtual reality tulad ng Oculas at romance simulation games tulad ng Animal Boyfriend.

Ang tema ng TGS sa taong ito ay “Changing Games: The Transformation of Fun.” Base sa malawak na selection ng mga laro na itinampok sa TGS, mula sa mga classic arcade games na ngangailangan pa ng game controllers hanggang sa makabagong virtual reality games na kayang madetect ang body movements ng manlalaro, tunay ngang makikita kung paano sa panahaong ito ay malaki na ang ipinagbago ng teknolokiya sa paggawa ng mga laro at kung paano rin nagbago ang pagtanggap ng mga naglalaro sa mga ito.

Ang Mga Makabagong Laro

Sa dami ng mga magaganda at kakaibang laro na maaaring subukan sa TGS, mahirap pumili kung ano ang uunahin kaya naman pinagsama-sama ng TGS sa isang partikular na lugar ang mga exhibitors na may magkakaparehong uri ng laro.

General Exhibition Area. Dito makikita ang karamihan sa mga video game software at digital entertainment products tulad ng Bandai Namco, Capcom at Sony Computer Entertainment.

Smartphone Games / Social Games Area. Dito makikita kung anong mga bagong laro ang maaaring idownload  sa mga smartphones at tablets (ios man o android) tulad ng mga gawa ng QUBIT Games at 7Quark.

Family Area. Dito makikita ang mga larong pambata na gawa ng SEGA, Happymeal at Cooking Mama. Tanging mga elementary students at kanilang mga kasama lamang ang maaaring pumasok sa area na ito.

Game Device Area. Ang mga laro na kinakailangan ng device o game console tulad ng PC, controllers at keyboards ay matatagpuan sa bahaging ito. Ilan sa exhibitors dito ay DXRACER, Logicool G at Aver Media Technologies.

Game School Area. Dito ipinapakilala ang mga video game schools, universities at distance learning institutes para sa mga interesadong mag-aral ng game developing tulad ng Osaka Designers’ College, Tokyo Design Technology Center, Tokyo Designer Gakuin College, Tokyo University of Information Sciences, at Arts College Yokohama. 

Romance Simulation Game Area. Dito ipinapakilala ang mga romance games para sa kababaihan kung saan maaari silang magkaroon ng virtual boyfriend o maglaro ng mga drama game series. Mayroon din na photobooth kung saan maaaring magpa-picture ang mga kababaihan kasama ang mga lalaking naka-suit at tie bilang bahagi ng promotional strategies ng mga kumpanya. Ilan sa mga exhibitors dito ang Ambition, R-Infinity, Sunsoft at Voltage.

Indie Game Area. Kung mga original games na gawa ng mga independent game developers naman ang hanap mo, dito iyon matatagpuan sa bahaging ito. Itinatampok sa area na ito ang ilan sa mga game platforms na sumikat sa buong mundo tulad ng mga gawa ng Archive Entertainment, Bertram Fiddle, Chorus Worldwide Limited at Gemdrops.

PC Game Area. Dito makikita lahat ng laro na may kaugnayan sa paggamit ng PC. Maaari rin na magpa-install ng mga bagong laro rito.

Merchandise Sales Area. Kung souvenirs naman ang hanap mo, dito makakabili ng mga cute na bagay tulad ng mga keychain, towels, t-shirts, at iba pang gamit na may mukha ng mga kilalang game characters.

Asia New Stars. Sa bahaging ito matatagpuan ang booth ng mga bagong kumpanya mula sa Brunei, Cambodia, Malaysia, Indonesia, Laos, Singapore, Myanmar, Thailand, Vietnam at siyempre sa Pilipinas, na nagsisimula pa lamang pumasok sa mainstream game industry.

Ang Pakikibahagi ng mga Pinoy

Bahagi ng promotion ng TGS ang pakikipag-ugnayan nila sa sa mga ahensyang pang-gobyerno ng ibang bansa lalo na sa Southeast Asia para maipakita ang gawa ng mga umuusbong na game developers mula sa ibang bansa. Kasama ang Pilipinas sa 10 bansa mula sa Asya na nagtampok ng kanilang mga bagong gawang games.

Mayroong pitong independent game developers ang mula sa Pilipinas. Sila ang Funguy Studio, Pointwest Technologies, The Studio of Secret 6, Toon City (Morph Animation), Top Peg Animation & Creative Studio, TeamApp/ Holy Cow Animanation at White Widget.

Japan Game Awards 2014

Sa pagtatapos ng unang araw ng TGS, pinarangalan din ang ilang mga developers ng mga larong nagkaroon ng matinding kontribusyon sa game industry noong nakaraang taon. Ilan sa kanila ay ang:

Grand Award -- Nag-tie ang Monster Hunter IV at YO-Kai Watch para sa pinakaprestihiyosong award sa taong ito dahil ang parehas na laro ay nagbigay ng malaking kontribusyon sa game industry noong nakaraang taon.

Global Award (Japanese Product) -- Iginawad sa Pokemon X at Pokemon Y na ni-release sa pitong iba’t-ibang lengwahe.

Global Award (Foreign Product) – Nakuha ng Grand Theft Auto V na nakabenta ng 5 million units sa buong mundo.

Best Sales Award – Pokemon X at Pokemon Y na siyang nagbigay ng pinakamalaking revenue sa Japanese Market. Mula January 2013 ay nakabenta na ito ng 12.26 milyong unit. Malaki pa rin ang impluwensiya ng Pokemon Games sa industriya 18 taon na ang nakakalipas mula ng una itong lumabas noong 1996.

Game Designers Award -- Brothers: A Tale of Two Sons, isang larong tunay na pinag-isipan kung saan mayroong dalawang magkapatid na maaaring gamitin sa laro ng sabay.

Award for Excellence – Kan Colle, The Last of Us, YO-Kai Watch, A Realm Reborn – Final Fantasy XIV, Moster Hunter IV, Grant Theft Auto V, Pokemon X at Pokemon Y, Mario 3D world, Puzzle and Dragons Z, Dark Souls II, at Metal Gear Solid V.


Maraming kakaibang laro sa Tokyo Game Show na kahit mga hindi gamers na tulad ko ay matutuwang subukan. Sa susunod na taon ay gaganapin ang TGS 2015 sa September 17-20 sa Makuhari Messe, kaya huwag na itong palalampasin!

Tuesday, February 4, 2014

Hakone: An Unexpected Winter Wonderland

***originally published in the January Issue of Pinoy Gazette
Also published on Pinoy Gazette`s official blog: pinoygazetteofficial.blogspot.jp



view of mt fuji from hakone
View of Mt Fuji from Hakone


“Snow ba ‘yon?” Tanong ko sa kaibigan ko habang parehas kaming nakasilip sa bintana ng cable car sa Hakone, isang bayan sa Kanagawa prefecture. Akala ko noong una, mga maliliit na puting dahon lang sila na nalaglag sa mga natitirang damo sa gilid ng riles ng tren.
Pero habang papaakyat kami sa bundok, dumarami at kumakapal ang mga puting sapin sa kalsada. “Ah, snow nga.” Bulong ko sa sarili, sabay ngiti.



Para sa isang laking Pilipinas, “magical” ang makakita ng snow. Napapanood mo lang dati ‘yon sa pelikula pero hindi mo nararamdaman kung gaano sila kalamig at hindi mo nahahawakan kung gaano sila kapino. Nakakatuwa rin na tumambad sa amin sa Hakone ang isang hindi inaasahang “winter wonderland” na may magandang tanawin ng Mt. Fuji, Lake Ashi at iba’t ibang shrine na mayaman sa kasaysayan!



Hakone Ropeway



Para makatipid, bumili kami ng Hakone Free Pass sa may Odakyu Line sa Shinjuku station na nagkakahalaga ng ¥5,000 at maaaring magamit ng dalawang araw kung mag-stay ng overnight sa Hakone.



May additional na JPY850 kung sa Odakyu Limited Express Romance car sasakay at mas mainam kung may reservation. Mas kumportable ang upuan dito at mas mabilis ang byahe na tatagal lamang ng 85 minuto dahil diretso na ito hanggang Hakone.



Kung gamit ang ordinaryong trains, tulad ng ginawa namin na masasabi kong maginhawa naman, may minsanang transfer lang sa Odawara Station bago makarating mismo sa Hakone. Kasama na rin sa pass ang unlimited na gamit sa mga bus at train lines sa Hakone pati na ang boat cruise at ropeway na magdadala sa’yo sa iba’t ibang magagandang sights dito.



Pagdating namin sa Hakone ay sinubukan agad naming sumakay sa Hakone Ropeway na nagdala sa amin sa tuktok ng bundok. May magandang view dito ng Mt. Fuji na hindi matatawaran. Kitang-kita ang puting-puti snow caps ng Mt. Fuji na dati ay nakikita ko lang sa mga postcard.



Nadaanan din namin ang Owakudani, isang volcanic valley, na nagbubuga ng sulfur kaya makikita na umuusok ito. Maaari ring masubukan dito ang isang local delicacy, ang kuro tamago o black egg, isang hardboiled na itlog na niluto sa hotsprings ng Owakudani. Sinasabing nakakapagpahaba raw ng buhay ng pitong taon ang pagkain nito.





Hakone Sightseeing Cruise



Isang hindi matatawarang experience sa Hakone ang pagsakay sa Hakone Sightseeing Cruise na siyang naglibot sa amin sa Lake Ashi. Makaluma ang disenyo ng barko na tila isang replika ng barkong pampirata. Malamig ang simoy ng hangin sa observation deck pero sulit na tiisin ang lamig sa ganda ng tanawin. Mga namumuting bundok ang nakapalibot sa malinaw na lawa at makikita sa pampang ang iba’t ibang shrine, templo at ilang mga naglalakihang hotel.



Japanese Food Fiesta



Pagkatapos ng cruise sa Lake Ashi, kumain kami sa isang restaurant malapit sa port area. Restaurant Torarato ang pangalang nakalagay sa labas nito. Medyo old-fashioned ang design ng restaurant pero masarap ang pagkain. Nagkakahalaga ng ¥1,500 pataas ang set meal at ¥700 pataas naman ang mga noodles. Umorder ako ng pork with ginger na may kasamang rice, salad at miso soup. Hindi ako nagsisi dahil masarap at malaki ang serving ng pagkain dito.



Hakone Shrine



Sumaglit din kami sa Hakone Shrine, isang historical site. Sinasabing minsang nanalangin dito si Minamoto no Yoritomo matapos siyang magapi sa labanan sa Ishibashiyama. Siya ang unang shogun, noong Kamakura Shogunate at naghari mula 1192 hanggang 1199. Ang shrine na ito ay minsan na ring sinunog ni Toyotomi Hideyoshi, isang heneral na naging susi para maitatag ang Tokugawa Shogunate, noong nagkaroon ng labanan sa Odawara at siyang muling ipinagawa at ipinaayos ni Tokugawa Ieyasu, ang unang shogun noong Tokugawa Shogunate na nagsimula noong 1603. 



Marami pang ibang interesting na lugar na mapupuntahan sa Hakone tulad ng Odawara Castle, Hakone Open Air Museum, Hakone Check Point, Hakone Detached Palace Garden at marami pang iba. Hindi mauubusan ang Hakone ng mga bagay na magpapamangha sa’yo sa winter man o sa kahit anong season ng taon. Hindi sapat ang isang araw para libutin ang lahat ng ito kaya marami pang dahilan para bumalik at ulit-ulitin ang adventure na ito!