Karaniwan nang ginagawa tuwing summer ang pagha-hiking, pagba-barbecue sa mga parks at pagsu-surf. Ang pagka-camping ay isa ring maaaring alternatibo para sa mga taong nais magrelax kasama ang kalikasanan. Pero para sa mga taong hindi pa handang iwanan ang alwan ng buhay sa siyudad, mas nababagay gawin ang “glamping” o “glamorous camping.” Hindi ito nalalayo sa konsepto ng pagka-camping, yun nga lang, mas pinadali nito ang outdoor activities dahil lahat ng mga bagay na kakailanganin ay handa na sa campgrounds at maaari na lamang rentahan tulad ng mga cabins na tulugan, at mga BBQ spots at cooking facilities, mayroon ding mga convenient stores at restaurants!
Mayroong halos 3,000 campsites sa buong Japan kung saan maaaring magtayo ng mga tent at magpalipas ng gabi. Marami sa mga ito ang mayroon ding mga bungalows at cabins na maaaring rentahan kung ayaw magpalipas ng gabi sa tent. Marami sa mga ito ay hindi madaling puntahan dahil hindi ito dinadaanan ng mga pampublikong transportasyon. Mas mainam kung magdadala ng sariling sasakyan. Ang sumusunod ay ilan sa mga “glamping” sites na hindi nalalayo sa Tokyo:
Jonanjima Seaside Park, Tokyo. Kung ayaw mong lumayo masyado sa Tokyo, ang Jonanjima Seaside Park ang pinakamalapit na campgrounds na maaari mong puntahan. Mayroon itong artificial beach, mga BBQ spots at skateboard area. Nagkakahalaga ng Y3000 ang daytrip at Y600 naman para sa unang gabi at Y300 sa mga susunod. Maganda rin itong lugar para sa mga mahilig magplane watching dahil makikita mula dito ang mga eroplanong lumilipad at bumababa sa di-kalayuang Haneda Airport. Dito rin dumadaan ang mga magagarbong cruise ships papuntang Tokyo Bay.
Nagatoro Autocamp-jo, Saitama. Mainam ang campsite na ito para sa mga first time campers.dahil mayroon nang mga equipment for rent sa campgrounds na ito. Mayroon silang mga bungalow kung ayaw mo magtent. May iba’t-ibang laki ang bungalow na maaaring maglaman ng 2 hanggang 40 katao. Mayroon ding maliit na kombini, mga vending machines at mga utensils na maaaring hiramin. Mayroon ding mga BBQ spots sa paligid ng campgrounds. Matatagpuan ang campgrounds sa tabi ng ilog kung saan maaaring mag-indulge sa mga water sports tulad ng kayaking at canoeing; maaari ring magfishing, at magbiking. Nagkakahalaga ng Y3,000 bawat sasakyan (hanggang 5 tao) plus Y500 para sa facility fee. Y1000 naman bawat tao kung hindi lalagpas sa 5 ang grupo.
Ashinoko Camping Village, Kanagawa. Hindi lamang kumbinyenteng puntahan ang campgrounds na ito dahil maaari lang itong lakarin mula Togendai Station, nasa tabi rin ito ng Lake Ashinoko na bahagi ng Fuji-Hakone National Park. Mayroon silang mga 2-bedroom cabins, kitchen areas at terrace para sa pagba-BBQ. Tahimik din ang lugar na ito at mainam para sa mga gustong magrelax at magmuni-muni. mayroon din itong public bath na nagkakahalaga lang ng Y350. Kung nais magside trip, maaaari kayong sumakay ng Hakone Ropeway paakyat ng Owakudani, isang volcanic valley na kilala sa mga black eggs - mga itolg na iniluto sa pamamagitan ng init na nanggagaling sa bulkan.
Japonica Lodge, Tokyo. Kung wala kang oras na lumayo sa Tokyo at gusto mo lang maexperience ang “tent life,” maaari kang magbook ng stay sa Japonica Lodge, isang guest house sa gitna ng Tokyo. Sa halagang Y2,500 ay maaari ka nang matulog sa loob ng tent! Sa halip na bunk beds, hinanay ng maayos ang mga tent sa loob ng kwarto ng guest house. Walang mga lamok at maiingay na insekto, may shared shower at toilet, wifi at lockers pa! Kung magustuhan mo ang mga tent ay maaari mong bilhin at iuwi ang mga ito. Gawa ng Japanese manufacturers ang mga tent na ito kaya siguradong matibay ang mga ito.
Kung gusto mong panandaliang tumakas sa bilis ng takbo ng buhay sa Tokyo at magnature tripping, di na kailangang lumayo pa. Hindi na rin kailangang mag-alala, dahil “glamping” na ang uso.
*** Published in the August 2016 issue of the Pinoy Gazette
No comments:
Post a Comment