***published in the December Issue of Pinoy Gazette
Tuwing nanunuod ako ng maaksyong
mga pelikula tulad ng Rurouni Kenshin at Lupin III, hindi ko mapigilang
mag-isip kung paano kinukuhanan ang mga kumplikadong eksena tulad ng mga fight
scenes at explosions. Ang sarap panuorin mga ganito, makapigil-hininga, pero
siguradong nangailangan ito ng mga makabagong kagamitan at bihasang mga tao para
makuhanan sa tamang anggulo at timing ang ganitong mga eksenang mahirap nang
itake-2. Nasagot ang mga maliliit na tanong sa isip ko nang dumalo ako sa
International Broadcast Equipment Exhibit (o mas kilala sa tawag na Inter BEE)
sa Makuhari Messe. Ginanap ito sa loob ng tatlong araw mula Nobyembre 18-20,
2014. Ito ang ika-50 taon na ginanap ang exhibit na ito.
Ang Simula ng Inter BEE
Taong
1964 nang unang itanghal ang Inter BEE sa Tokyo. Kagaya ng nakaraang 49 na taon,
hindi binigo ng Inter BEE ang halos mahigit 30,000 taong dumalo sa exhibit ngayong
taon upang makita ang pinakamakabagong modelo ng iban’t-ibang equipment na
gamit sa industriya ng broadcasting tulad ng mga cameras, HDTV, satellites, speakers,
generators at iba pa na ipinakita ng mahigit na 900 kumpanya kung saan 536 ay
nagmula pa sa ibang panig ng mundo. Sa kasalukuyan, kinikilala ang Inter BEE
bilang ia sa tatlong pinakamalaking broadcast equipment exhibit sa mundo kasama
ng NAB sa Estados Unidos at IBC sa Europa.
Mga Makabagong Cameras on
Display
Punong-puno ang anim na
hall sa Makuhari Messe ng mga booth ng exhibitors. Maaari ring subukang gamitin
ang mga nakadisplay na produkto kaya hindi namin pinalagpas ang pagkakataon na
paglaruan ang mga camera at malaman kung paano finofocus at zinu-zoom sa mukha
ng artista ang mga camera. Sinubukan din naming itaas, ibaba, paikutin at
pagalawin ang mga ito. Nakakamangha ang galing ng mga camera, konting galaw at
pindot lang ay gagawin nito ang ano mang gusto mo – zoom, pan, tilt, dolly,
pedestal, truck. Mayroon ding mga on-site actors ang mga booth na hindi
tumitigal sa paggalaw – may naka-bunny costume na nagpapaikot ng roleta na
parang nasa casino, mayroong nag-ji-gymnastics at nag-eexercise, mga babaeong
nakagown at nagkukuwentuhan sa isang bar set-up at isang magandang babaeng
nakakimono na nagbabasa sa loob ng bahay. Nandoon sila sa mga booth para
pagpraktisan ng mga camera techniques kung gusto ng mga customer na subukan ang
mga camera on display. Siyempre
hindi rin namin pinalagpas na magfeeling artista sa harap ng camera. Tumayo kami sa harap ng green screen at kumaway-kaway sa camera.
Kung titingnan ang kuha ng camera sa TV, ang green screen sa likod namin ay
napalitan ng isang malaking aquarium kung saan may mga makukulay na isda na
lumangoy-langoy!
Ilan sa mga equipement na nakadisplay ay
ang:
·
Ericsson TV Anywhere – maaaring
nang irecord ang mga paborito mong TV program at panuorin ng paulit-ulit sa
smartphone o tablet. Kakaiba ang serbisyong ito dahil hatid ito ng isang
telecommunications equipment company at ang pagrerecord ng programa ay ginagawa
sa cable company mismo. Hindi lamang mga bagong programa ang pwedeng irecord
kung hindi pati na rin ang mga naipalabas na noon.
·
Panasonic VariCam 35 4K camera
recorder – mayroon itong built-in na 35mm single panel MOS at dahil mataas ang
sensitivity nito sa ilaw, kaya nitong kumuha ng malilinaw na eksena kahit
madilim. Madali ring i-adjust ang kulay ng nakuhanan dahil sa in-camera grading
function nito. Dahil sa 4k/HD compatibility nito, ideal itong gamitin para sa
pagkuha ng mga dramang pantelebisyon.
·
Attain SSP Series Teleprompter
– maaari itong ikabit sa camera tripod upang magamit habang nagrerecord ng
video. Gamit ang half mirror na nakatapat sa harap ng camera lens, maaaring
mabasa ng nagrerecord ang mga linyang nakasulat sa teleprompter habang
nakatingin sa camera. Mayroong apat na mode na maaaring pagpilian ang mga
gagamit nito: ikabit sa stand, ilagay sa taas ng nagbabasa, ilapag sa sahig o
gamitin ng naka-standard mode.
·
JVC Kenwood GY- LS300 – isang
handheld na camera recorder na mayroong detachable helicopter minicam na
maaaring gamitin for aerial shots.
·
Sony PXW- FS 7 – Maliit man ito
at madaling dalhin, hindi pa rin nagkulang ang mga features ng camera na ito.
Mayroon itong built-in single panel CMOS at 8.8 million pixels. Madali rin itong palitan ng lens kung outdoor
ang shoot at laging on the go ang gumagamit nito.
Mga Aabangan sa Industriya
ng Broadcasting
Nagkaroon din ng
iba’t-ibang forum sa loob ng tatlong araw ng exhibit. Nagbigay ng iba’t-ibang
makabuluhang keynote speeches ang ilan sa mga mahahalagang tao sa industriya.
Isa na rito ang Chief of Engineering ng Japan Broadcasting Company na si Senior
Director Yasuto Hamada na tinalakay ang mga upcoming innovation sa industriya ng
broadcasting at media services. Ipinaliwanag niya na noong nakaraang taon lamang
ay ni-launch ng NHK ang Hybridcast, isang technique kung saan pinagsama ang
broadcast and broadband services. Sinabi
rin niya na matagal nang pinag-aaralan ng NHK ang paggamit ng 8K super hi-vision
broadcasts na malapit na nilang i-test.
50th
Anniversary Live Party
Pagkatapos naming
mag-ikot sa loob ng exhibit ay dumalo rin kami sa after party kung saan
mayroong mga hinandang mga kamangha-manghang pagtatanghal para i-showcase
kakayahan ng mga sound, video and lighting equipment. Isa sa mga ito ay
interpretative dance na ginamitan ng mga lumilipad na remote-controlled lights
upang ilawan ang babaeng sumasayaw. Sinusundan siya ng mga lumilipad na ilaw at
nakakagawa ito ng magandang anino sa dingding sa kanyang likuran.
Ilang araw
makalipas ang pagpunta ko sa Inter Bee 2015, hindi pa rin matapos-tapos ang
pagkamangha ko sa mga nakitang bagong gadget. Kaya ngayon, mas excited na kong
manuod ng action movies dahil alam kong maraming makabagong innovation ang
paparating na mas magpapatingkad pa ng shooting techniques. Mapapangiti rin ako
tuwing maaalala na minsan kong na rin nasubukang gumamit ng mga camerang
ginagamit sa pagkuha ng mga iyon.
No comments:
Post a Comment