Sunday, December 14, 2014

Japan Content Showcase 2014: Pagpapalitan ng produkto, kultura at impluwensiya


***originally published in the November Issue of Pinoy Gazette
Also published on Pinoy Gazette`s official blog: pinoygazetteofficial.blogspot.jp

japan content showcase in tokyo
Kuha mula sa Official Facebook Page ng Japan Content Showcase 2014
Napansin niyo ba kung bakit mas maraming mga dramang mula Korea ang naipapalabas sa Pilipinas kaysa sa mga dramang Hapon? Nakakatawa naman ang mga dramang Hapon, mas maiikli kaya mas madaling subaybayan at hindi naman kumplikado ang mga kwento, pero bakit hindi ito karaniwang binibili ng mga local networks samantalang ang mga anime naman ay namamayagpag sa local channels?

Siyempre, isa sa pinakamahalagang bahagi ay ang negosasyon sa pagitan ng mga kumpanya: gaano katagal ipapalabas ang isang drama sa Pilipinas, ano ang mga restrictions na nakakabit sa pagbili ng rights nito, magkano ang presyo nito at mababawi ba ang halagang ito kapag ipinalabas  na ito sa local channel?

Isa ang Japan Content Showcase sa mga venue kung saan nagaganap ang mga ganitong usapan.
           
Ang Japan Content Showcase 2014 ay ginanap sa Hotel Grand Pacific Le Daiba kamakailan. Ginaganap ito taun-taon upang tipunin ang mga content holders at buyers mula sa iba’t ibang industriya tulad ng pelikula, musika,t elebisyon, animation at iba pa. Dito ay nagkakarooon ang mga content holders/exhibitors ng pagkakataon na ibenta ang kanilang mga produkto sa mga potensiyal na mamimili na mula pa sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Ang Mga Nakibahagi

Ang taong ito ang nagtala ng pinakamaraming exhibitors at buyers na dumayo pa ng Japan para lang maging bahagi ng malaking pagtitipong ito. Record-breaking na maituturing ang bilang ng  mga sumuporta, dumalo, nag-volunteer at naging bahagi ng event na ito sa iba’t ibang paraan. Sa loob ng tatlong araw, nakibahagi ang 331 exhibitors mula sa 25 bansa; 1,158 buyers mula sa 39 bansa; at 18,000 katao. Marami sa mga exhibitors ay mula Korea, Taiwan at Cambodia. Ito rin ang kauna-uanahang pagkakataon na may lumahok mula sa Colombia, Cote d’Ivoire at Estonia.

Mapapansin din ang unti-unting pagbubukas at paglawak ng merkado ng mga bansa mula sa Southeast Asia tulad ng Cambodia, Thailand, Malaysia, Indonesia, Vietnam at Singapore na hindi lamang bumibili ng content mula sa Japan ngunit nag-e-export na rin ng sarili nilang gawa. Sa taong ito, tumaas ng 19% ang mga exhibitors mula sa Southeast Asia. Wala mang malaking exhibitor na mula Pilipinas, mayroon namang mga dumalong mga indibidwal na Pilipino na ipinadala ng kanilang mga kumpanya at organisasyong kinabibilangan.


Mga Itinampok na Seminar

Hindi lamang puro negosasyon sa bilihan ng content ang nagaganap sa Japan Content Showcase, mayroon ding mga seminar na kapupulutan ng mga impormasyon tungkol sa iba’t ibang industriya sa Asya. Ilan sa mga interesanteng seminar ay tumalakay sa mga sumusunod na paksa:
·         Sa seminar na pinamagatang “Introducing Japanese Music Overseas: Issues and Potentials,” pinag-usapan ang ilan sa mga matagumpay na karanasan ng mga organizers sa pagma-market ng mga Japanese artists tulad ng Xjapan, One OK Rock, Morning Musume at Hatsune Miku sa Amerika at Europa.

·         Sa “Initiatives for the Development of Content Industry in Each Country and the Asian Region: Possible Cooperation in the Asian Region,” tinalakay ang malaking potensyal ng co-production para sa mga nais gumawa ng pelikula o animation sa tulong ng mga agencies o production houses sa ibang bansa. Binanggit din ang posibilidad na makakuha ng mga subsidy sa mga ahensyang pang-gobyerno kung makikipag-ugnayan sa kanila tungkol sa mga proyektong nais gawin sa bansang iyon. Ang mga panelista ay nagmula sa Thailand, Singapore, China, Japan at South Korea.

·         Sa “Southeast Asian Visual Contents: The Present and Future in Film-TV Market” ipinaliwanag kung anong mga pelikula at TV show ang popular sa Southeast Asia at kung saan posibleng tutungo ang mga trend na ito sa mga susunod na taon.

·         Para naman sa mga gustong makipagtulungan sa mga Japanese TV companies, ipinaliwanag sa “How to Find a Partner – Essential Tips on Collaborating with the Japanese TV Industry” ang kasalukuyang kalagayan ng industriyang ito. Nagbigay rin ang mga panelista ng mga suhestiyon kung paano makakapagbukas ng pagkakataon para makipagtrabaho sa mga ito. Nagbahagi rin sila ng mga karanasan nila sa pakikipagtrabaho sa mga production houses mula sa ibang bansa.

Iba pang Kaganapan

Kasabay ng Japan Content Showcase 2014 ay ang Tokyo International Music Market kung saan nagpakitang-gilas ang ilan sa mga bagong Japanese artists sa kanilang mga live performances, at ang Tokyo International Film Festival na siyang nagtampok sa mga pelikula mula sa iba’t ibang panig ng mundo kabilang na ang tatlong entries mula sa Pilipinas.



Kasabay nang mabilis na pagbabago sa kalidad at nilalaman ng mga pelikula, TV show at musika mula sa Japan at sa iba pang bansa na pumapasok sa Pilipinas, mabilis din na nagbabago ang impluwensiya ng bawat bansang nagbebenta at bumibili ng kanilang mga content mula sa isa’t isa. Naging saksi ang Japan Content Showcase 2014 sa lumalaking bahagi ng Southeast Asian market sa malayang pagpapalitan ng produkto at kultura sa bahaging ito ng Asya at siguradong patuloy pa itong magiging saksi sa mga susunod pang taon.

Wednesday, December 10, 2014

Ang Ika-50 Taon ng Inter BEE: Tanda ng Isang Bagong Kabanata sa Industriya ng Broadcasting


***published in the December Issue of Pinoy Gazette


           Tuwing nanunuod ako ng maaksyong mga pelikula tulad ng Rurouni Kenshin at Lupin III, hindi ko mapigilang mag-isip kung paano kinukuhanan ang mga kumplikadong eksena tulad ng mga fight scenes at explosions. Ang sarap panuorin mga ganito, makapigil-hininga, pero siguradong nangailangan ito ng mga makabagong kagamitan at bihasang mga tao para makuhanan sa tamang anggulo at timing ang ganitong mga eksenang mahirap nang itake-2. Nasagot ang mga maliliit na tanong sa isip ko nang dumalo ako sa International Broadcast Equipment Exhibit (o mas kilala sa tawag na Inter BEE) sa Makuhari Messe. Ginanap ito sa loob ng tatlong araw mula Nobyembre 18-20, 2014. Ito ang ika-50 taon na ginanap ang exhibit na ito.

Ang Simula ng Inter BEE
              Taong 1964 nang unang itanghal ang Inter BEE sa Tokyo. Kagaya ng nakaraang 49 na taon, hindi binigo ng Inter BEE ang halos mahigit 30,000 taong dumalo sa exhibit ngayong taon upang makita ang pinakamakabagong modelo ng iban’t-ibang equipment na gamit sa industriya ng broadcasting tulad ng mga cameras, HDTV, satellites, speakers, generators at iba pa na ipinakita ng mahigit na 900 kumpanya kung saan 536 ay nagmula pa sa ibang panig ng mundo. Sa kasalukuyan, kinikilala ang Inter BEE bilang ia sa tatlong pinakamalaking broadcast equipment exhibit sa mundo kasama ng NAB sa Estados Unidos at IBC sa Europa.

Mga Makabagong Cameras on Display
              Punong-puno ang anim na hall sa Makuhari Messe ng mga booth ng exhibitors. Maaari ring subukang gamitin ang mga nakadisplay na produkto kaya hindi namin pinalagpas ang pagkakataon na paglaruan ang mga camera at malaman kung paano finofocus at zinu-zoom sa mukha ng artista ang mga camera. Sinubukan din naming itaas, ibaba, paikutin at pagalawin ang mga ito. Nakakamangha ang galing ng mga camera, konting galaw at pindot lang ay gagawin nito ang ano mang gusto mo – zoom, pan, tilt, dolly, pedestal, truck. Mayroon ding mga on-site actors ang mga booth na hindi tumitigal sa paggalaw – may naka-bunny costume na nagpapaikot ng roleta na parang nasa casino, mayroong nag-ji-gymnastics at nag-eexercise, mga babaeong nakagown at nagkukuwentuhan sa isang bar set-up at isang magandang babaeng nakakimono na nagbabasa sa loob ng bahay. Nandoon sila sa mga booth para pagpraktisan ng mga camera techniques kung gusto ng mga customer na subukan ang mga camera on display. Siyempre hindi rin namin pinalagpas na magfeeling artista sa harap ng camera. Tumayo kami sa harap ng green screen at kumaway-kaway sa camera. Kung titingnan ang kuha ng camera sa TV, ang green screen sa likod namin ay napalitan ng isang malaking aquarium kung saan may mga makukulay na isda na lumangoy-langoy!

Ilan sa mga equipement na nakadisplay ay ang:
·        Ericsson TV Anywhere – maaaring nang irecord ang mga paborito mong TV program at panuorin ng paulit-ulit sa smartphone o tablet. Kakaiba ang serbisyong ito dahil hatid ito ng isang telecommunications equipment company at ang pagrerecord ng programa ay ginagawa sa cable company mismo. Hindi lamang mga bagong programa ang pwedeng irecord kung hindi pati na rin ang mga naipalabas na noon. 
·        Panasonic VariCam 35 4K camera recorder – mayroon itong built-in na 35mm single panel MOS at dahil mataas ang sensitivity nito sa ilaw, kaya nitong kumuha ng malilinaw na eksena kahit madilim. Madali ring i-adjust ang kulay ng nakuhanan dahil sa in-camera grading function nito. Dahil sa 4k/HD compatibility nito, ideal itong gamitin para sa pagkuha ng mga dramang pantelebisyon.
·        Attain SSP Series Teleprompter – maaari itong ikabit sa camera tripod upang magamit habang nagrerecord ng video. Gamit ang half mirror na nakatapat sa harap ng camera lens, maaaring mabasa ng nagrerecord ang mga linyang nakasulat sa teleprompter habang nakatingin sa camera. Mayroong apat na mode na maaaring pagpilian ang mga gagamit nito: ikabit sa stand, ilagay sa taas ng nagbabasa, ilapag sa sahig o gamitin ng naka-standard mode. 
·        JVC Kenwood GY- LS300 – isang handheld na camera recorder na mayroong detachable helicopter minicam na maaaring gamitin for aerial shots.
·        Sony PXW- FS 7 – Maliit man ito at madaling dalhin, hindi pa rin nagkulang ang mga features ng camera na ito. Mayroon itong built-in single panel CMOS at 8.8 million pixels.  Madali rin itong palitan ng lens kung outdoor ang shoot at laging on the go ang gumagamit nito.

Mga Aabangan sa Industriya ng Broadcasting
              Nagkaroon din ng iba’t-ibang forum sa loob ng tatlong araw ng exhibit. Nagbigay ng iba’t-ibang makabuluhang keynote speeches ang ilan sa mga mahahalagang tao sa industriya. Isa na rito ang Chief of Engineering ng Japan Broadcasting Company na si Senior Director Yasuto Hamada na tinalakay ang mga upcoming innovation sa industriya ng broadcasting at media services. Ipinaliwanag niya na noong nakaraang taon lamang ay ni-launch ng NHK ang Hybridcast, isang technique kung saan pinagsama ang broadcast and broadband services.  Sinabi rin niya na matagal nang pinag-aaralan ng NHK ang paggamit ng 8K super hi-vision broadcasts na malapit na nilang i-test.

50th Anniversary Live Party
              Pagkatapos naming mag-ikot sa loob ng exhibit ay dumalo rin kami sa after party kung saan mayroong mga hinandang mga kamangha-manghang pagtatanghal para i-showcase kakayahan ng mga sound, video and lighting equipment. Isa sa mga ito ay interpretative dance na ginamitan ng mga lumilipad na remote-controlled lights upang ilawan ang babaeng sumasayaw. Sinusundan siya ng mga lumilipad na ilaw at nakakagawa ito ng magandang anino sa dingding sa kanyang likuran.

              Ilang araw makalipas ang pagpunta ko sa Inter Bee 2015, hindi pa rin matapos-tapos ang pagkamangha ko sa mga nakitang bagong gadget. Kaya ngayon, mas excited na kong manuod ng action movies dahil alam kong maraming makabagong innovation ang paparating na mas magpapatingkad pa ng shooting techniques. Mapapangiti rin ako tuwing maaalala na minsan kong na rin nasubukang gumamit ng mga camerang ginagamit sa pagkuha ng mga iyon.
             

Tuesday, November 11, 2014

TOKYO GAME SHOW 2014: Isang Makabagong Mundo ng Laro

***originally published in the October Issue of Pinoy Gazette
Also published on Pinoy Gazette`s official blog: pinoygazetteofficial.blogspot.jp

tokyo game show

Para akong pumasok sa isang kakaibang mundo noong una akong dumating sa Makuhari Messe para sa pagbubukas ng Tokyo Game Show 2014 (TGS 2014). May mahigit 300 game developers, hindi lang mula sa Japan kung hindi pati na rin sa iba pang panig ng mundo tulad ng Asya, Amerika at Europa, ang nagsama-sama para sa pinakamalaking taunang pagtitipon ng mga game creators at game enthusiasts.

Mayroong cosplayers, malalaking posters ng anime, matataas na gundam models at dragon sculptures, at samu’t saring laro na maaaring subukan ng libre! Sa taong ito, ginanap ang TGS noong Setyembre 18-21, kung saan ang unang dalawang araw ay inilaan para sa mga press at businessmen at ang huling dalawang araw ay para naman sa publiko. Sa loob ng apat na araw ay dinaluhan ito ng mahigit sa 250,000 tao.

Sa TGS makikita ang iba’t ibang games mula sa mga pambatang laro tulad ng Doraemon at Cooking Mama, mga Role-Playing Games (RPG) tulad ng Final Fantasy, arcade games tulad ng Dragon Ball Z, virtual reality tulad ng Oculas at romance simulation games tulad ng Animal Boyfriend.

Ang tema ng TGS sa taong ito ay “Changing Games: The Transformation of Fun.” Base sa malawak na selection ng mga laro na itinampok sa TGS, mula sa mga classic arcade games na ngangailangan pa ng game controllers hanggang sa makabagong virtual reality games na kayang madetect ang body movements ng manlalaro, tunay ngang makikita kung paano sa panahaong ito ay malaki na ang ipinagbago ng teknolokiya sa paggawa ng mga laro at kung paano rin nagbago ang pagtanggap ng mga naglalaro sa mga ito.

Ang Mga Makabagong Laro

Sa dami ng mga magaganda at kakaibang laro na maaaring subukan sa TGS, mahirap pumili kung ano ang uunahin kaya naman pinagsama-sama ng TGS sa isang partikular na lugar ang mga exhibitors na may magkakaparehong uri ng laro.

General Exhibition Area. Dito makikita ang karamihan sa mga video game software at digital entertainment products tulad ng Bandai Namco, Capcom at Sony Computer Entertainment.

Smartphone Games / Social Games Area. Dito makikita kung anong mga bagong laro ang maaaring idownload  sa mga smartphones at tablets (ios man o android) tulad ng mga gawa ng QUBIT Games at 7Quark.

Family Area. Dito makikita ang mga larong pambata na gawa ng SEGA, Happymeal at Cooking Mama. Tanging mga elementary students at kanilang mga kasama lamang ang maaaring pumasok sa area na ito.

Game Device Area. Ang mga laro na kinakailangan ng device o game console tulad ng PC, controllers at keyboards ay matatagpuan sa bahaging ito. Ilan sa exhibitors dito ay DXRACER, Logicool G at Aver Media Technologies.

Game School Area. Dito ipinapakilala ang mga video game schools, universities at distance learning institutes para sa mga interesadong mag-aral ng game developing tulad ng Osaka Designers’ College, Tokyo Design Technology Center, Tokyo Designer Gakuin College, Tokyo University of Information Sciences, at Arts College Yokohama. 

Romance Simulation Game Area. Dito ipinapakilala ang mga romance games para sa kababaihan kung saan maaari silang magkaroon ng virtual boyfriend o maglaro ng mga drama game series. Mayroon din na photobooth kung saan maaaring magpa-picture ang mga kababaihan kasama ang mga lalaking naka-suit at tie bilang bahagi ng promotional strategies ng mga kumpanya. Ilan sa mga exhibitors dito ang Ambition, R-Infinity, Sunsoft at Voltage.

Indie Game Area. Kung mga original games na gawa ng mga independent game developers naman ang hanap mo, dito iyon matatagpuan sa bahaging ito. Itinatampok sa area na ito ang ilan sa mga game platforms na sumikat sa buong mundo tulad ng mga gawa ng Archive Entertainment, Bertram Fiddle, Chorus Worldwide Limited at Gemdrops.

PC Game Area. Dito makikita lahat ng laro na may kaugnayan sa paggamit ng PC. Maaari rin na magpa-install ng mga bagong laro rito.

Merchandise Sales Area. Kung souvenirs naman ang hanap mo, dito makakabili ng mga cute na bagay tulad ng mga keychain, towels, t-shirts, at iba pang gamit na may mukha ng mga kilalang game characters.

Asia New Stars. Sa bahaging ito matatagpuan ang booth ng mga bagong kumpanya mula sa Brunei, Cambodia, Malaysia, Indonesia, Laos, Singapore, Myanmar, Thailand, Vietnam at siyempre sa Pilipinas, na nagsisimula pa lamang pumasok sa mainstream game industry.

Ang Pakikibahagi ng mga Pinoy

Bahagi ng promotion ng TGS ang pakikipag-ugnayan nila sa sa mga ahensyang pang-gobyerno ng ibang bansa lalo na sa Southeast Asia para maipakita ang gawa ng mga umuusbong na game developers mula sa ibang bansa. Kasama ang Pilipinas sa 10 bansa mula sa Asya na nagtampok ng kanilang mga bagong gawang games.

Mayroong pitong independent game developers ang mula sa Pilipinas. Sila ang Funguy Studio, Pointwest Technologies, The Studio of Secret 6, Toon City (Morph Animation), Top Peg Animation & Creative Studio, TeamApp/ Holy Cow Animanation at White Widget.

Japan Game Awards 2014

Sa pagtatapos ng unang araw ng TGS, pinarangalan din ang ilang mga developers ng mga larong nagkaroon ng matinding kontribusyon sa game industry noong nakaraang taon. Ilan sa kanila ay ang:

Grand Award -- Nag-tie ang Monster Hunter IV at YO-Kai Watch para sa pinakaprestihiyosong award sa taong ito dahil ang parehas na laro ay nagbigay ng malaking kontribusyon sa game industry noong nakaraang taon.

Global Award (Japanese Product) -- Iginawad sa Pokemon X at Pokemon Y na ni-release sa pitong iba’t-ibang lengwahe.

Global Award (Foreign Product) – Nakuha ng Grand Theft Auto V na nakabenta ng 5 million units sa buong mundo.

Best Sales Award – Pokemon X at Pokemon Y na siyang nagbigay ng pinakamalaking revenue sa Japanese Market. Mula January 2013 ay nakabenta na ito ng 12.26 milyong unit. Malaki pa rin ang impluwensiya ng Pokemon Games sa industriya 18 taon na ang nakakalipas mula ng una itong lumabas noong 1996.

Game Designers Award -- Brothers: A Tale of Two Sons, isang larong tunay na pinag-isipan kung saan mayroong dalawang magkapatid na maaaring gamitin sa laro ng sabay.

Award for Excellence – Kan Colle, The Last of Us, YO-Kai Watch, A Realm Reborn – Final Fantasy XIV, Moster Hunter IV, Grant Theft Auto V, Pokemon X at Pokemon Y, Mario 3D world, Puzzle and Dragons Z, Dark Souls II, at Metal Gear Solid V.


Maraming kakaibang laro sa Tokyo Game Show na kahit mga hindi gamers na tulad ko ay matutuwang subukan. Sa susunod na taon ay gaganapin ang TGS 2015 sa September 17-20 sa Makuhari Messe, kaya huwag na itong palalampasin!

Tuesday, October 21, 2014

Kimura Takuya's Jacket!

Going around Japan Content Showcase 2014, here's what i found: the jacket Kimura Takuya wore for his drama, Hero, which was shown by Fuji TV!

Hero, which was first aired in 2001 gained the highest ratings in Japanese TV in 25 years! Yes, that's the magic of KinuTaku. Because of its success, it had a miniseries in 2006, a film in 2007 and a new season in 2014.

kimura takuya exhibit
Kimura Takuya's jacket in his drama hero

Japan Content Showcase is annual gathering where producers and buyers meet to sell and buy their contents - music, films, tv programs and animation. 

Wednesday, October 15, 2014

Biyaheng Sendai

***originally published in the September Issue of Pinoy Gazette
Also published on Pinoy Gazette`s official blog: pinoygazetteofficial.blogspot.jp


things to do in sendai

Tuwing nababanggit ang Sendai, ang unang pumapasok sa isip natin ay isang lugar na sinalanta ng lindol at tsunami noong 2011. Bagamat makikita pa ang bakas nito sa ilang lugar sa Sendai, may maganda at masayang bahagi pa rin naman ang lungsod na ito.

Maraming lugar na mapapasyalan ang mga turista rito at may masasarap na pagkain na dapat dayuhin. Paglabas pa lang ng Sendai Station ay makikita na ang magagandang shopping malls at matataas na gusali, hindi nalalayo sa itsura ng Tokyo.

Seishun 18 Kippu

Para makatipid, bumili kami ng Seishun 18 Kippu, isang espesyal na pass na mabibili sa mga JR Ticket Offices. Sa halagang Y11,850 ay maaari ka nang makapaglakbay mula Tokyo papuntang Osaka, Kyoto, Nagoya o Sendai. Mura ito pero may catch. Maaari itong gamitin sa lahat ng local at rapid trains ng JR sa iba’t ibang probinsya pero hindi ito maaaring gamitin sa express trains.

Maaaring magamit ang ticket ng limang beses at ng mahigit sa isang tao. Dalawa kami ng kaibigan ko na gumamit ng pass na ito. Sa roundtrip na biyahe namin, apat na beses lang namin ito nagamit. Ang biyahe mula Tokyo hanggang Sendai ay tumatagal ng dalawang oras lamang kung sasakay ng Shinkansen na nagkakahalaga ng halos Y20,000.

Gamit ang Seishun 18 Kippu, tumagal ng pitong oras ang biyahe namin pero sa halagang halos Y6,000 lamang kada tao (dahil dalawa kaming naghati sa pass). Kung may oras ka at gusto ng adventure, magandang gamitin ang pass ito.

Sedai Loople Bus

Para siguradong maikot ang buong lungsod, maaaring bumili ng 1-day pass sa Sendai Loople Bus na dumaraan sa iba’t ibang tourist spots at historical attractions sa lugar. Nasa labas ng Sendai Station ang terminal ng bus at tumatagal ng isang oras ang pag-ikot nito sa buong lungsod. Kung may 1-day pass ay maaari kang bumaba at sumakay mula sa kahit anong stop. Nagkakahalaga ang unlimited pass ng 620 yen, pero maaari ring bumili ng one-time ticket na Y240.

Tourist Spots sa Sendai

Gamit ang Sendai Loople Bus, maraming mga interesanteng bagay ang makikita sa Sendai. Ilan sa mga ito ay ang:

Sendai Castle Site. Ito ay tinayo at tinirahan ni Date Masamune, ang nagtatag ng lungsod ng Sendai. Sa kasalukuyang panahon, wala nang nakatayong palasyo ang makikita rito dahil nasira na ito. Sa halip, makikita rito ang isang malaking estatwa ni Date Masamune at matatanaw din mula rito ang kapatagan ng lungsod.

Statue of the Goddess of Kannon (Deity of Mercy). May taas ang estatwang ito ng 100m. Mula sa upper observation window ay magandang view ng lungsod ng Sendai at ng Pacific Ocean.

Rinno-ji Temple. Ang templong ito ay kasabay na lumilipat ng pamilyang Date tuwing sila ay nagpapalit ng tirahan. Permanente na itong itinayo sa kasalukuyang okasyon nang sinimulan nang itatag ang lungsod ng Sendai. May three-story pagoda ito na nakaharap sa isang magandang lawa.

Zuihoden. Dito nakahimlay ang mga labi ni Date Masamune. Napapalamutian ng ginto at mga inukin na estatwa ang lugar na ito.

Akiu Kogei no Sato (Akiu Traditional Crafts Village). Maaaring subukan ang paggawa ng iba’t ibang klaseng traditional crafts dito tulad ng painting at dyeing. Maaari rin na panooring magtrabaho ang mga bihasang artisans na kilala sa paggawa ng kokeshi dolls at Sendai tansu (Japanese chest of drawers).

Akiu Hot Spring. Ang onsen na ito ay nadiskubre may 1500 taon na ang nakakalipas. Isa ito sa tatlong pinakakilalang hot spring sa Japan na tinatawag na “Japan’s three Royal Hot Springs.”

Ang Dinadayong Gyutan
            
Isa sa pinakakilalang delicacy ng Sendai na dinarayo pa ng marami ay ang Gyutan o grilled beef tongue. Maraming iba’t ibang restaurant ang nagbebenta ng pagkaing ito kaya siguradong madali itong hanapin. Isa sa pinakakilalang chain ng restaurants na nagbebenta nito ay ang Rikyu. Sa halagang Y1500 ay makakabili ka na ng isang set meal na kumpleto na may gyutan, kanin, soup at iba’t ibang side dish. Worth a try ang Gyutan dahil sobrang lambot at malasa ito. Maaari rin na bumili ng mga naka-pack na Gyutan bilang pasalubong.  

Manood ng JPOP Concert

Ang Sekisui Heim Super Arena ay isa sa mga pinakamadalas na ginagamit na concert venue ng mga sikat na artists. Kaya nitong mag-upo ng 7,000 manonood. Noong pumunta kami sa Sendai, pinanood namin ang bandang KAT-TUN na binubuo nina Kamenashi Kazuya, Taguchi Junnosuke, Ueda Tatsuya at Yuichi Nakamaru, na ilang beses na ring nagtanghal sa Sendai.

Ang lungsod ng Sendai ay patuloy na bumabangon at lumalaban matapos ang sakuna noong 2011. Sa ngayon, maaari na uli itong ituring na isa sa mga tourist destinations na pwedeng bisitahin sa Japan.

Thursday, September 25, 2014

Anong Sorpresa ang Meron sa Nagoya?


***Published in the September Issue of Pinoy Gazette

           Anong meron sa Nagoya?” Ito ang pinakamadalas kong naririnig na tanong mula sa ibang tao kapag napag-uusapan ang Nagoya. Hindi raw gaanong nalalayo ang Nagoya sa Tokyo dahil parehas silang malalaking siyudad na maraming tao at matataas na gusali. Ang Nagoya, capital ng Aichi, ang pinakamalaking siyudad sa rehiyon ng Chubu at nagtataglay ng isa sa pinakaabalang pier sa buong bansa. Mayroong mahigit 2 milyong tao ang naririhan dito. Laban sa karaniwang impresyon ng mga tao na isang pangkaraniwang siyudad lamang ang Nagoya, malaki pala ang naging bahagi nito sa kasaysayan ng Japan at maraming lugar dito ang sulit bisitahin.

Bahagi ng Kasaysayan
              Malaki pala ang naging bahagi ng Nagoya sa kasaysayan ng Japan lalo na noong panahon ng Tokugawa. Naging isa ito sa sentro ng kapangyarihan noong panahon na yun dahil dito nanirahan ang mga miyembro ng Owari Tokugawa, ang pinakamalaki at kilalang pamilya na nagmula sa angkan ng Tokugawa. Noong 1616, inilapat ni Tokugawa Ieyasu ang capital mula sa probinsya ng Owari sa Nagoya. Iniutos niya ang pagtatag ng Nagoya Castle kasabay ang paglipat ng mahigit 60,000 tao mula sa lumang capital.  

Mga Pasyalan
           Nagoya Castle. Ipinagawa ang palasyong ito sa utos ni Tokugawa Ieyasu at natapos noong 1616. Itinatag ito upang pakasin ang kanilang puwerse sa bahaging ito ng bansa – isang magandang lokasyon na malapit sa Tokdaido Road na nagdurugtong sa Tokyo at Kyoto. Sa loob ng mahabang panahon ay tinirahan ang palasyo ng mga miyembro ng pamilya ng Owari Tokugawa, isa sa tatlong pinakaprominenteng pamilya na nagmula sa ankan ng Tokugawa. Ang pinakakilalang simbolo ng palasyo ay ang kinshachi, isang ginintuang isda na may katawan ng karpa at ulo na tigre na isang kilalang imahe sa mitolohiyang Hapon. Sa tuktok ng palasyo ay makikita ang ilang kinshashi na simbolo ng kapangyarihan ng kanilang pinuno.
              Nagoya Port Area. Isa ito sa pinakamalalaking pier sa buong Japan. Hindi lamang magandang tanawin ng dagat at mga naglalakihang barko ang matatagpuan dito. Nandito rin ang Port of Nagoya Public Aquarium kung saan makikita ang iba`t-ibang uri ng hayop pantubig. Mayroon ding naganap na tatlong dolphin shows bawat araw at feeding at training shows na tiyak na kagigiliwan ng buong pamilya lalo na ng mga bata. Makikita rin na nakadaong sa pier ang Icebreaker Fuji, isang malaking kahel na barko na ginamit ng Japan sa pag-aaral at pagtuklas sa Karagatang Antartiko mula 1960s hanggang 1980s. Sa kasalukuyan ay isa na itong museo na bukas para sa mga nais makita ang loob nito. Sa tabi ng barko ay matatagpuan ang Nagoya Port Building kung saan maaaaring umakyat ang mga nais makakaita ng 360 view ng paligid ng pier. 
              Toyota Factory and Museum. Sa Toyota, isang siyudad sa silangan ng Nagoya, matatagpuan ang headquarters ng pinakamalaking kumpanya ng kotse sa Japan na mayroong parehong pangalan. Ang Toyota Kaikan Museum kung saan makikita ang mga lumang modelo ng kotse na kanilang nagawa at mga bagong teknolohiya na kanilang natuklsan. Paminsan-minsan ay nagkakaroon din sila ng mga robot shows na maaaring panuorin ng mga bisita. Isa sa mga karaniwang dinadayo dito ay ang libreng tour sa loob ng planta ng Toyota. Libre ang tour ngunit kailangang magpareserve online para masigurado ang slot. Bukod dito, mayroon din silang Toyota Techno Museum na siya naming nagpapakita ng mahabang kasaysayan ng kumpanya ng Toyota at ang kanilang paraan ng paggawa ng sasakyan. Sa Toyoto Automobile Museum naman makikita ang ibat-ibang uri ng  kotse mula Japan, Amerika at Europe mula 1800s hangang 1960s.

Mga Kaganapan
           Nagoya Castle Summer Night Festival. Nagaganap ito tuwing summer sa loob ng 13 araw. Sa labas ng palasyo ay mayroong iba`t-ibang mga stalls ng pagkain at mga tradisyunal na laro tulad ng archery. Mayroon ding mga musical performances at bon odori. Kadalasang ginaganap ito tuwing kalagitnaan ng Agosto. Nagsisimula ito ng alas-5 ng hapon at natatapos ng alas-9. 
           Fireworks Festivals. Kilala rin ang Nagoya sa bonggang mga fireworks display tuwing summer. Ilan sa mga kilalang festival na di dapat palagpasin ay ang Okazaki Fireworks Festival na nagaganap malapait sa Okazaki Castle sa uanang lingo ng Agosto sa loob ng tatlong araw. Sa unang araw ay mayroong bon odori kung saan pwedeng makilahok ang kahit na sinong may nais, ang pangalawanag araw naman ay para sa pagpaparada ng mikoshi, at ang huling araw naman ay nakalaaan para sa fireworks display. 
Korakei Momiji Matsuri. Tuwing Autumn naman, isang magandang lugar kung saan maaaring makita ang koyo ay sa Korankei Valley sa may Toyota City. Kilala ang Taigetsukyo Bridge na puntahan ng mga taong nais makita ang mga dahong nagpapalit ng kulay. Maaaring maglakad sa may tabi ng ilog papuntang Mt. Iimori kung saan makikita ang Kojakuji Temple. Sa panahon ng matsuri, mayroong iba`t-ibang kaganapan tulad ng tea ceremony, musical performances at mga exhibitions. Tuwing Nobyembre pinakamagandang pumunta sa lugar na ito.
             
Pagkain
              Hindi rin magpapahuli ang Nagoya sa masasarap na pagkain na popular hindi lamang sa mga taga-roon kung hindi pati na rin sa mga turista.
              Hitsumabushi. Isa sa mga pinakakilalang pagkain sa Nagoya ang unagi o eel. May kamahalan ito ngunit sulit naman ang sariwang unagi na ihahain sa ibabaw ng mainit na kanin kasama ang iba`t-ibang pampalasa at sabaw na maaaring ihalo dito.  
Tebasaki.  Gawa ito sa pakpak ng manok na ibinabad sa matamis na sauce na mayroong sesame seeds.
Kishimen. Isa itong uri ng udon na maaari itong kainin ng mainit o malamig at isinasawsaw sa sabaw na timplado ng iba`t-ibang pampalasa.
              Toriwasa. Sashimi na gawa sa Nagoya Kochin, isang cross-bred na manok mula sa Nagoya Chicken at Cochin.
              Uiro. Isang uri ng dumpling na gawa sa pinaghalong harina at asukal.

              Sa susunod na may marinig akong magtanong ng “Anong meron sa Nagoya?” Alam ko na ang isasagot ko, marami palang itong magagandang pasyalan at masasarap na pagkain na sosorpresea sa mga bibista dito.