Tuesday, November 11, 2014

TOKYO GAME SHOW 2014: Isang Makabagong Mundo ng Laro

***originally published in the October Issue of Pinoy Gazette
Also published on Pinoy Gazette`s official blog: pinoygazetteofficial.blogspot.jp

tokyo game show

Para akong pumasok sa isang kakaibang mundo noong una akong dumating sa Makuhari Messe para sa pagbubukas ng Tokyo Game Show 2014 (TGS 2014). May mahigit 300 game developers, hindi lang mula sa Japan kung hindi pati na rin sa iba pang panig ng mundo tulad ng Asya, Amerika at Europa, ang nagsama-sama para sa pinakamalaking taunang pagtitipon ng mga game creators at game enthusiasts.

Mayroong cosplayers, malalaking posters ng anime, matataas na gundam models at dragon sculptures, at samu’t saring laro na maaaring subukan ng libre! Sa taong ito, ginanap ang TGS noong Setyembre 18-21, kung saan ang unang dalawang araw ay inilaan para sa mga press at businessmen at ang huling dalawang araw ay para naman sa publiko. Sa loob ng apat na araw ay dinaluhan ito ng mahigit sa 250,000 tao.

Sa TGS makikita ang iba’t ibang games mula sa mga pambatang laro tulad ng Doraemon at Cooking Mama, mga Role-Playing Games (RPG) tulad ng Final Fantasy, arcade games tulad ng Dragon Ball Z, virtual reality tulad ng Oculas at romance simulation games tulad ng Animal Boyfriend.

Ang tema ng TGS sa taong ito ay “Changing Games: The Transformation of Fun.” Base sa malawak na selection ng mga laro na itinampok sa TGS, mula sa mga classic arcade games na ngangailangan pa ng game controllers hanggang sa makabagong virtual reality games na kayang madetect ang body movements ng manlalaro, tunay ngang makikita kung paano sa panahaong ito ay malaki na ang ipinagbago ng teknolokiya sa paggawa ng mga laro at kung paano rin nagbago ang pagtanggap ng mga naglalaro sa mga ito.

Ang Mga Makabagong Laro

Sa dami ng mga magaganda at kakaibang laro na maaaring subukan sa TGS, mahirap pumili kung ano ang uunahin kaya naman pinagsama-sama ng TGS sa isang partikular na lugar ang mga exhibitors na may magkakaparehong uri ng laro.

General Exhibition Area. Dito makikita ang karamihan sa mga video game software at digital entertainment products tulad ng Bandai Namco, Capcom at Sony Computer Entertainment.

Smartphone Games / Social Games Area. Dito makikita kung anong mga bagong laro ang maaaring idownload  sa mga smartphones at tablets (ios man o android) tulad ng mga gawa ng QUBIT Games at 7Quark.

Family Area. Dito makikita ang mga larong pambata na gawa ng SEGA, Happymeal at Cooking Mama. Tanging mga elementary students at kanilang mga kasama lamang ang maaaring pumasok sa area na ito.

Game Device Area. Ang mga laro na kinakailangan ng device o game console tulad ng PC, controllers at keyboards ay matatagpuan sa bahaging ito. Ilan sa exhibitors dito ay DXRACER, Logicool G at Aver Media Technologies.

Game School Area. Dito ipinapakilala ang mga video game schools, universities at distance learning institutes para sa mga interesadong mag-aral ng game developing tulad ng Osaka Designers’ College, Tokyo Design Technology Center, Tokyo Designer Gakuin College, Tokyo University of Information Sciences, at Arts College Yokohama. 

Romance Simulation Game Area. Dito ipinapakilala ang mga romance games para sa kababaihan kung saan maaari silang magkaroon ng virtual boyfriend o maglaro ng mga drama game series. Mayroon din na photobooth kung saan maaaring magpa-picture ang mga kababaihan kasama ang mga lalaking naka-suit at tie bilang bahagi ng promotional strategies ng mga kumpanya. Ilan sa mga exhibitors dito ang Ambition, R-Infinity, Sunsoft at Voltage.

Indie Game Area. Kung mga original games na gawa ng mga independent game developers naman ang hanap mo, dito iyon matatagpuan sa bahaging ito. Itinatampok sa area na ito ang ilan sa mga game platforms na sumikat sa buong mundo tulad ng mga gawa ng Archive Entertainment, Bertram Fiddle, Chorus Worldwide Limited at Gemdrops.

PC Game Area. Dito makikita lahat ng laro na may kaugnayan sa paggamit ng PC. Maaari rin na magpa-install ng mga bagong laro rito.

Merchandise Sales Area. Kung souvenirs naman ang hanap mo, dito makakabili ng mga cute na bagay tulad ng mga keychain, towels, t-shirts, at iba pang gamit na may mukha ng mga kilalang game characters.

Asia New Stars. Sa bahaging ito matatagpuan ang booth ng mga bagong kumpanya mula sa Brunei, Cambodia, Malaysia, Indonesia, Laos, Singapore, Myanmar, Thailand, Vietnam at siyempre sa Pilipinas, na nagsisimula pa lamang pumasok sa mainstream game industry.

Ang Pakikibahagi ng mga Pinoy

Bahagi ng promotion ng TGS ang pakikipag-ugnayan nila sa sa mga ahensyang pang-gobyerno ng ibang bansa lalo na sa Southeast Asia para maipakita ang gawa ng mga umuusbong na game developers mula sa ibang bansa. Kasama ang Pilipinas sa 10 bansa mula sa Asya na nagtampok ng kanilang mga bagong gawang games.

Mayroong pitong independent game developers ang mula sa Pilipinas. Sila ang Funguy Studio, Pointwest Technologies, The Studio of Secret 6, Toon City (Morph Animation), Top Peg Animation & Creative Studio, TeamApp/ Holy Cow Animanation at White Widget.

Japan Game Awards 2014

Sa pagtatapos ng unang araw ng TGS, pinarangalan din ang ilang mga developers ng mga larong nagkaroon ng matinding kontribusyon sa game industry noong nakaraang taon. Ilan sa kanila ay ang:

Grand Award -- Nag-tie ang Monster Hunter IV at YO-Kai Watch para sa pinakaprestihiyosong award sa taong ito dahil ang parehas na laro ay nagbigay ng malaking kontribusyon sa game industry noong nakaraang taon.

Global Award (Japanese Product) -- Iginawad sa Pokemon X at Pokemon Y na ni-release sa pitong iba’t-ibang lengwahe.

Global Award (Foreign Product) – Nakuha ng Grand Theft Auto V na nakabenta ng 5 million units sa buong mundo.

Best Sales Award – Pokemon X at Pokemon Y na siyang nagbigay ng pinakamalaking revenue sa Japanese Market. Mula January 2013 ay nakabenta na ito ng 12.26 milyong unit. Malaki pa rin ang impluwensiya ng Pokemon Games sa industriya 18 taon na ang nakakalipas mula ng una itong lumabas noong 1996.

Game Designers Award -- Brothers: A Tale of Two Sons, isang larong tunay na pinag-isipan kung saan mayroong dalawang magkapatid na maaaring gamitin sa laro ng sabay.

Award for Excellence – Kan Colle, The Last of Us, YO-Kai Watch, A Realm Reborn – Final Fantasy XIV, Moster Hunter IV, Grant Theft Auto V, Pokemon X at Pokemon Y, Mario 3D world, Puzzle and Dragons Z, Dark Souls II, at Metal Gear Solid V.


Maraming kakaibang laro sa Tokyo Game Show na kahit mga hindi gamers na tulad ko ay matutuwang subukan. Sa susunod na taon ay gaganapin ang TGS 2015 sa September 17-20 sa Makuhari Messe, kaya huwag na itong palalampasin!