“Anong mayroon sa Nagoya?”
Ito ang pinakamadalas kong naririnig na tanong mula sa ibang
tao kapag napag-uusapan ang Nagoya. Hindi raw gaanong nalalayo ang Nagoya sa
Tokyo dahil parehas silang malalaking siyudad na maraming tao at matataas na
gusali. Ang
Nagoya, kapital ng Aichi, ang pinakamalaking siyudad sa rehiyon ng Chubu at
nagtataglay ng isa sa pinakaabalang pier sa buong bansa.
Mayroong mahigit dalawang milyong tao ang naninirahan
dito. Laban sa karaniwang impresyon ng mga tao na isang pangkaraniwang siyudad
lamang ang Nagoya, malaki pala ang naging bahagi nito sa kasaysayan ng Japan at
maraming lugar dito ang sulit bisitahin.
Bahagi ng Kasaysayan
Malaki ang naging bahagi ng Nagoya sa kasaysayan ng Japan
lalo na noong panahon ng Tokugawa. Naging isa ito sa sentro ng kapangyarihan
noong panahon na yun dahil dito nanirahan ang mga miyembro ng Owari Tokugawa,
ang pinakamalaki at kilalang pamilya na nagmula sa angkan ng Tokugawa. Noong
1616, inilapat ni Tokugawa Ieyasu ang kapital mula sa probinsya ng Owari sa
Nagoya. Iniutos niya ang pagtatag ng Nagoya Castle kasabay ang paglipat ng mahigit
60,000 tao mula sa lumang kapital.
Mga Pasyalan
Nagoya Castle. Ipinagawa ang palasyong ito sa utos ni Tokugawa Ieyasu at
natapos noong 1616. Itinatag ito upang pakasin ang kanilang puwersa sa bahaging
ito ng bansa – isang magandang lokasyon na malapit sa Tokdaido Road na
nagdurugtong sa Tokyo at Kyoto.
Sa loob ng mahabang panahon ay tinirahan ang palasyo ng
mga miyembro ng pamilya ng Owari Tokugawa, isa sa tatlong pinakaprominenteng pamilya
na nagmula sa angkan ng Tokugawa. Ang pinakakilalang simbolo ng palasyo ay ang “kinshachi,”
isang ginintuang isda na may katawan ng karpa at ulo na tigre na isang kilalang
imahe sa mitolohiyang Hapon. Sa tuktok ng palasyo ay makikita ang ilang kinshashi
na simbolo ng kapangyarihan ng kanilang pinuno.
Nagoya Port Area. Isa ito sa
pinakamalalaking pier sa buong Japan. Hindi lamang magandang tanawin ng dagat
at mga naglalakihang barko ang matatagpuan dito. Narito rin ang Port of Nagoya
Public Aquarium kung saan makikita ang iba`t ibang uri ng hayop pantubig.
Mayroon din na nagaganap na tatlong dolphin shows bawat
araw at feeding at training shows na tiyak na kagigiliwan ng buong pamilya lalo
na ng mga bata. Makikita rin na nakadaong sa pier ang “Icebreaker Fuji,” isang
malaking kahel na barko na ginamit ng Japan sa pag-aaral at pagtuklas sa
Karagatang Antartiko mula 1960s hanggang 1980s.
Sa kasalukuyan ay isa na itong museo na bukas para sa mga
nais makita ang loob nito. Sa tabi ng barko ay matatagpuan ang Nagoya Port
Building kung saan maaaaring umakyat ang mga nais makakaita ng 360 view ng
paligid ng pier.
Toyota Factory and
Museum.
Sa Toyota, isang siyudad sa silangan ng Nagoya, matatagpuan ang headquarters ng
pinakamalaking kumpanya ng kotse sa Japan na mayroong parehong pangalan. Ang
Toyota Kaikan Museum kung saan makikita ang mga lumang modelo ng kotse na
kanilang nagawa at mga bagong teknolohiya na kanilang natuklsan.
Paminsan-minsan
ay nagkakaroon din sila ng mga robot shows na maaaring panoorin ng mga bisita. Isa
sa mga karaniwang dinarayo rito ay ang libreng tour sa loob ng planta ng
Toyota. Libre ang tour ngunit kailangang magpareserve online para masigurado
ang slot.
Bukod
dito, mayroon din silang Toyota Techno Museum na siya namang nagpapakita ng
mahabang kasaysayan ng kumpanya ng Toyota at ang kanilang paraan ng paggawa ng
sasakyan. Sa Toyoto Automobile Museum naman makikita ang iba’t ibang uri
ng kotse mula Japan, Amerika at Europe
mula 1800s hangang 1960s.
Mga Kaganapan
Nagoya Castle
Summer Night Festival. Nagaganap ito tuwing summer sa loob ng 13 araw. Sa labas
ng palasyo ay mayroong iba’t ibang mga stalls ng pagkain at mga tradisyonal na
laro tulad ng archery. Mayroon din na mga musical performances at “bon odori.” Kadalasang
ginaganap ito tuwing kalagitnaan ng Agosto. Nagsisimula ito ng alas-5 ng hapon
at natatapos ng alas-9.
Fireworks
Festivals. Kilala
rin ang Nagoya sa bonggang mga fireworks display tuwing summer. Ilan sa mga
kilalang festival na ‘di dapat palampasin ay ang Okazaki Fireworks Festival na
nagaganap malaait sa Okazaki Castle sa unang linggo ng Agosto sa loob ng
tatlong araw. Sa unang araw ay mayroong bon odori kung saan pwedeng makilahok
ang kahit na sinong may nais, ang pangalawanag araw naman ay para sa
pagpaparada ng “mikoshi” at ang
huling araw naman ay nakalaaan para sa fireworks display.
Korakei Momiji
Matsuri. Tuwing
Autumn naman, isang magandang lugar kung saan maaaring makita ang “koyo” ay sa Korankei
Valley sa may Toyota City. Kilala ang Taigetsukyo Bridge na puntahan ng mga
taong nais makita ang mga dahong nagpapalit ng kulay.
Maaaring
maglakad sa may tabi ng ilog papuntang Mt. Iimori kung saan makikita ang
Kojakuji Temple. Sa panahon ng “matsuri,” mayroong iba’t ibang kaganapan tulad
ng tea ceremony, musical performances at mga exhibitions. Tuwing Nobyembre
pinakamagandang pumunta sa lugar na ito.
Mga Pagkain
Hindi
rin magpapahuli ang Nagoya sa masasarap na pagkain na popular hindi lamang sa
mga taga-roon kung hindi pati na rin sa mga turista.
Hitsumabushi. Isa sa mga pinakakilalang pagkain sa Nagoya ang “unagi”
o eel. May kamahalan ito ngunit sulit naman ang sariwang unagi na ihahain sa
ibabaw ng mainit na kanin kasama ang iba’t ibang pampalasa at sabaw na maaaring
ihalo rito.
Tebasaki. Gawa ito sa pakpak ng manok na ibinabad sa matamis na
sauce na mayroong sesame seeds.
Kishimen. Isa itong uri ng “udon” na maaari itong kainin ng mainit
o malamig at isinasawsaw sa sabaw na timplado ng iba`t ibang pampalasa.
Toriwasa. Sashimi na gawa sa Nagoya Kochin, isang cross-bred na
manok mula sa Nagoya Chicken at Cochin.
Uiro. Isang uri ng dumpling na gawa sa pinaghalong harina at
asukal.
Sa susunod na may marinig akong magtanong ng “Anong mayroon
sa Nagoya?” Alam ko na ang isasagot ko, marami palang itong magagandang
pasyalan at masasarap na pagkain na sosorpresea sa mga bibisita rito.