Sunday, March 1, 2015

Mula Teatro Hanggang Pelikula: Ang Pagdating ng ‘Imbisibol’ sa Japan




***originally published in the February Issue of Pinoy Gazette
Also published on Pinoy Gazette`s official blog: pinoygazetteofficial.blogspot.jp



imbisibol movie filiming in tokyo
Kuha ni Boy Yniguez

Noong nakaraang buwan ay dumating si Direk Lawrence Fajardo sa Japan kasama ang iba pang miyembro ng aming grupo mula sa Pilipinas upang i-shoot ang aming independent film na pinamagatang “Imbisibol.” Ang “Imbisibol” ay isa sa anim na entries ng “Sinag Maynila” isang bagong local film festival na nabuo mula sa pagtutulungan ng award-winning director na si Brillante Mendoza at Solar Entertainment, Inc. Ang festival ay nakatakdang ilunsad sa Pilipinas ngayong Marso.



Unang itinanghal ang “Imbisibol,” na isinulat ko bilang dulang may isang yugto, noong 2013 sa Tanghalang Huseng Batute, Cultural Center of the Philippines bilang bahagi ng Virgin Labfest 9 – isang taunang festival ng mga dula na nagbibigay oportunidad sa mga manunulat, baguhan man o batikan, na maitanghal sa kauna-unahang pagkakataon ang kanilang mga “birheng” katha na hindi pa naipalabas o nailimbag.



Ang mga artistang gumanap dito ay sina Lou Veloso, Lui Manansala, Only Torres at Junjun Quintana. Nang sumunod na taon ay muli itong itinanghal sa Virgin Labfest 10 kung saan pinalitan nina Bernardo Bernardo at Ces Quesada sina Veloso at Manansala. Ang stage play version ng “Imbisibol” ay idinirehe rin ni Lawrence. Dito kami unang nagkasama sa trabaho at parehas kaming naging interesado sa mga buhay ng kapwa Pilipino nating nagtatrabaho sa ibang bansa. Si Lawrence ay umani na ng maraming parangal sa iba’t ibang international festivals. Ilan sa kanyang pelikula ay ang “Amok,” “Posas” at ang Metro Manila Film Festival 2012 entry na “The Strangers.”



Ang “Imbisibol” ay tumatalakay sa mga isyung kinakaharap ng mga Pilipinong “bilog” sa Japan – sila iyong mga nanatili sa Japan ng walang legal visa o mas kilala sa tawag na TNT, pinaiksing salita para sa Tago ng Tago.



Sinusundan ng pelikula ang buhay nina Benjie, isang matandang bilog na gusto nang umuwi sa kanyang pamilya; Linda, isang Pilipinang dating nagtatrabaho sa gabi at nakapag-asawa ng Hapon; Manuel, isang hosto na adik sa sugal at lubog sa utang; at Rodel, isang batang bilog na puno pa ng pag-asa at pangarap na mabibigyan niya ng magandang buhay ang anak sa Pilipinas. Itinatampok sa pelikula sina Bernardo Bernardo bilang Benjie, Ces Quesada bilang Linda, Allen Dizon bilang Manuel at JM De Guzman bilang Rodel. Mayroon din na espesyal na partisipasyon sina Ricky Davao at Cynthia Luster.



Mula noong 1980’s, marami sa ating mga kababayan ang nagpunta ng Japan upang magtrabaho. Marami sa kanila ang umuwi matapos ang ilang taon, pero marami rin ang nagdesisyong manatili kahit na nag-expire na ang kanilang mga visa. Tiyak na pamilyar tayo sa ganitong kwento. May mga kapamilya o kakilala tayo na nangibang-bansa at nagtrabaho. Marami na rin na pelikula ang nagpakita ng ganitong mga istorya, pero sa pagkakataong ito, gusto naming gawing “totoong tao” ang mga karakter sa pelikula. Hindi iyong patuloy na “niro-romanticize” sila bilang mga bagong bayani.



Ang mga kababayan natin na nagtatrabaho at nagsisipag para sa ikagiginhawa ng kanilang mga pamilya ay mga totoong tao – may sari-sariling mga problema at pangangailangan, may kanya-kanyang takot at pag-aalinlangan. Kinikilala ng “Imbisibol” ang katotohanang bawat isa ay may inner struggles na nakakaimpluwensya sa desisyon nilang maging imbisibol at maglaho. Ika nga, “everday is a fight not for existence, but for non-existence.” At sa patuloy nilang pagtatago, nagiging imbisibol sila sa iba’t ibang aspeto – sa kanilang mga pamilya, sa kapwa Pilipino, sa batas, pati na rin sa kanilang mga sarili.



Samahan natin sina Benjie, Linda, Manuel at Rodel sa mga pakikipagsapalaran nila sa buhay trabaho, buhay pamilya at buhay pag-ibig sa Japan. Ipapalabas ang “Imbisibol” ngayong Marso sa mga piling SM Cinemas sa Pilipinas. Ang “Imbisibol” ay kinunan sa Fukuoka at Hokkaido sa tulong at suporta ng Fukuoka Film Commission, Fukuoka Independent Film Festival at Chinzei Group.