Thursday, December 24, 2015

Sand Dune Bashing at Sand Boarding sa Ilocos Norte

*Published in the December Issue of Pinoy Gazette

              Kilala ang Pilipinas sa magagandang karagatan at mapuputing mga buhangin na dinadayo pa ng maraming turista. Pero hindi lamang iyon ang likas na yaman na matatagpuan sa Pilipinas. Isa sa mga natatagong ganda ng bansa ay ang nagtataasang mga bundok ng buhangin sa Ilocos Norte na ginamit na rin na shooting location ng mga local at international na pelikula. Hindi lamang isa kung hindi dalawa ang kilalang lugar sa Ilocos Norte na maaaring puntahan upang hindi lamang makita ang magagandang tanawin mula dito kung hindi ang “maexperience” mismo ang paglalakbay sa mga ito.

Ang mga sand dunes o mga bundok ng buhangin ay nabubuo dahil sa malakas na hampas ng hangin at tubig mula sa ilog at dagat na nagiging dahilan ng erosion at deposition ng lupa na humuhulma sa mga ito. Sa probinsya ng Ilocos Norte matagpuan ang isang mahabang disyerto na nagsisimula sa Currimao (nasa North ng Laoag) hanggang Pasuquin (nasa South naman) kung saan matatagpuan ang La Paz at Paoay Sand Dunes.

Ang La Paz at Paoay Sand Dunes
              Matatagpuan sa Laoag City, capital ng Ilocos Norte, ang La Paz Sand Dunes na may lawak na 85 square kilometers. May layo lamang ito na 15 minuto mula sa sentro ng lawag gamit ang jeep o tricycle. Kilala rin ito sa tawag ng mga lokal na “Bantay Bimmaboy” dahil sinasabing hugis baboy ang mga bundok dito. Kinilala din ito na isa sa mga National Geological Monuments in the Philippines ng National Committee on Geological Sciences (NCGS) noong November 26, 1993. Maraming mga pelikula na rin ang kinuhanan sa lugar na ito tulad ng Born on the Fourth of July kung saan gumulong gulong si Tom Cruise sa mga sand dunes sa isang fight scene at Mad Max ni Mel Gibson na kihunan malapit sa tabing dagat.

           Ang Paoay Sand Dunes naman na matatapuan sa Paoay, Ilocos Norte at malapit sa Suba Beach ay may lawak na 88 square kilometers. Matatagpuan rin ito malapit sa Malacanang of the North. Sinasabing dito kinuhanan ang mga pelikulang Himala, Panday at Temptation Island.

Sand Dune Bashing and Sand Boarding
              Ilan sa mga activities na maaaring subukan sa sand dunes ay ang dune bashing at sand boarding. Nagkakahalaga ng P2,500 ang renta ng isang 4x4 sa maaaring magsakay ng 5 tao sa loob ng isang oras. Maaaring sumakay nang nakatayo ang limang tao sa likod ng 4x4 o kaya naman ay 4 sa likod at isang nakaupo sa loob ng sasakyan katabi ng driver. Mas masaya nga lang kung nakatayo dahil damang dama ang pagratsyada ng 4x4 sa mga sand dunes na may taas na 10-30 meters. Bukod sa mala-rollercoaster ride na karanasan, isa sa mga di malilimutang bahagi ng pag du-dune bashing ay ang makita ang magagandang tanawin na hindi mo inaakalang mayroon pala sa Pilipinas. Mula sa La Paz Sand Dunes ay matatanaw ang Laoag River na karugtong ng dagat at dumadaloy hanggang Cordillera. Kung pupunta ng maaga ay maabutan pang balot ng makapal na fog ang kapatagan sa ibaba na nagbibigay ng kakaibang ganda sa tanawin. Daig pa ng tanawing ito ang mga larawan na nakikita nating nakalathala sa mga kalendaryo.

              Maaari ring subukan ang sand boarding kung saan maaaring magpadulas pababa ng sand dunes gamit ang isang kahoy na board na parang nagiiskate-board or nag susurf. Maaaring gawin ito ng nakaupo o nakatayo, maaari ring isahan o dalawahan. Kasama na ang sand boarding sa bayad sa 4x4.

Mga Mungkahi
           Maiging pumunta sa sand dunes nang maaga upang makita ang sunrise o di kaya naman ay sa bandang hapon para sa sunset. Hindi rin masyadong mainit ang sikat ng araw kung pupunta ng ganitong oras. Huwag ring magdala ng masyadong maraming gamit dahil aalog-alog lamang ang mga ito sa loob ng 4x4 habang tumatakbo. Magdala ng maliit na tubig dahil tiyak na nakakauhaw hindi lamang ang init ng disyerto kung hindi pati na rin ang kakasigaw sa bawat taas-baba ng 4x4 sa mataas at madudulas na sand dunes.
             

Saturday, November 28, 2015

Filipino Designers at the Mercedes Benz Fashion Week S/S 2016 in Tokyo

Three Filipino designers, John Herrera, Renan Pacson and Ken Samudio, showcased more than 50 looks on the runway of Mercedes Benz Fashion Week S/S 2016 in Tokyo last November 2015.
The writer with Filipino designer John Herrera

Wednesday, November 25, 2015

Mga Kwentong Katatakutan sa Japan



***Published in the November Issue of Pinoy Gazette

              Naniniwala ang mga Hapon na sa loob ng mga tao ay mayroong reikon, isang makapangyarihang espirito na napapakawalan pagkatapos mamatay. Kung namatay ang isang tao sa di inaasahang dahilan tulad ng pagpatay o pagpapakamatay, sinasabing nanantili ang reikon sa mundo ng mga tao bilang yurei o multo. Kailangan nilang matapos ang kanilang mga naiwang responsibilidad o kaya naman ay mabigyan ng maayos na ritwal o libing upang matahimik.

              Sinasabing ang Golden Age ng mga Yurei ay noong Edo Period (1604-1868). Nagpapalitan ng mga nakakatakot na mga kwento ang mga tao noon sa isang storytelling game na tinatawag na hyakumonogatari kaidankai. Ilang sa mga kilalang nakakatakot na kwento sa Japan na nagpasalin-salin na sa paglipas ng panahon ay ang mga sumusunod:

              Ang Multo ni Oyuki. Mayroong isang kilalang larawan na iginuhit ni Maruyama Okyo na kung tawagin sa Ingles ay “Ghost of Oyuki”. Ayon sa kwento, nagising mula sa pagkakahimbing isang gabi si Maruyama at nakita ang isang magandang babae sa paanan ng kanyang tulugan. Maputla siya, walang kulay ang mukha, nakasuot ng kanyang panlibing na kimono at wala siyang paa. Nang sumunod na umaga, iginuhit ni Maruyama ang eksaktong itsura ng babaeng kanyang nakita. Ayon sa kwento ni Shimizu, minsang nagmayari sa larawan, nagkaroon ng relasyon si Maruyama sa isang geisha na ang pangalan ay Oyuki ngunit maaga siyang namatay. Labis na dinamdam ni Maruyama ang pagkamatay nito. (Hango sa Ghost of Oyuki ni Zack Davisson).  

              Ang Bulag na Mangaawit. Papunta sa Edo ang samurai na si Hotsumi Kanji para sa kanyang taunang pagbisita sa kabisera. Isang gabi, habang siya ay nagpapahinga sa tinutuluyan ay nakarinig siya ng isang magandang umaawit na boses. Nagmumula ito sa isa sa mga kwarto sa kanyang tinutuluyan. Napagalaman niyang ang nagmamay-ari ng magandnag tinig ay isang goze – isang bulag na naglalakbay sa iba’t-ibang bahagi ng bansa at nagtatanghal gamit ang kanyang shamisen. Inisip ng samurai na kasing ganda rin ng mukha ng babae ang kanyang boses kaya isang gabi ay pinagsamantalahan niya ito. Nang sumunod na araw, nagulat si Hotsumi nang makita niya ang napakapangit na mukha ng goze. Upang ayusin ang sitwasyon, niyaya ni Hotsumi ang babae na sumama sa kanya sa Edo. Inisip ng babae na nakatagpo na siya ng pag-ibig sa katauhan ng samurai kaya pumayag ito. Pero sa gitna ng paglalakbay, itinulak ni Hotsumi ang babae sa gilid ng bundok. Nang sumunod na taon, muling pupunta si Hotsumi sa Edo para sa kanyang taunang pagbisita. Sa pagkakataong ito, nanuluyan siya sa isang templo sa gilid ng bundok. Habang natutulog siya, nagpakita sa kanya ang multo ng goze at hindi na nakita pa ang samurai nang sumunod na umaga. Sa ibang kwento, sinasabing pagkatapos magpakita ng goze ay hinila niya si Hotsumi at inihulog sa isang hukay sa labas ng templo kung saan nakalibing ang goze. Dito pala inilagak ang kanyang labi matapos siyang matagpuang patay sa gilid ng bundok (Hango sa Mujyara ni Mizuki Shigeru).

              Ang mga Hidarugami: Kamatayan sa Pagkagutom.   Nagdadala raw ng matinding pagkagutom ang mga hidarugumi sa mga naglalakbay sa kabundukan at kagubatan na nagiging sanhi ng kanilang pagkamatay. Dahil mag-isa silang namamatay, walang nakakakita ng kanilang mg bangkay at hindi man lang nalalagyan ng tanda ang lugar ng kanilang mga kinamatayan kaya nagiging masama at mapaghiganti ang kanilang mga espirito at nagiging mga hidarugami na rin sila na nambibiktima ng iba. Upang labanan ang mga hidarugami, maiging magbaon ng pagkain sa paglalakbay. Kung makaramdam daw ng gutom ay agad kumain kahit paonti-onti.  May iba’t-iba ring bersyon ng kwento sa iba’t-ibang prefecture. Sa Shiga, sinasabing lumulobo ang tiyan ng biktima kung sila ay nagugutom. Kung may makitang tao ay manghihingi sila ng pagkain sa kanila. Kung sinabi ng kausap na mayroon silang dala ngunit nakain na nila ito, aatakihin sila ng taong gutom at bubuksan ang kanilang tiyan upang maghanap ng hindi pa natutunaw na pagkain sa kanilang tiyan. Sa Mie naman, sinasabing inaatake ng mga hidarugami kahit ang mga hayop na dumadaan sa kagubatan dito. (Hango sa “Mujyara” ni Mizuki Shigeru).

              Ang mga Naghihiganting Multo ng Angkan ng Heike. Si Morimoto no Yoshitsune ay isang kilalang heneral sa kasaysayan ng Japan. Nabuhay siya noong 1159-1189. Noong 1185, pumalaot si Yoshitsune kasama ang kanyang grupo sa Daimotsu Bay sa Hyogo upang tumakas sa kanyang kapatid na si Yorimoto. Inisip ni Yorimoto na isang banta sa kanyang kapangyarihan bilang shogun si Yoshitsune kaya gusto niya itong patayin. Masama ang panahon nang pumalaot sina Yoshitsune – malakas ang mga alon at nabalot ng makapal na hamog ang paligid. Mayamaya pa ay umahon mula sa tubig ang kalansay ng mga taong mula sa angkan ng Heike na nakalaban at pinaslang ni Yoshitsune. Habang sinusubukang labanan ni Yoshitsune at ng kanyang mga alagad ang mga kalansay, nananalangin si Musashibo Benkei, kanang kamay ni Yoshitsune at isang debotong monghe sa isang sulok ng barko. Matapos ang ilang sandali, naglaho ang mga kalansay, tumigil ang malalakas na alon at nawala ng tuluyan ang unos. (Hango sa “Mujyara” ni Mizuki Shigeru).


Wednesday, October 21, 2015

Behind the Walls: Tuklasin ang Loob ng Kremlin


***Published in the October Issue of Pinoy Gazette
 
              Malayo pa lang ay matatanaw mo na ang matataas at matutulis na mga tore ng Moscow Kremlin, mas kilala sa tawag na Kremlin. Hindi ka magkakamali dahil agaw sa pansin ang mga ito, idagdag mo pa ang matingkad na pulang pader na nakapaligid dito na gawa sa maliliit na bricks na marahang pinagdikit-dikit. Ito ang pinakakilala sa lahat ng mga Kremlin sa Russia – “fortress in a city” kung ilarawan ang mga ito. Ano nga ba ang mayroon sa loob ng makakapal na pader ng Kremlin? Bakit ito sobrang kilala sa buong mundo?

Ang Moscow Kremlin
Ito ang sentro ng politika, kultura at relihiyon sa Russia. Matatagpuan ito sa gitna ng Moscow at napapaligiran ng iba pang makasaysayan at magagandang tanawin. Ang Moskva River ay matatanaw sa Timog nito, Saint Basil’s Cathedral at Red Square naman sa Silangan, at sa Kanluran naman ang Alexander Garden. Sa loob nito matatagpuan ang ilang cathedral na itinayo mahigit sa 500 taon na ang nakakalipas. Mayroon ding mga museo na nagtataglay ng pinakamahalagang mga kayamanan ng bansa. Mula 1991, sa loob na rin ng Kremlin itinalaga ang opisyal na tirahan ng pangulo ng Russian Federation. Noong 2013, nagpagawa si President Vladimir Putin ng helipad sa loob ng Kremlin upang mas madali siyang makalabas-masok sa kanyang tahanan at magampanan ang kanyang mga tungkulin.

Maikling Kasaysayan
              Unang itinatag ang Kremlin noong 1150s. Hindi pa ito gaanong kamukha ng Kremlin na nakikita natin ngayon. Sa paglipas ng panahon at pagpapalit ng mga pinuno ng bansa, unti-unting itong lumaki at lumawak. Ang pinakamagarbong pagpapagawa dito ay naganap noong 1475-1516 sa ilalim ng pamumuno ni Ivan the Great. Ang kasalukuyang mga pader at tore ng Kremlin ay binuo noong 1485-1495 ng magagaling na mga artisan mula sa Italia. Mayroong lawak na 275,000 square meters ang buong area sa loob ng Kremlin at may kapal na 3.5 hanggang 6.5 meters ang pader nito. Noong una, mayroon lamang 17 tore ang Kremlin ngunit noong 16th century, nagpagawa pa ng tatlong dagdag na tore kaya naging 20 ito sa kasalukuyan. Isinara ang Kremlin sa publiko noong 1930s at muli lamang binuksan noong 1955, marami na rin kasing mga gusali dito ang giniba dahil sa sobrang luma na ng mga ito at malaking sira na ang natamo nito sa mahabang panahon. Ilan dito ay ang Ascension Nunnery at Chudov Monastery. Noong December 1990, isinama ng UNESCO ang Kremlin at Red Square sa listahan ng mga World Heritage Sites.

Mga Mahahalagang Gusali sa Loob ng Kremlin
·        Cathedral of the Annunciation. Natapos ito noong 1489 matapos magdesisyon si Prince Ivan III na ipagawa ito nang mapansin niya na malaki na ang naging sira nito mula nang una itong itayo. Dahil malapit ito sa palasyo, ginawa itong personal na chapel ni Ivan III (r. 14620-1505) kaya gumawa ng lagusan mula sa palasyo papunta sa cathedral. Sa kasamaang palad, nagtamo na naman ito ng malaking pinsala matapos itong masunog noong 1547. Noong una ay tatlo lamang ang dome ng cathedral, nang muli itong ipagawa nagdagdag pa ng ilan kaya naging siyam na ito sa kasalukuyan. Sa panahon naman ng pamumuno ni Ivan the Terrible (r. 1547-1584), dito nagsisimba, nagpapakasal at binibinyagan ang mga miyembro ng kanyang pamilya.
·        The Archangel’s Cathedral. Ayon sa popular na kwento, isang cathedral na gawa sa kahoy ang nakatayo dito noong 12th century bilang alay kay Archangel Michael. Nooong 1333, sa utos ni Ivan Kalita, giniba ang lumang cathedral at nagtayo ng bago bilang alaala sa lumipas na taggutom. Nabuo ang bagong cathedral noong 1508. Dito nakalagak ang mga labi ng ilang mga pinuno at dugong bughaw mula kay Ivan Kalita (r. 1325-41) hanggang kay Ivan V (r. 1682-96). Dito rin ginanap ang mga koronasyon, kasalan at libing ng mga dugong bughaw bago inilipat ni Peter the Great (r. 1721-1725) ang kabisera sa St. Petersburg.
·        Assumption Cathedral.  Hindi lamang ito mahalagang gusali kung saan ginaganap ang pangkaraniwang mga misa. Dito rin ginaganap ang mga inagurasyon at iba pang mahalagang ritual ng bansa. Ang mga mahahalagang dokumento ng bansa ay nakatago sa may altar. Ang disensyo ng cathedral ay ginawa ng pamosong Italian architect na si Aristotile Fioravanti. Ayon sa mga kwento, sobrang natuwa si Ivan the Great sa kinalabasang likha ni Fioravanti kaya noong nagpaalam siyang babalik na ng Italya ay ipinakulong siya sa halip na pauuwiin upang hindi na siya makagawa pa ng ibang obra maestra na kasing ganda ng cathedral na ito. 
·        The Armoury. Isa sa mga di dapat palagpasin ang pagbisita sa museong ito. Mayroon itong kamangha-manghang koleksyon ng mga kayamana ng Russia tulad ng mga gintong kagamitan, mga plato at kubyertos, mga regalo ng mga pinuno ng ibang bansa, mga tronong puno ng mga mamahaling bato, mga magagarbong karwahe at mga sandatang pandigma.

Sa loob ng Kremlin, hindi ka lamang mamamangha sa yaman at garbo ng lumang Russia. Marami ka ring matututunan tungkol sa kanilang kasaysayan tulad ng kung ano ang estilo ng pamumuhay nila noon, paano sila sumasamba, at anong klaseng mga pinuno mayroon sila noon. Sa likod pala ng makakapal na pader ng Kremlin, hindi lang kayamanan at garbo ang matatagpuan, mayroon ding mayamang kasaysayan at kaalaman na hindi basta matututunan kung hindi mo mararanasan.

Monday, September 7, 2015

Ang Catherine Palace sa St. Petersburg: Yaman at Kasaysayan ng Russia

***Originally published in the August Issue of Pinoy Gazette
Also published on Pinoy Gazette's official website: pinoygazetteofficial.blogspot.jp
 
catherine palace in spring

Sa labas pa lamang ng Catherine Palace ay makikita na ang mga poste at estatwang tubog sa ginto at ang malalawak na hardin na mayroong magagandang damo at puno na alagang-alaga sa dilig at tabas. Dinadayo pa ito sa Russia ng napakaraming turista taun-taon mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Ano nga ba ang gandang taglay ng Catherine Palace?

Kasaysayan ng Catherine Palace
Ang Catherine Palace ay matatagpuan sa Tsarkoye Selo (Pushkin) na may layong 25 kilometro mula sa sentro ng St. Petersburg. Ipinangalan ang palasyo kay Catherine I, ang maybahay ni Peter the Great. Namuno ng bansa sa loob ng dalawang taon si Catherine I matapos pumanaw ang kanyang asawa. Ipinatayo ni Peter para kay Catherine I ang palasyo noong 1717 upang gawing tirahan tuwing panahon ng tag-init. Higit na pinaganda at pinatingkad ng kanilang anak na si Elizabeth I ang arkitektura at disenyo ng palasyo nang muli niya itong ipagawa sa apat na iba’t ibang arkitekto mula 1743.
           
Natapos ang palasyo noong 1756 sa pangunguna ni Bartholomeo Rastrelli, Chief Architect of the Imperial Court, na siyang inutusan para gawing kasing glamoroso ng Versailles ng Pransiya ang disensyo nito. Mayroong halos 100 kilogram ng ginto ang ginamit para itubog ang mga estatwa at poste sa labas pa lamang ng palasyo.

Ang Amber Room
Ang Amber Room ay isa sa pinakaglamorosong silid sa buong palasyo. Gawa ito sa 450 kilogram na Amber na nagmula pa sa Germany. Bukod sa Amber, mayroon din na magagarbong Ural at Caucasus gemstones ang mga dingding sa silid, mga salamin at mga inukit na estatwa ng bata at anghel na tubog sa ginto. Bago ang digmaan, ang Amber Room ay kilala sa tawag na “Eighth Wonder of the World.”
           
Nang makuha ng Germany ang Tsarkoye Selo noong 1941 sa gitna ng  Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binaklas ng mga Germans ang Amber Room sa loob lamang ng 36 oras at agad na dinala sa Konigsberg Castle sa Germany. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay hindi na malaman ang kinahitnan ng Amber Room. Sinasabing nasira ito noong atakihin ang Konigsberg Castle noong 1945.

Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig
Malaki ang naging sira ng Catherine Palace noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Halos walang natira sa magagandang silid nito. Naiwan na lamang na nakatayo ang façade ng palasyo. Hindi na rin makita ang mga labi ng Amber Room na tinangay sa Germany.
           
Isa sa mga major reconstruction na ginawa sa palasyo ay ang muling pagbuo ng Amber Room. Nagsimula itong gawin noong 1979 na tumagal ng mahigit 20 taon. May halos 40 Russian at German na mga eksperto sa paglilok at paghawak ng amber ang kinomisyon para sa sensitibong trabahong ito.
Gamit lamang ang mga lumang ginuhit at kinuhanan na larawan, sinikap ng mga eksperto na gayahin ng eksakto ang orihinal na Amber Room at ibalik ito sa dati nitong karangalan. Tinatayang mayroong 350 shades ng amber sa mga dingding nito ang sinikap na muling gawin.
           
Noong 2003 ay muling binuksan ang bagong Amber Room. Pinangunahan ito ni Russian President Vladimir Putin kasabay ng ika-300 selebrasyon ng pagkakatatag ng St. Petersburg. Ang reconstruction ng Amber Room ay tinatayang umabot sa 12 milyong dolyar.

Para sa mga Nais Pumunta
Bukas ang Catherine Palace araw-araw mula alas-10 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi. Siguraduhin lamang na darating doon bago mag-alas-5 dahil hindi na sila nagpapapasok pagkatapos nito. Sarado ito tuwing Martes at tuwing huling Lunes ng bawat buwan. Nagkakahalaga ang tiket nito ng humigit-kumulang ¥700 para sa mga matatanda at ¥400 para sa mga estudyante. Maaari rin na manghiram ng audio-guide sa Ingles na nagkakahalaga ng ¥300.
           
Mula sa St. Petersburg, maaaring magtren mula sa Vitebsky Railway Terminal o Kupchino Railway Station hanggang Tsarkoye Selo (Pushkin) Railway Station. Pagbaba dito ay maaari nang sumakay ng Bus 371, 372 o Minibus Taxi 371, 377, 382 papuntang Catherine Palace.
           
Ang palasyong ito ay nagpapakita hindi lamang ng pinansyal na yaman ng Russia kundi pati na rin ang yaman sa talento ng kanilang mga arkitekto at manggagawa na may kakayahang bumuo ng ganitong obra maestra. Ipinakita rin nito ang mayamang kasaysayan ng Russia ilang daang taon na ang nakararaan hanggang sa mga pakikipagsapalaran nito noong Ikalawang Digmaang dasigdig.

Tuesday, August 25, 2015

Anong Meron sa Nagoya?

“Anong mayroon sa Nagoya?”
Ito ang pinakamadalas kong naririnig na tanong mula sa ibang tao kapag napag-uusapan ang Nagoya. Hindi raw gaanong nalalayo ang Nagoya sa Tokyo dahil parehas silang malalaking siyudad na maraming tao at matataas na gusali. Ang Nagoya, kapital ng Aichi, ang pinakamalaking siyudad sa rehiyon ng Chubu at nagtataglay ng isa sa pinakaabalang pier sa buong bansa.
Mayroong mahigit dalawang milyong tao ang naninirahan dito. Laban sa karaniwang impresyon ng mga tao na isang pangkaraniwang siyudad lamang ang Nagoya, malaki pala ang naging bahagi nito sa kasaysayan ng Japan at maraming lugar dito ang sulit bisitahin.
Bahagi ng Kasaysayan
           
Malaki ang naging bahagi ng Nagoya sa kasaysayan ng Japan lalo na noong panahon ng Tokugawa. Naging isa ito sa sentro ng kapangyarihan noong panahon na yun dahil dito nanirahan ang mga miyembro ng Owari Tokugawa, ang pinakamalaki at kilalang pamilya na nagmula sa angkan ng Tokugawa. Noong 1616, inilapat ni Tokugawa Ieyasu ang kapital mula sa probinsya ng Owari sa Nagoya. Iniutos niya ang pagtatag ng Nagoya Castle kasabay ang paglipat ng mahigit 60,000 tao mula sa lumang kapital.  
Mga Pasyalan
Nagoya Castle. Ipinagawa ang palasyong ito sa utos ni Tokugawa Ieyasu at natapos noong 1616. Itinatag ito upang pakasin ang kanilang puwersa sa bahaging ito ng bansa – isang magandang lokasyon na malapit sa Tokdaido Road na nagdurugtong sa Tokyo at Kyoto.
Sa loob ng mahabang panahon ay tinirahan ang palasyo ng mga miyembro ng pamilya ng Owari Tokugawa, isa sa tatlong pinakaprominenteng pamilya na nagmula sa angkan ng Tokugawa. Ang pinakakilalang simbolo ng palasyo ay ang “kinshachi,” isang ginintuang isda na may katawan ng karpa at ulo na tigre na isang kilalang imahe sa mitolohiyang Hapon. Sa tuktok ng palasyo ay makikita ang ilang kinshashi na simbolo ng kapangyarihan ng kanilang pinuno.
           
Nagoya Port Area. Isa ito sa pinakamalalaking pier sa buong Japan. Hindi lamang magandang tanawin ng dagat at mga naglalakihang barko ang matatagpuan dito. Narito rin ang Port of Nagoya Public Aquarium kung saan makikita ang iba`t ibang uri ng hayop pantubig.
Mayroon din na nagaganap na tatlong dolphin shows bawat araw at feeding at training shows na tiyak na kagigiliwan ng buong pamilya lalo na ng mga bata. Makikita rin na nakadaong sa pier ang “Icebreaker Fuji,” isang malaking kahel na barko na ginamit ng Japan sa pag-aaral at pagtuklas sa Karagatang Antartiko mula 1960s hanggang 1980s.
Sa kasalukuyan ay isa na itong museo na bukas para sa mga nais makita ang loob nito. Sa tabi ng barko ay matatagpuan ang Nagoya Port Building kung saan maaaaring umakyat ang mga nais makakaita ng 360 view ng paligid ng pier.
           
Toyota Factory and Museum. Sa Toyota, isang siyudad sa silangan ng Nagoya, matatagpuan ang headquarters ng pinakamalaking kumpanya ng kotse sa Japan na mayroong parehong pangalan. Ang Toyota Kaikan Museum kung saan makikita ang mga lumang modelo ng kotse na kanilang nagawa at mga bagong teknolohiya na kanilang natuklsan.
Paminsan-minsan ay nagkakaroon din sila ng mga robot shows na maaaring panoorin ng mga bisita. Isa sa mga karaniwang dinarayo rito ay ang libreng tour sa loob ng planta ng Toyota. Libre ang tour ngunit kailangang magpareserve online para masigurado ang slot.
Bukod dito, mayroon din silang Toyota Techno Museum na siya namang nagpapakita ng mahabang kasaysayan ng kumpanya ng Toyota at ang kanilang paraan ng paggawa ng sasakyan. Sa Toyoto Automobile Museum naman makikita ang iba’t ibang uri ng  kotse mula Japan, Amerika at Europe mula 1800s hangang 1960s.
Mga Kaganapan
Nagoya Castle Summer Night Festival. Nagaganap ito tuwing summer sa loob ng 13 araw. Sa labas ng palasyo ay mayroong iba’t ibang mga stalls ng pagkain at mga tradisyonal na laro tulad ng archery. Mayroon din na mga musical performances at “bon odori.” Kadalasang ginaganap ito tuwing kalagitnaan ng Agosto. Nagsisimula ito ng alas-5 ng hapon at natatapos ng alas-9.
Fireworks Festivals. Kilala rin ang Nagoya sa bonggang mga fireworks display tuwing summer. Ilan sa mga kilalang festival na ‘di dapat palampasin ay ang Okazaki Fireworks Festival na nagaganap malaait sa Okazaki Castle sa unang linggo ng Agosto sa loob ng tatlong araw. Sa unang araw ay mayroong bon odori kung saan pwedeng makilahok ang kahit na sinong may nais, ang pangalawanag araw naman ay para sa pagpaparada ng “mikoshi” at ang huling araw naman ay nakalaaan para sa fireworks display.
Korakei Momiji Matsuri. Tuwing Autumn naman, isang magandang lugar kung saan maaaring makita ang “koyo” ay sa Korankei Valley sa may Toyota City. Kilala ang Taigetsukyo Bridge na puntahan ng mga taong nais makita ang mga dahong nagpapalit ng kulay.
Maaaring maglakad sa may tabi ng ilog papuntang Mt. Iimori kung saan makikita ang Kojakuji Temple. Sa panahon ng “matsuri,” mayroong iba’t ibang kaganapan tulad ng tea ceremony, musical performances at mga exhibitions. Tuwing Nobyembre pinakamagandang pumunta sa lugar na ito.
           
Mga Pagkain
Hindi rin magpapahuli ang Nagoya sa masasarap na pagkain na popular hindi lamang sa mga taga-roon kung hindi pati na rin sa mga turista.
Hitsumabushi. Isa sa mga pinakakilalang pagkain sa Nagoya ang “unagi” o eel. May kamahalan ito ngunit sulit naman ang sariwang unagi na ihahain sa ibabaw ng mainit na kanin kasama ang iba’t ibang pampalasa at sabaw na maaaring ihalo rito.  
Tebasaki. Gawa ito sa pakpak ng manok na ibinabad sa matamis na sauce na mayroong sesame seeds.
Kishimen. Isa itong uri ng “udon” na maaari itong kainin ng mainit o malamig at isinasawsaw sa sabaw na timplado ng iba`t ibang pampalasa.
Toriwasa. Sashimi na gawa sa Nagoya Kochin, isang cross-bred na manok mula sa Nagoya Chicken at Cochin.
Uiro. Isang uri ng dumpling na gawa sa pinaghalong harina at asukal.

Sa susunod na may marinig akong magtanong ng “Anong mayroon sa Nagoya?” Alam ko na ang isasagot ko, marami palang itong magagandang pasyalan at masasarap na pagkain na sosorpresea sa mga bibisita rito.